CHAPTER EIGHTEEN

101 2 0
                                    


PAGKALABAS ng doktor mula sa kuwarto, isang nakakabinging katahimikan ang pumailanglang sa bawat isa. Ang lahat ng naroon ay hindi alam kung paano nga ba magre-react sa ibinalita ng doktor sa kanila.

You're two months pregnant.

Para kay Alden, iyon na ang pinakasamakit na nangyari sa kanya ng araw na iyon.

Hindi ang matuklasan na pilit siyang kinokontrol ng amang si Don Francisco sa pamamagitan ni Allison. Hindi ang tahasang panlalait ng kanyang ama kay Christina sa harapan nila. At lalong hindi ang makita ang asawang si Christina na kayakap ang dati nitong kasintahan na si Frank.

Kundi ang malamang dalawang buwan na pala itong buntis.

Dahil isa lang ang ibig-sabihin niyon.

Hindi siya ang ama ng dinadala ni Christina.

At sa pagkakataong iyon, hindi alam ni Alden ang dapat niyang maramdaman.

"A-alden..."

Halos pabulong na nang bigkasin ni Christina ang pangalan ng asawa, pero sapat na ang lakas niyon para marinig iyon ni Alden at ng kanyang mga magulang. Gayunpaman, parang walang narinig si Alden. Sa halip na lumapit kay Christina, tumalikod ito at nilisan ang kuwarto.

"Alden, sandali!" sigaw ni Christina. Bagama't medyo nahihilo, bumangon si Christina sa kama niya para sundan si Alden. Sinubukan namang pigilan ni Anna ang anak pero pinigilan naman ito ni Mario.

Ayon rito, problema ito ng mag-asawa, at sila lamang ang kailangang magresolba niyon. Kumalma si Anna sa narinig na iyon mula sa kinakasama. Sa kabila kasi ng lahat ng mga kasamaan ni Mario, aminado si Anna na tama ito sa pagkakataong 'yon.

"Alden, sabing sandali!"

Naabutan ni Christina si Alden sa may lobby ng hospital. Dideretso na sana ito papalabas pero sinigawan niya ito. Sapat na para matawag ang atensyon nito, pati na ng mga nars at mga bisitang naroroon.

Para umiwas sa maraming mga matang nakamasid sa kanila, hinablot ni Alden ang kamay ni Christina at dinala ang asawa sa bukana ng hagdanan kung saan walang tao.

Kung hindi nga lamang sa aandap-andap na liwanag mula sa pasira-sirang bombilya na nandoon, baka kinain na sila ng dilim. Parang kahit anong oras ay may multong bigla na lang susulpot sa harapan nila.

Pero hindi iyon ang dahilan ng panlalamig ng mga kalamnan ni Christina. Kundi dahil sa napakalamig na titig na nagmumula kay Alden, na halos tumagos na nga yata hanggang sa kanyang kaluluwa.

At hindi gusto ni Christina ang ekspresyong iyon. Dahil ang Alden na kaharap niya ng mga sandaling 'yon, ay ang parehong Alden na sumira sa buhay niya. Bumalik na naman ito sa dati nitong pagkatao.

O, sadyang hindi naman talaga ito nagbago?

"Bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol dito, ha?"

Mataas na agad ang boses ni Alden.

"Paano ko sasabihin sa'yo ang tungkol dito kung pati ako, hindi ko alam?" depensa ni Christina sa kanyang sarili. "Kagaya mo, nagulat din ako nang malaman kong buntis ako! At saka may magagawa ba ako kahit alam ko? Nagmamahalan kami ni Frank n'ong bigla kang pumapel sa relasyon namin!"

Nanahimik si Alden pero ramdam ni Christina ang kinikimkim nitong galit. Napatiim-bagang ito at nakuyom pa ang kamao. Bumuntong-hininga si Alden para kahit papaano'y pakalmahin ang sarili niya.

"I want you to abort that child," mahina pero seryosong pagkakasabi ni Alden.

Isang mapait na tawa ang pinakawalan ni Christina. "Naririnig mo ba ang sarili mo ngayon, Alden?" Napapailing pa si Christina habang inaapuhap ang tamang mga salitang bibitawan kay Alden. "Gus-gusto mong patayin ang anak natin?"

