Chapter 2 - Anak ko o Anak mo?

7.9K 421 39
                                    

"Kaninong anak 'yan?" tanong ni Rob.

"Aba, malay ko. Baka naman sa'yo?"

Natigilan si Rob.

"Kitam! Biglang 'di ka na nakapagsalita diyan. Magsabi ka ng totoo, anak mo ito, 'di ba?"

"Sira! Paano akong magkakaanak eh hindi naman ako nag-asawa?"

"Pero nagka-girlfriend ka. 'Di ba kinuwento mo dati sa akin na may naging girlfriend ka. Hindi lang isa kundi dalawa pa. Malay ko ba kung nagkaroon ka ng anak sa isa sa mga naging girlfriend mo."

"Imposible 'yun."

"Bakit imposible? Wala bang nangyari sa inyo ng mga naging girlfriend mo?"

Hindi sumagot ang loko.

"Pero matagal na yun. Imposibleng nabuntis ko kahit isa man lang sa kanila."

"O, eh 'di sa'yo na rin nanggaling na may nangyari nga." Pinipilit ko talaga ang hinala ko na anak ni Rob ang batang ito.

Napakamot sa ulo si Rob.

"'Yung last girlfriend mo, 'di ba isang taon pa lang ang nakakalipas mula nung naghiwalay kayo? Kaya posible talaga na anak mo ito dun sa last girlfriend mo."

"Ano ba 'yang utak mo? Ipagpipilitan mo talaga na sa akin 'yan."

"Kasi may posibilidad." Ayaw ko talagang magpaawat.

"Kung may posibilidad na anak ko yan, eh 'di may posibilidad din na anak mo 'yan."

"Huh?! Paanong mangyayari 'yun eh wala naman akong naging girlfriend kahit minsan?"

"Iyon ang sinasabi mo. Eh, malay ko ba kung anong totoo?"

"So, sinungaling pa ako ngayon?"

"Ikaw ang nagsabi niyan, hindi ako."

Biglang umiyak ang sanggol na nagising yata dahil sa pagtatalo namin ni Rob.

Agad kong binuhat ang baby mula sa kahon.

"Ay, basa naman pala. Kaya nagising at umiyak."

"Palitan mo ng lampin."

"At saan naman ako kukuha ng lampin?"

"Bumili ka ng diapers sa 7-Eleven sa kanto."

Dyusko, bibili nga rin pala ako ng pandesal, naalala ko bigla. "O, bantayan mo itong baby at lalabas ako sandali para bumili ng diapers."

"Ihiga mo d'yan sa kama," sabi ni Rob.

Maingat kong inilapag sa kama ang baby. "Huwag mong iiwanan 'yan, baka mahulog."

"Hmp! Concerned kang masyado, ah. Palibhasa anak mo 'to."

"Tado!" Lumabas na ako ng kuwarto at tumuloy nang lumabas ng bahay para pumunta sa kanto kung saan may maliit na bakery na sari-sari store na rin.

Hindi pa rin naaalis sa isip ko ang tanong kung kaninong anak ang sanggol na yun. Tingin ko, mga tatlong buwan na siguro 'yun. Kawawa naman. Ang cute na bata pero iniwan lang ng magulang. Mga tao talaga, ang hilig magpasarap pero kapag andyan na ang responsibilidad tatakasan na lang. 'Di man lang nila iniisip na may madadamay sa mga walang kuwentang desisyong ginagawa nila.

Pero hindi nga kaya anak ito ni Rob sa ex niya? Posible kasi talaga.

Pero bakit naman itatanggi ni Rob ang bata kung kanya nga? Eh ako nga, gusto ko ring magkaanak.

"Sir, ano pong bibilhin n'yo?"

"Ha?" Hindi ko napansin na nasa tindahan na pala ako at tinatanong na nung tindera kung anong bibilhin ko.

"Twenty-pesos na pandesal. May diapers ba kayo dito?" Sana meron para di na ako pumuntang 7-Eleven.

"Meron po."

"Sige bigyan mo ako ng isang small." Buti na lang, meron.

Pagkabayad sa mga binili ko ay agad akong bumalik sa bahay. Nasa labas pa lang ako ng pinto ay dinig ko nang umiiyak ang sanggol. Anong nangyari? Nagmamadali akong pumasok sa kuwarto. Nadatnan kong karga ni Rob ang baby at isinasayaw. Pilit nitong pinatatahan ang sanggol.

