Chapter 1 - Hulog ng Langit

12.2K 470 48
                                    

"O, 'wag ka nang umiyak. Promise, 'di ko na 'yun uulitin. Hindi ko lang kasi matanggihan ang boss ko nung nagyaya siyang uminom. Kasama namin 'yung ibang kaopisina. Huwag ka nang magalit, ha? Alam mo naman na ayaw kong nagagalit ka sa akin. Nalulungkot ako 'pag nagagalit ka sa akin," pilit akong inaamo ni Rob. Nakahiga akong patalikod sa kanya habang siya naman ay nasa tabi ko at pilit akong niyayakap pero patuloy ko namang tinatanggal ang kamay niya sa pagkakayakap sa akin. Iyak lang ako ng iyak. Hindi ko maintindihan kung bakit sa araw pa ng monthsary namin ni Rob ay saka pa siya nakipag-inuman sa mga katrabaho niya. Andami namang ibang araw. Bakit ngayon pa sa araw na dapat ay kaming dalawa ang magkasama? Nakakasama talaga ng loob. Masisisi n'yo ba ako kung ngumawa ako ng ngumawa dito?

Patuloy lang si Rob sa pag-amo sa akin. Pinatatahan na rin niya ako. Pero puro hikbi at mahinang pag-iyak lang ang isinasagot ko sa kanya. Kahit ano pang gawin ng kumag na ito, hinding-hindi niya ako maaamo. Madaling tanggihan ang mga katrabaho niya kung talagang ayaw niya. Eh, baka naman kasi nakalimutan niya talaga na monthsary namin ngayon kaya todo inom lang siya kasama ang mga kaopisina niya.

Maya-maya'y narinig kong bumuntong-hininga si Rob. Pagkuwa'y nagsalita ito. "Bahala ka kung ayaw mong tumigil. Bahala ka rin kung galit ka talaga sa akin. Basta, nag-sorry na ako sa'yo. Wala na akong magagawa kung ayaw mong tanggapin."

Dedma lang ako. Ang mokong na ito, at siya pa ang magmamalaki sa akin eh siya nga itong may atraso!

"Matutulog na ako," si Rob ulit. "May pasok pa ako bukas."

E 'di matulog ka! Bakit, ako ba walang pasok bukas? Kung makapagsalita siya parang siya lang ang kumakayod ah. Hoy, mula no'ng pumayag akong mag-live in tayo ni minsan hindi ako umasa sa suweldo mo. Kaya kong kumita ng sarili kong pera. Nagmamarakulyo talaga ang utak ko. Hindi matanggap ng isip ko na gano'n yata ang gustong palabasin ng Rob na 'to.

AKO SI PAULO ALBANO. Twenty-four years old na ako, CPA, at nagtatrabaho sa isang accounting firm sa Taguig. Oo, gay ako. Pero malalaman mo lang 'yon 'pag nagsalita na ako. Iyon ay dahil may tendency ako na i-exaggerate ang pagsasalita ko. Pati sa gestures ko habang nagsasalita, mababakas ang kalambutan ko. Kung itsura ang pagbabasehan, 'di mo iisipin na bading ako. Matangkad ako, 5'9". Katamtaman lang ang pangangatawan pero hindi ako nag-gy-gym. Ayokong gumaya sa ibang mga tagong bading na ginawa ng bisyo ang pagbubuhat sa gym at paputukin ng bongga ang muscles nila. Tama na sa akin ang katawan ko ngayon. Ang importante, wala akong bilbil. Maputi ako. Namana ko yata sa kutis ng nanay ko na may dugong intsik. Kaya rin siguro medyo chinito ako.

