Chapter 15 - Ang Daddy ni Baby Gab

3.9K 233 27
                                    

NAGULAT ako nang makita ko kung sino ang nagsalita. Para akong natuka ng ahas.

"Rico?" Talagang sobra-sobra ang gulat ko at pagtataka. Bakit napasok sa eksena si Rico? Sobrang coincidence naman ito. Si Rico, ang ex kong si Rico ang ama ni baby Gab?! Hindi ito totoo.

"Ako nga. Kumusta ka na?"

"Ikaw ang tatay ni baby Gab? Paano? May maipapakita ka bang ebidensya na anak mo nga si baby Gab?" sunod-sunod ang tanong ko.

"Eto ang birth certificate niya. Suriin mo pa kung gusto mo. Ipa-authenticate mo pa sa NSO. At eto rin ang ID ko." Kinuha ng isa sa mga social worker ang birth certificate. Mabusising sinuri at binasa ang nakasulat na detalye roon. Ikinumpara ang pangalan ng ama na nakasulat sa birth certificate at sa ID ni Rico.

"Totoo nga ito. Siya nga ang ama ni baby Gab," deklara ng social worker na si Cita, base sa nabasa kong pangalan sa ID niya.

Parang bigla akong nanlumo. Ano ba naman ang mga kaganapan nitong nagdaang mga araw? Sunod-sunod na 'di magagandang pangyayari. Pero ito na yata ang pinakamasama. Worst ever! Mga social worker na 'to. Bigla na lang dadating dito para kunin si baby Gab. Tapos dadating pa ang Rico na 'to at sasabihing siya ang ama ni baby Gab. Ano ito? Rob, help!!! Maloloka na ako sa mga nangyayari dito.

"Gaya nga ng sabi ko kanina, naparito kami para alamin kung totoong may nag-iwan ng baby sa pintuan ng bahay n'yo. Kasi kung totoo, kailangang ibigay n'yo sa pangangalaga ng DSWD ang baby. Pero dahil narito na ang ama, hindi na namin kukunin ang baby kung mapupunta ito sa pangangalaga niya.

"Teka muna, naguguluhan ako sa inyo. Mas mabuti siguro eh, dito tayo mag-usap sa loob." Ang haba na ng usapan. Hindi ba dapat kanina ko pa sila pinapasok sa loob ng bahay?

"Maupo muna kayo," sabi ko pagkapasok ng tatlo sa loob ng bahay.

"Maaari mo bang ilabas dito ang bata?" Hindi ako sigurado kung nagtatanong ba ang social worker na si Cita o nag-uutos.

"Natutulog pa siya. Kawawa naman kung gigisingin pa natin."

"Gusto kong makita ang anak ko," singit naman ni Rico.

Palihim kong pinandilatan si Rico. Ang gagong ito, bigla-bigla na lang lilitaw para kunin si baby Gab. Iiwan niya sa pintuan ng bahay tapos kukunin niya kung kelan niya gusto? Ano siya nagpahiram ng laruan tapos babawiin n'ya pag gusto na niyang maglaro ulit? Kapag ako 'di nakapagpigil, makakatikim sa akin ang mokong na ito. Hindi porke ex ko siya eh, palalampasin ko na lang basta ang kagaguhan niya. Kung noon ngang boyfriend ko pa siya hindi niya ako napapasunod sa mga gusto niya, ngayon pa ba ako yuyuko sa kanya? Kailangan niyang ipaliwanag nang mabuti sa akin kung paanong naging anak niya si baby Gab. Hindi ako basta-basta naniniwala sa dala niyang birth certificate. Andaming gumagawa ng ganyan sa Recto. Pero bakit alam niyang andito si baby Gab?

"Kunin mo na ang bata at ilabas dito," sabi naman ni Mayeth. "Tapos, pag-usapan natin kung anong gagawin sa kanya."

"Willing akong ampunin ng legal ang bata," giit ko sa kanilang tatlo.

