Chapter 8 - Si Imelda

4.4K 242 21
                                    

IMELDA'S POV

AKO si Imelda, yaya ni Baby Gabriel. Maangas ako kung titingnan. Wala naman akong magagawa. Ganoon talaga siguro ang natural na reaksyon at kilos ng mga taong may mabigat na problema. Kumikilos na akala mo eh, ang tapang-tapang upang hindi mahalata ng kausap nila na mahina talaga sila at malapit nang sumuko sa mga problema sa buhay. Narinig ko, ang tawag daw doon ay defense mechanism. Pero 'di ko alam kung anong ibig sabihin no'n kaya 'wag na nating pahabain ang usapan.

Nabuntis ako sa edad na disinuwebe. Kaya ngayong bente na ako, may isang sanggol na rin akong binubuhay. Hindi kami kasal ng tatay ng anak ko, pero nagsasama kami. Construction worker siya at lingguhan ang sweldo, tuwing Martes. Dahil sa hirap ng buhay, hindi puwedeng siya lang ang magtatrabaho para sa amin. Kaya naman namamasukan akong yaya. Sayang din kasi ang kikitain ko. Malaking tulong din 'yon sa amin, lalo na sa mga pangangailangan ng anak ko.

Natuwa ako no'ng tinanggap akong yaya ni Boss Rob. Sino ang hindi matutuwa sa limang libong sweldo kada buwan? Uwian pa ako. Kung wala lang akong anak, mas gugustuhin ko nang mag-stay in. Ang hirap kayang bumiyahe araw-araw. Pero mas mahirap gumising nang madaling araw para makarating ako sa bahay nina Boss Rob nang napakaaga.

Gaya ngayon, lunes na naman. Nagkukumahog na ako sa paghahanda. Siniguro ko munang maayos ang anak ko bago ako nagpaalam sa asawa ko. Buti na lang pumayag ang nanay ko na siya muna ang mag-alaga sa anak ko habang wala ako.

Mabilis naman ang naging biyahe ko kaya alas-singko pa lang ng umaga ay kumakatok na ako sa pintuan ng bahay ng mga amo ko.

Si Boss Paulo na naman ang nagbukas ng pinto. Mukha namang mabait ang amo kong ito, pero ramdam ko ang disgusto niya sa akin. Iniisip ko nga, kung 'di lang nila siguro kailangan agad-agad ng yaya ay hindi naman talaga nila ako kukunin.

"Buti maaga kang dumating. Kailangan kong pumasok nang mas maaga ngayon dahil naka-vacation leave 'yong isang kasamahan ko. Sa akin napunta muna ang trabaho niya. Handa na ang almusal. Mag-almusal ka na kung gusto mo. Maliligo na muna ako," sabi niya sa akin.

Eto lang ang maganda kay Boss Paulo. Kahit alam kong naiinis sa akin, lagi naman akong inaalok mag-almusal. "Mamaya na lang ako kakain. Maaga pa naman masyado."

"Ikaw ang bahala." At dumiretso na siya sa banyo para maligo.

Ako naman ay nagwalis sa sala. Kahit paano ayokong masabi nila na parang donya ako dito sa bahay. Kahit na ba sabi sa akin ni Boss Rob na pag-aalaga lang ng baby ang trabaho ko, ipapakita ko sa kanila na masinop ako sa loob ng bahay, kahit paano.

Maya-maya'y nagising na rin si Boss Rob at ako ang agad niyang nakita paglabas ng silid. Nasa banyo pa rin si Boss Paulo.

"O, good morning!" bati niya sa akin.

"Good morning, boss!" ganting bati ko sa kanya.

"Halika, kain tayo."

"Sige, boss. Mauna na kayo." Itinuloy ko lang ang pagwawalis.

Paglabas ni Boss Paulo sa banyo ay sabay na silang nag-almusal ni Boss Rob. Mabilis lang din naman silang natapos at si Boss Rob naman ang naligo.

Hindi naman nagtagal si Boss Rob sa banyo. Kung anong bilis niyang natapos sa paliligo ay ganoon din siya kabilis na nakapagbihis. Ilang sandali lang at paalis na ang dalawa kong amo.

"Si Baby Gab, 'wag mong pababayaan," sabi ni Boss Paulo.

"Huwag mong hahayaang matuyuan siya ng pawis sa likod. Tingnan mo lagi kung basa ang diaper niya at palitan mo kaagad. 'Wag mo siyang ilalabas ng bahay dahil napakainit." Mas maraming bilin si Boss Rob.

Two Daddies (Completed)Where stories live. Discover now