Labing-isang buwan na ang nakararaan nang pumayag akong makipag-live in kay Rob. Sino ba ang hindi papayag? Napakaguwapo ni Rob. Lalaking-lalaki ang itsura, pati sa boses 'di mo paghihinalaang bakla siya. Mas matangkad siya sa akin, 5'11" ang height niya. Maganda ang katawan niya dahil mahilig siyang mag-gym. Naglalaro rin siya ng basketball kaya muscle kung muscle at abs kung abs ang labanan. Sabi nga nila, napakasuwerte ko dahil ako ang nagustuhan ni Rob. Court interpreter si Rob sa RTC Branch 48 ng Quezon City. Matagal na rin siyang nagtatrabaho roon. Pangarap niyang maging abogado pero hanggang ngayon ay hindi pa niya naiisipang mag-enrol sa law school. Graduate si Rob ng Legal Management kaya sakto sana kung itutuloy niya ang planong pagkuha ng abogasya.

Apat na buwan pa lang kaming magkakilala nang maisipan naming magsama. Wala namang tutol ang aming mga pamilya. Matagal na nilang tanggap ang tunay naming pagkatao.

Nakilala ko si Rob sa mall. No, hindi ako namimik-ap sa mall. Nasa grocery ako noon. Hinahanap ko kung saan nakalagay ang mga kape nang mabunggo ng grocery cart ko si Rob. Akala ko nga nung una ay magagalit siya. Pero buong tamis lang siyang ngumiti sa akin.

Nginitian ko rin siya. At dun na nag-umpisa. Nagkakilala kami, nagpalitan ng number hanggang naging magkaibigan.

'Wag n'yo nang itanong kung paanong nangyaring nagtanungan kami ng aming mga pangalan. Madiskarte ang mga bakla, alam n'yo 'yan. Isang pitik lang ng malantik naming daliri, aura na. Kaya hindi kataka-taka na nakilala namin ni Rob ang isa't-isa. At kung madali kaming nagkakilala, mas madali kaming nagkapalagayan ng loob hanggang mapagkasunduan na nga namin na magsasama na kami sa isang bahay.

KAHIT LATE na akong natulog, maaga pa rin akong nagigising. Kaya naman eto at naunahan ko pang magising ang mokong na Rob na 'to. Ang sarap ng tulog ng kumag. Parang wala siyang ginawang atraso nitong nagdaang gabi lang.

Pinabayaan kong matulog pa si Rob. Maya-maya lang sigurado namang magigising din siya. Ganun naman palagi ang set-up namin. Nagigising siya usually 'pag tapos na akong maligo. Alas-singko pa lang naman, pwede pa akong mag-almusal kaya nagprito ako ng itlog. Pagkatapos ay nagpasya akong lumabas para bumili ng pandesal sa panaderya sa kanto.

Nagulat na lang ako nung pagbukas ko ng pinto ay may isang kahon na nakaharang dito. Bukas ang kahon kaya naman kitang-kita ko agad ang laman nito.

Sanggol!

Isang cute na cute na sanggol na himbing na himbing pa sa kanyang pagkakatulog. Para itong anghel na nahulog sa lupa mula sa langit.

Dyusko! Anong ginagawa ng sanggol na ito sa labas ng pintuan? Bakit ito naririto? Kaninong anak ito?

At bakit iniwan ng walang pusong magulang ang munting anghel na ito? Nagpalinga-linga ako para tingnan ang paligid. Baka andito pa ang kung sino mang nag-iwan sa sanggol at nagmamasid lang para siguruhing may nakakuha nga sa sanggol na iniwan niya.

Pero wala namang tao sa paligid. Baka meron pero nagtatago lang.

Agad kong binuhat ang kahon. Nataranta na ako. Imbes na 'yung sanggol lang ang kunin, isinama ko pa talaga ang kahon.

Agad akong pumasok sa silid, dala pa rin ang kahon na may sanggol.

"Rob!!! Bumangon ka bilis!"

Tila naalimpungatan si Rob sa sigaw ko.

"Bakit ba? Ang ingay-ingay mo naman." Nagkukusot pa ng mata niya ang mokong na ito.

"Tingnan mo ito! May beybi!"

"Ha? Anong beybi?"

"May nag-iwan ng beybi sa labas ng pinto natin."

Napabalikwas ng bangon si Rob at nanlaki ang mga mata niya pagkakita sa sanggol.

Two Daddies (Completed)Where stories live. Discover now