"Nandito na ang tatay at kinukuha na ang anak niya. Mas dapat na nasa magulang ang sanggol kesa sa ibang tao."

"Hindi na ako ibang tao kay baby Gab. Kahit mahigit dalawang linggo pa lang siya sa amin, inalagaan namin siyang mabuti at itinuring na totoong anak."

"May asawa po ba kayo, mister?" tanong ni Mayeth.

"W-wala. Hindi ko naman kailangan ng asawa para maalagaan ng tama ang isang baby."

"Sino 'yung sinasabi mong katuwang mo sa pag-aalaga sa baby?"

"Si Rob, partner ko."

Tila naeskandalo ang dalawang social workers. "May ka-live in kang lalaki rin?"

"Hindi po ako o ang buhay ko ang pinag-uusapan natin dito. Si baby Gab po. Maka-react naman kayo, parang ngayon lang kayo nakakita ng dalawang lalaking magka-live in. Wala bang mga bakla sa lugar n'yo?" Malapit na talaga akong mapikon sa mga social worker na ito.

"Mas lalong dapat mapunta sa ama ng baby ang custody. Hindi magandang lumaki ang bata na nakikita ang isang hindi normal na relasyon." Pinaikot ko ang mga mata ko sa hindi ko mapaniwalaang reaksiyon ni Cita.

"Social worker ba talaga kayo o mga moralista? Kaloka kayo, ha. Nandito kayo sa pamamahay ko kaya umayos kayo. Hindi porke tauhan kayo ng gobyerno eh, hahayaan ko na lang kayo na tapakan ang pagkatao ko. Para sabihin ko sa inyo, hindi sa sekswalidad nasusukat ang kabutihan ng isang tao. Kilala n'yo ba itong Rico na 'to? Alam n'yo ba ang totoong pagkatao niya? Oo, siya nga ang ama. Pero anong garantiya na mapapalaki niya nang maayos ang bata? Eh, baka nga kahit sarili niya 'di niya kayang buhayin." Bumaling ako kay Rico. "O, anong trabaho mo ngayon, kung meron man? Nagtutulak pa rin ng droga?"

"Huh?! Hindi ko gawain 'yan, ha? Huwag kang nambibintang," todo tanggi si Rico. Pero kahit ano pang pagtanggi ang gawin niya, hindi niya ako maloloko. Halos isang taon din tumagal ang relasyon naming dalawa at 'yung pagiging tulak niya ng ipinagbabawal na gamot ang unang rason kung bakit ako nakipag-break sa kanya. Nililinaw ko lang, ako ang nakipag-break.

"Matagal na 'yun. Oo, inaamin ko minsan na akong naligaw ng landas. Pero nagbago na ako. At pinagsisisihan ko nang lubos na iniwan ko dito ang anak ko. Walang araw at gabi na iniisip ko siya. Siya lang ang nag-iisang alaala sa akin ng namayapa kong asawa." Mangiyak-ngiyak si Rico habang nagsasalita. "Kaya nagpasya akong bumalik dito para bawiin ang anak ko. Ako ang dapat magpalaki sa kanya. Ako ang tatay niya. Ayokong lumaki siya na hindi ako kilala."

Noon biglang umiyak si baby Gab. Gising na siya. At wala na akong pwedeng idahilan para hindi siya ilabas at ipakita sa tatay niya.

"Sandali lang, kukunin ko si baby." Pumasok ako sa silid at kinuha si baby Gab sa crib. Tumigil ito sa pag-iyak nang maramdaman niyang siya'y nasa akin ng mga bisig. Gusto kong maluha. Ngayon na ba ang huling araw na makakarga ko si baby Gab? Iuuwi na ba talaga siya ng tatay niya? Diyos ko! Hindi ko kakayanin na mawala si baby Gab sa buhay ko. Anong paraan ang pwede kong gawin para manatili si baby Gab dito sa piling namin ni Rob?

Two Daddies (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon