Chapter 4 - Yayo Paulo

6.3K 350 32
                                    

"Hello, ate?" Tinawagan ko na ang kapatid ko para i-follow up kung may nahanap siyang yaya para kay baby Gabriel dahil mag-aalas-ocho na ng gabi pero hindi pa rin niya ako kinokontak.

"Paulo, pasensya ka na. Nakausap ko 'yong kasambahay namin. Sabi niya, may nakakuha na roon sa kakilala niyang naghahanap ng mapapasukang yaya."

"Ate, paano kaya ito? A-absent na naman ako bukas 'pag wala akong nakuhang yaya para sa baby."

"Ano ba kasi ang nangyari? Sinong baby ba 'yan?" Curious na curious ang ate ko.

"May nag-iwan kasi ng baby sa labas ng pintuan namin. Ayun, andito siya sa bahay ngayon at ako ang nag-aalaga. Um-absent ako sa trabaho kasi 'di ko naman puwedeng iwan mag-isa dito 'yung baby," paliwanag ko. "Tulungan mo naman ako."

"Kailangan bang ikaw ang mag-alaga? I mean, bakit hindi mo ibigay sa DSWD? Hindi mo naman kailangang akuin ang responsibilidad sa kanya." Itong kapatid ko talaga, parang si Rob din kung mag-isip.

"Ate, ayokong ibigay sa DSWD ang bata. Gusto ko nga ampunin na lang siya," tanggi ko sa suggestion niya. "Kapag nakita mo 'yong baby, siguradong gugustuhin mo ring ikaw na lang ang mag-alaga sa kanya. Ang cute-cute niya, ate!"

"Asan si Rob?"

"Ayun, pumasok. Kaya ako na lang muna ang naiwan dito para may tumingin sa baby," Napabuntung-hininga ako.

"Sige, susubukan ko ulit maghanap. Balitaan na lang kita 'pag meron."

"May magagawa pa ba ako? Sige, 'te. Salamat."

Eto na nga ang sinasabi ko. Absent ulit ako bukas at baka hanggang Biyernes. Actually, hindi naman talaga problema sa akin kung umabsent ako. Sabi ko nga, wala naman akong naiwang trabaho sa opisina. Pero hindi ko rin naman pinangarap na maging fulltime housewife! Mas gusto ko pa rin siyempre na maging career woman. Ang sarap kayang magtrabaho at kumita ng sarili mong pera. Kaya nga nagtataka ako sa mga mag-asawa na iyong babae ay nasa bahay lang at hindi nagtatrabaho. Hindi ba nila naisip na mas mapapaganda nila ang buhay nila kung magtutulungan sila sa pagkita ng pera? Sa hirap ng panahon ngayon, tama na ang kaplastikang lalaki dapat ang bumubuhay sa pamilya. Praktikalidad ang dapat pairalin. Kaya nga mag-asawa, magsasama sa hirap at ginhawa. Ibig sabihin, dapat magkaagapay sila sa lahat ng bagay.

Nagtutulungan.

Nagdadamayan.

Eh, bakit nga ba ako nag-e-emote ng ganito? Itsura ng Miss Universe candidate na umabot sa question and answer portion ang peg ko.

Haay...

Sino ba ang mag-aalaga kay baby Gabriel?

Nagulat pa ako nang biglang may kumatok sa pinto.

Agad kong tinungo iyon at binuksan.

"O, Rob! Bakit ka pa kumatok? Wala ka bang susi?"

"Nakalimutan ko yata kanina sa pagmamadali." Tuloy-tuloy na pumasok si Rob sa bahay. Dumiretso sa kuwarto at inilapag sa kama ang mga dalang gamit at isang grocery bag.

Hinubad niya ang suot na sapatos at medyas at nagpalit ng damit.

Nakita niyang mahimbing ang tulog ng baby.

"Sshhh... 'wag kang maingay. Baka magising siya," sabi ko.

"Kanina pa ba siya tulog?"

"Katutulog lang niya. Napagod siguro kalalaro sa sala kanina. Alam mo, sobrang nagugustuhan ko na si baby Gabriel. Sana, huwag nang bumalik kung sino man ang nag-iwan sa kanya sa labas ng pinto natin. Para tayo na lang ang magpapalaki sa kanya."

"Posible namang mangyari iyon. Pero posible ring hindi. Kaya mas mabuti na 'wag kang masyadong umasa. Para hindi ka malungkot 'pag dumating 'yong time na mawawala na sa'yo si baby Gabriel.

Nalungkot ako. Isang araw ko pa lang kasama si baby Gabriel pero ang lapit-lapit na ang loob ko sa kanya. Ang gaan-gaan ng dugo ko sa kanya. Kahit namomroblema ako ngayon kung saan hahanap ng yaya na mag-aalaga sa kanya, hindi ko maitatangging masaya ako na may munting anghel sa bahay namin ngayon.

"Nagluto ka ba?" tanong sa akin ni Rob.

"Oo, kakain ka na ba?"

"Sige kain na tayo."

Pumunta ako sa kusina at naghain ng hapunan. Buti na lang at marunong akong magluto. Sakto lang ang pagkakasaing ko, hindi malambot at hindi rin matigas. Tamang-tama sa ulam na pritong bangus at tinola.

Maganang kumain si Rob. Hindi na ako nagtaka. Basta ako ang nagluto, laging napaparami ang kain niya. Sabi niya, masarap daw akong magluto. Ewan ko kung totoo o binobola lang niya ako. Pero totoo siguro dahil kita namang nag-e-enjoy siya sa mga niluto ko.

"Wala nga palang nahanap na yaya si ate," sabi ko kay Rob.

Tumigil sa pagsubo si Rob at tumingin sa akin. "Paano 'yan?"

"Ako na lang muna ang yayo ni baby Gabriel. Aabsent na lang ulit ako bukas. Pati sa Friday. Tapos sa Sabado na lang ako maghahanap ng yaya."

"Saan ka maghahanap? Para namang may nabibiling yaya sa palengke."

Natawa ako. "Bahala na. Basta dapat bago mag-Linggo ay makahanap na tayo ng mag-aalaga kay baby Gabriel."

"Sige, titingnan ko sa mga katrabaho ko kung may kakilala sila." Nginitian ako ni Rob. Muli ay nakita ko ang kaguwapuhan niya na mas lumilitaw 'pag nakangiti siya.

"Asan nga pala 'yung pinabibili ko sa'yong gatas ng baby?"

"Andoon sa loob, sa grocery bag."

"Buti nakabili ka. Akala ko malilimutan mo. Ikaw pa naman, napakamalilimutin mo."

"Hindi, ah. Pagdating naman sa mga importanteng bagay, hindi ako nakakalimot. Makakalimutan ko ba ang gatas ng baby eh, alam kong importante 'yon para kay baby Gabriel?"

"Ang sweet mo namang daddy!" panunudyo ko sa kanya.

"Ganoon talaga! Mai-in-love ka ba sa akin kung hindi ako sweet? Eh, kaya nga mahal na mahal mo ako kasi ang sweet-sweet ko, 'di ba?"

"Baliw! Kapal ng mukha mo. Eh. ikaw nga itong naghahabol sa akin."

"Weh? Kelan naman kita hinabol? Itong itsurang ito, maghahabol sa'yo? Imposible iyon." Ngingiti-ngiti lang si Rob. Ganoon kami mag-asaran. Akala mo seryoso. Pero natural na sa amin ang mga gano'ng biruan.

Maya-maya ay tumayo si Rob at lumapit sa akin. Pagkatapos ay walang paalam na hinalikan ako sa labi. Pero bahagya kong kinagat ang labi niya at bahagya siyang napasigaw na akala mo ay nasaktan sa ginawa ko. At saka niya ako niyakap nang mahigpit na mahigpit habang ibinubulong sa akin na mahal na mahal niya ako.

Hindi ako nagpakamanhid. Sinagot ko rin siya at sinabing, "Mahal na mahal rin kita, Rob."

Natapos ang hapunan na puno ng asaran at tawanan. Sinamahan pa namin ng kaunting lambingan. Si baby Gabriel, ayun at mahimbing pa ring natutulog sa silid. Kampante siya na sa bahay na ito, may dalawa siyang daddy na aalagaan siya at hinding-hindi pababayaan.

Two Daddies (Completed)Where stories live. Discover now