Chapter 11 - Akyat-bahay

4.1K 243 6
                                    

"PAU..."

Bahagya ko nang narinig ang pagtawag ni Rob. Kanina pa ako nakahiga rito sa kama dahil sa sobrang pagod sa maghapong pagtatrabaho. Nakapagluto na ako ng hapunan. Nakauwi na rin si Imelda. Si baby Gab naman ay payapa na ring natutulog sa crib niya. Ibinili siya ni Rob ng crib para may sarili na siyang higaan. Dati kasi ay sa gitna namin ni Rob siya natutulog. At least ngayon, puwede na siyang maglikot sa pagtulog nang hindi kami kinakabahan na baka siya mahulog.

"Pau, gising ka pa ba?"

"Amoy alak ka na naman. Kaya ginabi ka na naman dahil nakipag-inuman ka pa." Isa ito sa madalas pagsimulan ng pagtatalo namin ni Rob. Ayaw na ayaw kong umiinom siya ng alak o kahit ano pa mang inuming nakalalasing. Pinagbabawalan ko rin siyang manigarilyo. Basta! 'Di ko maintindihan ang lohika na kailangan mong pagkagastusan ang isang bagay na alam mong puwedeng makasama sa iyong kalusugan. Ang dami namang puwedeng gawin sa pera. Bakit mo ito gagamitin sa mga bisyong wala namang kuwenta?

"Konti lang naman, Pau. Nagkayayaan lang sa opisina. Nakikisama lang naman ako, kaya 'di ko sila mapahindian." Kabisado ko na ang ganyang dayalog ni Rob. Lagi namang ganyan. Nakikisama. Pero hanggang kailan ba dapat makisama? Hanggang magkasakit siya dahil sa bisyo? Nakakaloka!

"Kumain ka na ba?" tanong ko kay Rob. Kahit naman pasaway ang mokong na ito, hindi ko pa rin inaalis na laging isipin ang kapakanan niya. Siyempre mahal ko naman ito, kahit pa nga lagi kaming parang aso't pusang nagbabangayan.

"Oo, kanina. Inaantok na ako," walang gana niyang sagot.

"Matulog ka na. Pero magpalit ka muna ng damit at saka maglinis ka do'n sa banyo. Amoy lasing ka. Ambaho!"

"OA ka naman! Konti lang naman ang nainom ko," kontra ni Rob sa sinabi ko.

"Kahit na. Basta, maglinis ka muna ng katawan o kahit maghilamos lang."

"Sige na nga. Inaantok na ang tao, eh." Tumayo si Rob at lumabas ng silid.

Dedma lang ako. Sanay na talaga ako kay Rob. Mahilig lang itong kumontra sa mga sinasabi ko pero sa bandang huli, susunod rin naman.

Ilang sandali lang ang lumipas at bumalik na si Rob sa kuwarto. Hinubad niya ang suot na t-shirt at pantalon. Nagsuot siya ng sando at humiga sa kama katabi ko. Ganito ang usual sleeping attire ni Rob, sando at boxers, minsan naman sando at brief.

Si baby Gab ay mahimbing pa rin ang tulog. Napakabait talaga ng batang ito. Hindi naging mahirap sa amin ang alagaan siya. Hindi siya katulad ng ibang mga sanggol na pinupuyat ang magulang sa kababantay tuwing gabi.

Hindi ko na narinig magsalita si Rob pagkahiga niya. Mabilis siyang nakatulog. Nang tingnan ko siya ay mahimbing na nga ang tulog niya at nagsisimula na siyang maghilik. Ako naman ay sadyang inaantok na rin kaya naman hindi ko na pinigilan ang antok na kanina pa ako kinukulit. Pagkalipas ng ilang sandali, lahat kami ay mahimbing nang natutulog at wala nang alam sa iba pang nangyayari sa buong magdamag.

ALAS DOS ng madaling araw ng isang anino ang makikitang nagpipilit pumasok sa aming bahay. Hindi namin alam kung anong ginawa niya para mabuksan ang pintong naka-lock naman. Basta walang anuman siyang nakapasok sa loob ng bahay at palinga-linga pa siya sa loob ng salas. Kapansin-pansing parang sanay na sanay ang aninong ito sa loob ng aming bahay. Tila kabisado nito ang bawat parte ng bahay.

Maya-maya pa'y lumakad ang anino papunta sa silid namin ni Pau. Hindi kami nagla-lock ng kuwarto kaya malayang nakapasok ang anino. Tulad ng kung paano tila kabisado niya ang salas, ganoon din siya sa pagpasok sa aming silid. Alam na alam niya kung saan kukunin ang kanyang pakay.

Dumiretso siya sa crib kung saan mahimbing na natutulog ang aming munting anghel na si baby Gab. Seryosong pinagmasdan ng anino ang sanggol sa kuna. Pagkatapos ay maingat itong yumuko at binuhat ang natutulog na sanggol. Nanatiling tulog si baby Gab. Walang kamalay-malay sa posibleng panganib na paparating sa kanya.

Kalong pa rin si baby Gab, nagsimulang kumilos ang anino at naglakad papalabas ng kuwarto. Tila si baby Gab lang talaga ang pakay ng anino. Tuloy-tuloy itong lumabas ng silid dala ang aming sanggol.

Nakalabas na ng silid ang anino nang biglang magising si baby Gab at umiyak. Sapat na ang lakas ng iyak ng sanggol para mataranta ang anino at agad na ibinaba si baby Gab sa sahig. Dali-dali itong lumabas ng bahay at tumakbo papalayo hanggang mawala na ito sa kadiliman ng gabi.

Si baby Gab ay patuloy sa pag-iyak. Noong una ay tila nananaginip lang ako. Tila sa malayo kasi nanggagaling ang munting boses na umiiyak. Hanggang tuluyan na akong maalimpungatan at patuloy ko pa ring naririnig ang sanggol na umiiyak.

Hindi ako maaaring magkamali. Si baby Gab talaga ang umiiyak na 'yon!

Agad akong bumangon. Binuksan ko ang ilaw at lumapit sa crib.

Anong panghihilakbot ko nang makita kong wala sa crib si baby Gab.

Pero naririnig ko pa rin ang iyak ng sanggol! Nasaan si baby Gab?!

Sa labas! Tila sa labas ng silid nagmumula ang iyak.

Agad kong niyugyog si Rob para magising ito. "Bangon, Rob! Nawawala si baby Gab!"

'Ha?!" tila wala pa sa sariling katinuan si Rob.

"Si baby Gab, wala sa crib!"

"Ano?! Nasaan siya?!" Bumalikwas mula sa pagkakahiga si Rob.

Agad kaming lumabas ng silid. Binuksan ko ang ilaw sa salas at agad na bumulaga sa amin ang baby na nakahiga sa sahig na patuloy pa rin sa pag-iyak

"Bakit siya nariyan? Paano siyang napunta riyan?" nagtatakang tanong ni Rob.

"Hindi ko alam. Baka pinasok tayo ng magnanakaw. Baka may nag-akyat-bahay," naguguluhan kong sagot.

Binuhat ko si baby Gab at inalo para tumigil sa pag-iyak.

Si Rob naman ay isa-isang ininspeksyon ang mga gamit namin sa bahay.

TV. Check!

Ref. Check!

Sofa. Check!

Furnitures. Check!

DVD player. Check!

'Yung ibang gamit namin ay nasa loob ng silid katulad ng computer at laptop. Wala namang nawala. Andoon lahat ng gamit. Pero bakit si baby Gab ay nasa sahig gayong 'di ba dapat ay nasa crib ito?

Nagkatinginan kami ni Rob. Pareho ba kami ng iniisip?

"Pau..."

"Rob?"

"Si baby Gab ang pakay ng magnanakaw!" Halos sabay pa kaming nagsalita ni Rob ng aming hinala.

"Oh my God!"

"Pau, si baby Gab nga ang gustong kunin ng magnanakaw. Walang nawalang gamit. Si baby Gab lang ang napunta sa salas mula sa silid."

"Sino ang puwedeng gumawa nito?"

Ayaw namin ni Rob na malaman ang sagot. Dahil natatakot kami sa itinatakbo ng aming mga isip. Dalawa lang naman kasi ang posibleng mangyari.

Kidnapin si baby Gab.

O bawiin sa amin ng tunay niyang magulang, sa anumang paraan.

Two Daddies (Completed)Where stories live. Discover now