"Bakit umiiyak?"

"Ewan ko, kanina ko pa nga pinatatahan ito. Eh ayaw namang tumahan."

"Baka naman kinukurot mo?"

Ba't ko naman gagawin 'yun? Sira ka talaga."

"Ihiga mo nga at malagyan ng diaper 'yan."

Aktong inihihiga ni Rob ang baby sa kama nang bigla na naman itong umihi kaya sapul sa mukha si Rob.

Natawa ako nang malakas. "Buti nga sa'yo. Ginantihan ka ni baby dahil pinaiyak mo siya."

"Lagyan mo na ng salawal 'yan, maghihilamos lang ako."

"Arte mo, para ihi lang ng baby."

Hindi na sumagot si Rob. Diretso na siyang lumabas ng silid.

Agad ko namang nilagyan ng pulbos ang baby at sinuotan ng diaper. Tila himalang kumalma ito at huminto sa pag-iyak.

"O, kita mo napahinto ko siya sa pag-iyak," sabi ko kay Rob pagbalik nito sa silid. "Ikaw lang eh, naramdaman siguro ng baby na ayaw mo sa kanya."

"Anong ayaw? May sinabi ba akong ganoon?"

"Wala nga, pero ramdam ko na 'di mo gusto ang baby."

"Akala mo lang iyon? Kahit sino, matutuwa sa batang 'yan. Kita mo naman siguro, napaka-cute niya."

"Napansin mo rin?"

"Oo naman. Pero hindi ko anak 'yan, kaya 'wag mo nang ipagpilitan."

"Eh 'di hindi. Hindi ko rin anak 'yan kaya huwag mo ring ipagpipilitan."

"Maliligo na ako. Baka ma-late ako sa trabaho."

"Ako muna, nauna akong magising sa'yo ah."

"Mamaya ka na lang maligo, 'di ka naman papasok."

"At bakit hindi ako papasok?" Nagtataka kong tanong.

"Eh sinong magbabantay sa baby mo kung papasok ka?" Binigyang diin ni Rob ang pagsasabi ng "baby mo".

Hindi ako nakapagsalita. Oo nga! Sinong mag-aalaga sa baby eh, may trabaho kaming dalawa ni Rob. Alangan namang iwan namin dito sa bahay ang sanggol at pagbilinang, O, dito ka lang, 'wag kang maglilikot. Kapag nagutom ka, may pagkain sa kaldero, may ulam sa ref, initin mo na lang. O kaya naman magtimpla ka na lang ng gatas mo.

Gatas?!

Syet na malagkit! Wala pa nga palang gatas ang batang ito. Haay!

Napabuntung-hininga na lang ako. Si Rob kasi, ayun at naliligo na nga.

Paano ba 'to? Aabsent ako sa trabaho ngayon. Sige, okay lang. Pero paano bukas? At sa isang araw? At sa mga susunod pang mga araw?

Hala, saan ako makakahanap ng mag-aalaga sa baby? 'Yun ngang officemate ko, lagi na lang absent sa work dahil umalis na raw ang yaya ng anak niya. Ewan ko ba dun, lagi na lang iniiwan ng yaya. Ang mga yaya naman kasi, feeling students. Kapag semestral break ng mga estudyante, gusto nila bakasyon din sila. Haay, ba't ba ako apektado? Eh, kasi nga mukhang mararanasan ko na ngayon ang nararanasan ng officemate ko. Anak ng tokwa!

Tiningnan ko ang baby na nakahiga sa kama. Gising ito pero tahimik lang. Parang pinapakiramdaman ang bagong paligid niya.

Ang cute talaga ng batang ito. Paglaki nito, siguradong gwapo. Walang kuwenta talaga ang mga magulang nito. Hindi man lang nila inisip na ano man ang mangyari, mas maganda pa rin na lumaki ang bata sa piling ng tunay nilang magulang. Kawawa naman ang baby.

Pero sa isang banda, parang gusto ko ring magpasalamat na sa amin iniwan ang sanggol na ito. At least, hindi ko naman siguro pababayaan ang batang ito. Oo, bakla ako. Pero alam kong mabuti akong tao. Kahit hindi ko kadugo ang batang ito, sisiguruhin kong maaalagaan siya nang tama.

Two Daddies (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon