Chapter 16 - Dalawang Kondisyon

3.6K 227 27
                                    

Author's Note: Please see Rico's picture.

"ANG ANAK KO!" agad na salubong ni Rico paglabas ko ng silid na karga-karga si baby Gab. "Gusto ko siyang kargahin."

Lumapit sa akin si Rico at kinuha si baby Gab. Wala na akong nagawa kundi ibigay sa kanya ang sanggol.

Tuwang-tuwa naman si baby Gab habang karga siya ni Rico. Parang kilalang-kilala na ng sanggol ang lalaking kumakarga sa kanya ngayon. Sabagay, mag-ama sila. May tila anong hiwaga ang mga baby na sa kanilang kawalang-malay ay tila kilala nila kung sino ang taong pinagkakautangan nila ng buhay. Kaya 'di na nakapagtatakang palagay agad ang loob nito kay Rico.

Maging si Rico ay bakas ang kasiyahan sa mukha. Masayang-masaya siya na hawak na niyang muli ang nawalay niyang anak.

Pero bakit ba nawalay? 'Di ba kasalanan din niya? Siya itong nag-iwan sa sanggol sa labas ng pintuan. Anong naisipan niya at nagawa niyang itapon ang kanyang anak? At anong nakain niya't biglang gusto na niya itong bawiin?

At ano ang karapatan ko para tumangging ibalik si baby Gab sa tatay niya?

"Nabanggit mo kanina na si baby Gab lang ang naiwang alaala ng namayapa mong asawa. Ano ang ikinamatay ng nanay ni baby Gab?" biglang naitanong ko kay Rico. Nakamasid lang ang dalawang social workers at nakikinig.

Malungkot ang tinig na sumagot si Rico. "Namatay siya sa panganganak kay baby. Kaya naging magulo ang isip ko. Hindi ko matanggap na patay na ang asawa ko. Sinisisi ko si baby Gab sa pagkamatay niya. Kaya sa sobrang kalituhan ng utak ko, nagawa kong iwanan siya diyan sa labas ng pintuan n'yo."

Seryoso kong pinakikinggan ang sinasabi ni Rico. Naghahanap ako kahit konting butas sa kuwento niya. Ewan ko, gusto ko lang sigurong malaman kung siya nga talaga ang tatay ni baby Gab. 'Di lang siguro matanggap ng konsensya ko na mawawala na si baby Gab sa buhay namin ni Rob.

"Pero naliwanagan na ako," patuloy ni Rico. "Kaya bumalik ako rito para kunin si baby. Pinagsisisihan ko na ang ginawa ko. Gusto ko nang bawiin ang anak ko at palakihin siya nang maayos."

Lihim akong napaismid. Paanong lalaki nang maayos si baby Gab kung do'n ito ititira ni Rico sa iskwater? Laking iskwater ang Rico na 'to, alam ko dahil ilang beses na rin akong nagawi sa lugar nila. Although hindi ko naman narating ang mismong tinitirhan nila dun. Hanggang doon lang ako sa kanto dahil natatakot akong dumaan sa mga eskenita sa lugar nila. Kaya nga hindi ko rin nakilala kahit minsan ang nanay at kapatid nitong babae.

Nagsalita si Mayeth. "Mukhang sincere naman siya at gusto na niyang ituwid ang maling nagawa niya sa kanyang anak. Sino tayo para 'di siya bigyan ng pagkakataong patunayan ang pagiging ama niya kay baby?"

"Salamat at naunawaan n'yo ako, " sabi ni Rico kay Mayeth.

"Hindi na kami makikisali sa usapan n'yo. Kayong dalawa na lang ang mag-usap. Mukha namang matagal na kayong magkakilala. Basta Rico, ikaw ang ama. Dapat na sa'yo ang custody ng bata. Pero kung mapagkakasunduan n'yong dalawa na pansamantalang ibigay sa kanya ang pangangalaga sa anak mo, ikaw pa rin ang magdedesisyon do'n. Kung magkaproblema ka sa kanya sa pagbawi sa anak mo, at saka mo na lang kami puntahan sa DSWD."