"Hindi ko 'yan, anak!" deklarasyon ni Alden habang idinuro nito ang daliri sa mukha niya. Nanlaki ang mga mata ni Christina. Hindi niya matanggap na ganoon na lamang ang reaksyon ng asawa tungkol sa dinadala niya.

Bumalik sa alaala ni Christina ang parehong mga salitang iyon na nanggaling sa kanyang amahin na si Mario. Kung gaano kasakit sa kanya na paulit-ulit nitong ipamukha sa kanyang hindi siya nito anak.

Dumilim ang mukha ni Christina.

Alam niya ang pakiramdam niyon. At hindi niya hahayaang maramdaman din iyon ng magiging anak niya.

Itinunghay ni Christina ang kanyang ulo at isang diretsong titig sa mga mata ni Alden ang ipinukol niya rito. "Hindi. Hinding-hindi mo magagalaw ang anak ko."

"Ako ang asawa mo! At ang desisyon ko ang masusunod dito!"

Sinubukang idildil ni Alden si Christina sa matigas na pader pero nakalaban agad siya. Itinulak na niya ito bago pa siya tuluyang makulong na naman rito. Buti na lang at nakabawi agad si Alden at hindi ito tuluyang matalapid at matumba.

"At anong gagawin mo kung hindi ko gagawin ang gusto mo, ha? Papatayin mo ako? Ipapapatay mo si Frank? Sasaktan mo lahat ng mga mahal ko sa buhay? Iba-blackmail mo na naman ako makuha mo lang ulit ang gusto mo?"

Nanginginig man ang buong katawan ni Christina, nanatili namang matigas ang kanyang boses at ang kanyang paninindigan.

"Kinontrol mo na ang buhay ko,Alden. Hindi na ako papayag na kontrolin mo rin ang buhay ng magiging anak ko. Naging tanga na ako ng isang beses. Hindi ko na uulitin 'yon."

Isang mapaklang ngiti ang gumuhit sa pisngi ni Christina. "Alam mo 'yong nakakatawa, Alden? Galit na galit ka sa ama mo dahil kinokontrol niya ang buhay mo. Pero hindi ba't gano'n din ang ginagawa mo sa akin? Pareho lang kayo."

Tila sinaksak ng isang libong kutsilyo sa buong katawan si Alden sa mga salitang binitawan sa kanya ni Christina. Hindi man lang siya nakasagot. Hindi man lang siya nakakilos. Sa tagpong 'yon, para siyang isang bangkay na inilibing sa ilalim ng mabigat na katotohanan.

"Aaminin ko, unti-unti nang lumambot ang puso ko sa mga maliliit na kabutihang pinapakita mo sa akin. Kung paano mo ako alagaan. Kung paano mo ako ipagtanggol. May bahagi na ng puso kong naniwalang baka mahal mo nga ako."

Humigop lang saglit ng hangin si Christina at ipinagpatuloy niya ang kanyang litanya.

"Umasa ako, Alden. Pinaniwala ko ang sarili kong matututunan din kitang mahalin. Pero pagkatapos ng lahat ng mga nangyayari sa atin? Mukhang himala ang kailangan ko. Biruin mo? Wala pa tayong isang buwang kasal, Alden. Pero ganito na agad kamiserable ang buhay ko sa piling mo! Paano pa sa susunod na buwan? Mga taon? Ha?"

"Tina..."

Sinubukan ni Alden na lapitan si Christina pero lumayo na agad ito.

"Tapusin na agad natin 'to, Alden. Dahil sa simula pa lang, wala nang patutunguhan pa kung anumang relasyon mayro'n tayo. Pakiusap, tantanan mo na ako. Tapusin mo na ang kahibangan mo."

Pagkasabi niyon, walang lingon-lingong tumakbo si Christina papalayo. Hanggang sa makarating siya sa isang banyo. Pagkapasok pa lang niya roon, napasandal na agad siya sa malagkit at mamasa-masang dingding. Kung hindi siya napahawak sa lababo ay siguradong napabagsak na siya sa basang sahig.

Hawak niya ang kanyang dibdib habang marahas ang kanyang mga paghikbi. Hanggang sa hindi na niya nakontrol pa ang kanyang emosyon at napaatungal na siya.

Doon, ikinulong niya pansamantala ang kanyang sarili, kasabay naman ng pagkawala ng damdaming kanina pa niya pinipigilang sumambulat.

PinagtaksilanWhere stories live. Discover now