CHAPTER SIXTEEN

84 3 0
                                    


"ANONG ginagawa mo rito?" gulat na tanong ni Christina nang makita niyang nasa likuran na pala niya si Frank. Katatapos lang nilang magtanghalian at nagpunta siya sa parang para magpahangin, at para umiwas na rin kay Frank. Pero hindi naman niya akalaing pati doon ay susundan siya nito.

"Puwede ba kitang makausap?" sagot nito sa kanya. Bakas naman sa mukha nito na sinsero ito, ngunit pinili pa rin ni Christina na magmatigas.

"Umalis ka na Frank. Wala na tayong pag-uusapan pa. Pinagtabuyan mo na ako 'di ba?"

Nag-iwas ng tingin si Christina kay Frank. Dahil kung mananatili siyang nakatitig dito, baka tuluyan nang bumagsak ang luhang namuo sa mga mata niya na sinisikap niyang itago rito.

Hindi nagpatinag si Frank at hindi na ito nag-alinlangan pang sabihin ang pakay niya kay Christina.

"Nandito ako para magpaalam, Tina. Natanggap akong kusinero sa Italy. Sa biyernes na ang flight ko."

Hindi na napigil pa ni Christina at tuluyan nang umagos ang luha niya sa kanyang pisngi at pumatak iyon sa malagong damo sa lupa, dahil sa narinig mula kay Frank. Sinagot niya ang kasintahan nang hindi man lang ito hinaharap. Nanatiling nakatungo ang ulo niya.

"G-gano'n ba? Sige, mag-iingat ka kung gano'n. Hindi mo naman na kailangan pang magpaalam sa akin."

Sa halip na umalis, lalo pang lumapit si Frank kay Christina. Pumunta ang binata sa mismong harap ni Christina. Hinawakan niya ang pisngi nito kaya't napilitang tumunghay si Christina. Hindi na niya maitatago pa kay Frank ang totoong nararamdaman niya nang mga sandaling 'yon.

"I'm sorry, Tina," nahihikbing wika ni Frank kay Tina habang pinunas nito ng sariling mga daliri ang luha sa pisngi ni Christina.

Dinama ni Christina ang mainit na mga palad ni Frank na nakahawak sa kanyang pisngi. Pumikit pa siya at ninamnam ang sensasyong iyon. Nagbalik sa kanyang isipan ang lahat ng alaalang kalakip niyon. Pilit na minemorya ang pakiramdam na inaasam-asam pa rin niyang maramdaman hanggang ngayon.

Pagmulat ni Christina, muling nagtama ang mga mata nila ni Frank. Nandoon pa rin ang kislap ng pagmamahal nila sa isa't isa. Walang anumang salitang namagitan sa kanilang dalawa, ngunit dumadagundong naman ang tibok ng kanilang mga puso.

Ilang sandali pa't hindi na sila nakatiis at hinayaan na lamang nila ang kanilang mga emosyon na tangayin sila ng mga sandaling 'yon. Kapwa sila napapikit habang utay-utay na inilalapat ni Frank ang kanyang mga labi sa labi ni Christina.

Sa loob ng ilang minuto, pinagsaluhan nilang dalawa ang pinakabanayad, pinakabusilak, at pinakamahiwagang halik na namagitan sa kanila.

Marahil, iyon na ang kahuli-hulihang halik na pagsasaluhan nila. Kaya't pareho nilang hindi sinayang ang pagkakataon. Naramdaman ni Christina ang paulit ulit na pag-vibrate ng cellphone sa bulsa niya pero hindi niya iyon pinansin.

Sinulit niya ang kakapurit na panahong natitira para sa kanila ni Frank at ang kaligayahang kaakibat ng sandaling 'yon. Kung puwede nga lamang niyang patigilin ang oras, habambuhay na lang niyang pahihintuin ang oras sa sandaling 'yon.

Pero alam niyang hanggang sa panaginip na lang ang lahat ng iyon. Dahil sa pagmulat niya, kasabay rin niyon ang pagharap niya sa realidad nila. Ang masakit na katotohanang kailangan na niyang tanggapin at panindigan.

Dahil masakit man para sa kanya, ang kuwento nila ni Frank ay matagal nang nagwakas.

"Patawarin mo ako, Christina. Ipinagtabuyan kita n'ong huli nating pagkikita. Masyado akong naging duwag at makasarili," paglalahad ni Frank. Kapwa na silang magkatabing nakaupo sa malaking tipak ng batong nandoon.

"Kung naging matapang lang ako ng mga panahong 'yon, kung hindi ko pinairal ang galit ko...nandoon na ako, nasa harap mo na ako...pero, pero hindi man lang kita pinigilan. Nangako ako sa'yong ipaglalaban kita kahit anong mangyari. Pero anong ginawa ko? Hinayaan pa rin kitang makasal sa Alden na 'yon."

Hinagilap ni Christina ang kamay ni Frank at pinisil 'yon. Tinitigan niya ito at binigyan niya ito ng matipid na ngiti, tila nagsasabing 'pinapatawad na kita.'

"Frank, marami akong naging maling desisyon. At habambuhay ko 'yong pagsisisihan. Gaya ng nangyari sa relasyon natin. Pero kahit anong mangyari, hinding-hindi ko pagsisisihan ang mga bagay na isinakripisyo ko para sa'yo. Kahit pa mismong kaligayahan ko ang naging kapalit ng lahat ng ito."

Humugot ng malalim na hininga si Christina para kahit papaano'y maampat niya ang kanyang mga mararahas na paghikbi.

"Kailanman, hindi ko pagsisisihang minahal kita. Frank."

Isang mahigpit na yakap ang iginawad sa kanya ni Frank saka ito bumulong sa kanya. "Mahal na mahal kita, Tina. Paalam."

Sa paghihiwalay nila sa yakap na 'yon, saka lamang tuluyang napansin ni Christina na kanina pa pala may nakamasid sa kanilang dalawa sa 'di kalayuan.

Walang iba kundi si Alden.

Dali-daling pumunta si Christina sa asawa sa pag-aalalang magsimula na naman ito ng isang hindi kinakailangang kaguluhan.

"Alden, magpapaliwanag ako—

"No, you don't have to. Sinabi na sa akin ni Inay Anna kung anong nangyayari rito."

Nakahinga naman nang maluwag si Tina sa narinig.

"When you're done here, let's just go home."

Lumingon si Christina sa kinaroroonan ni Frank. Nagtama ang mga paningin nila. Isang makahulugang tingin ang ibinigay nito sa kanya. Na siya namang agad na naunawaan ni Christina.

Tuluyan nang tumalikod si Christina at iyon na ang kahuli-hulihang pagkakataong nagkita sila ni Frank. Kinagat ni Tina ang kanyang pang-ibabang labi para hindi siya maiyak.

At siya na mismo ang nangunang isalikop ang kanyang kamay sa kamay ni Alden.

Paalam, Frank.

"S-sige. Umuwi na tayo."

PinagtaksilanWhere stories live. Discover now