Gusto kong sumagot pero pinigilan ko na lang ang sarili ko. Naisip ko kasi, mas magiging madali ang pag-uusap namin ni Rico kung wala na sa eksena ang mga social worker na 'to.

"Aalis na kami," sabi ni Mayeth.

"Sige ho," walang emosyong sagot ko. Binuksan ko ang pinto para makalabas na ang dalawang babae.

Naiwan kaming dalawa ni Rico. Karga pa rin niya si baby Gab.

"Bakit d'yan mo iniwan si baby Gab sa labas ng pintuan namin?" agad kong tanong kay Rico matapos kong muling isara ang pinto.

"Kasi alam kong dito ka nakatira."

"At paano mo nalaman?" Matagal na kaming wala ng gagong ito kaya nakapagtatakang alam niyang dito ako nakatira.

"Aksidente lang. May pinuntahan lang akong barkada sa banda roon at nakita kitang bumaba ng tricycle at pumasok sa bahay na 'to. Dito ko iniwan si baby dahil kilala kita, alam kong 'di mo pababayaan ang isang inosenteng sanggol."

Parang gusto kong maniwala na sa sinasabi ni Rico, pero tila may kung anong pumipigil sa akin. "Anong trabaho mo ngayon? Paano mo bubuhayin ang anak mo?"

"Wala, pero gagawan ko ng paraan para buhayin siya."

"Sinasabi ko na nga ba. Patapon pa rin ang buhay mo. Pati bata madadamay sa miserableng buhay mo."

"Anak ko siya. Kahit saan tayo makarating, ako ang may karapatan sa kanya."

"Kung mapatutunayan kong isa kang unfit father, mawawala ang sinasabi mong karapatan. Rico, 'wag mong idamay ang bata. Hayaan mo na siyang dito sa akin lumaki. Aalagaan ko siya, pag-aaralin. Puwede mo naman siyang puntahan dito at dalawin ano mang oras. Hindi kita pagbabawalan. Basta hayaan mo lang na ako ang magpalaki sa kanya. Mas mapapalaki ko siya nang maayos kesa sa'yo."

"Hindi puwede. Gusto kong lumaki ang anak ko na kasama ako."

Nalaglag ang balikat ko. Napakahirap naman kausapin ng taong ito. Wala naman siyang kakayahang buhayin ang bata.

"Ano bang gusto mo para pumayag ka lang na manatili si baby Gab sa poder ko? Wala kang trabaho, paano mo bubuhayin ang bata?"

"Puwede naman nating pag-usapan kung talagang gusto mong 'di mawala sa'yo ang anak ko." Gustong-gusto ko nang sapakin ang Rico na 'to. Tila may nasi-sense akong 'di maganda sa tinatakbo ng usapan namin. Kilalang-kilala ko ang gagong ito. Siya 'yung tipo na manlalamang sa kapwa hanggang kaya niyang manlamang. 'Di nga lang siya umubra sa akin noon dahil mas pinili kong makipag-break sa kanya kesa magpakagago ako sa tulad niyang wala namang kuwenta. 'Di ko nga alam kung bakit ako nakipagrelasyon sa adik na 'to. Mabuti na lang at nauntog ako habang maaga.

"Ano ang gusto mong mangyari?" tanong ko kay Rico.

"Simple lang naman. Meron lang akong dalawang kondisyon. Una, gusto kong mayroon siyang yaya. Para siguradong maalagaan siyang mabuti."

"Meron. Nag-resign lang 'yung yaya niya. Pero naghahanap na kami ng kapalit."

"Ikalawa, gusto mong narito si baby, 'di ba? Gusto ko rin naman na lumaki siyang kasama ako," pinutol ni Rico ang sasabihin.
"Ano ang ikalawang kondisyon?"

"Kung narito si baby, dapat narito rin ako."

Kumunot ang noo ko. "Anong ibig mong sabihin?"

"Habang dito nakatira ang anak ko, dito rin ako titira."

"Ha!!!?"

Two Daddies (Completed)Where stories live. Discover now