Chapter 1 - Back to School

6.9K 244 15
                                    

LUNES ng umaga.

Katulad ng dati ay nagmamadali na naman si Rob sa paghahanda ng sarili para pumasok. Kailangan niyang umalis nang maaga sa bahay para 'di siya abutin ng traffic sa daan. Lalo na at sa Pasig na sila nakatira ngayon. Kumuha na kasi siya ng rent to own na bahay nang minsang pumunta siya sa Pag-ibig para mag-asikaso ng loan. Tiyempong may rent to own houses na available kaya sinunggaban na niya ang pagkakataon na makakuha ng isang bahay. Matagal na rin siyang nag-aabang ng mabibiling bahay. Madalas kasi Cavite o Bulacan ang pinakamalapit na nakikita niya kaya hindi niya masyadong inoobliga ang sarili niyang kumuha ng isa. Gusto kasi talaga niya ay within Metro Manila lang. At natupad na niya 'yon ngayon. Up and down ang bahay at may dalawang kuwarto kaya kasyang-kasya silang apat doon. Magkakasama na silang nakatira rito. Siya, si Pau, si Gab at si Imelda. Kumuha na rin siya ng kotse para hindi na siya mahirapang magbiyahe sa araw-araw na pagpunta sa trabaho at pag-uwi sa gabi.

Pagkatapos ng mga nangyari noon kung saan nanganib ang buhay nilang apat, itinuloy na rin ni Rob ang balak na pagpasok sa law school. Ngayon nga ay nasa third year na siya sa San Beda College of Law. Umaasa si Rob na mas mapoprotektahan niya ang mga taong malalapit sa kanya kung magiging abogado siya.

Pero hindi pa rin siya umaalis sa trabaho niya lalo na at nag-eenjoy naman siya doon bilang Court Interpreter III. Sapat naman sa mga pangangailangan nila ang kanyang suweldo, idagdag pang nagkakatulungan naman sila ni Pau sa mga gastusin sa bahay. At kung may mga pagkakataon mang dumarating na medyo nagigipit siya, madali naman siyang nakalalapit sa mga magulang niya na laging supportive sa mga desisyon niya sa buhay. Iyon ang isang maituturing niyang suwerte sa buhay. Tanggap ng mga magulang niya kung ano siya at all out support ang mga ito sa kanya sa lahat ng bagay.

Ganoon din naman sa kaso ni Paulo. Ni minsan ay hindi nakarinig si Pau ng pagtutol o ano mang pagkontra sa sekswalidad niya. Tanggap ng mga magulang ni Pau kung ano siya at kung ano ang kanyang gusto. Tiwala sila na hindi naman gagawa si Pau ng ano mang bagay na puwedeng ikasira ng pangalan nito.

"Pau, sasabay ka ba sa akin?" tanong ni Rob kay Pau na kalalabas lang ng banyo.

"Hindi na. Magko-commute na lang ako."

"Sige... Mauuna na ako, ha? Gagabihin ako mamaya. May klase ako."

"Okay." Tumango si Pau bilang pagsang-ayon.

Lumapit si Rob kay Pau at humalik sa pisngi. "Aalis na ako. Hmm, ang bango mo!" Napapangiti pa si Rob.

"Tse! Ingat ka."

"Ikaw rin," sagot ni Rob at tuluyan nang lumabas ng bahay.

Narinig pa ni Pau ang tunog nang i-start ni Rob ang kotse na nakaparada sa tapat ng kanilang bahay. Nagbihis na si Pau at pagkatapos ay pinuntahan ang kabilang silid kung saan natutulog si Imelda at si Gab. Hindi na araw-araw na umuuwi sa kanila si Imelda. Tuwing Friday night na lang. At mas kumbinyente sa kanilang lahat ang ganoong set-up. Malaki na talaga ang ipinagbago ni Imelda. At doon nila mas nakilala ang totoong ugali nito na sobrang maalaga at mapagmahal sa bata. Tama ang hinala ni Pau noon na sa ikalawang pagkakataon na naging yaya ni Gab si Imelda ay makakasundo na niya ito. Hindi naman pala totoo ang first impressions last. Dahil naburang lahat ang unang masamang impresyon ni Pau kay Imelda nang mabigyan siya nang pagkakataong mas kilalanin pa itong mabuti.

"Imelda..."

Agad namang nagising ang yaya. "Boss..."

"Papasok na ako. Ikaw na ang bahala kay Gab. Tingnan mo lagi 'yung likod niya, baka nababasa na ng pawis. Magdala ka ng extra shirt sa school para may pamalit siya."

"Areglado, boss Paulo."

"Nakapaghanda na ako ng almusal. Kumain na lang kayo mamaya paggising ni Gab. Ikaw na lang ang bahala kung anong babaunin ni Gab sa school." Lumapit si Pau sa natutulog na paslit at hinalikan ito sa pisngi. Dalawa ang kama sa silid na nakapuwestong magkatapat. Isa ang inookupa ni Imelda habang ang isa naman ay higaan ni Gab.

"Sige, boss." Tumango si Imelda. Mag-iingat ka sa biyahe."

"Lagi naman akong nag-iingat." Matamis ang ngiting pinakawalan ni Pau. "Salamat..." At lumabas na siya ng silid. Si Imelda naman ay bumangon na rin at inayos ang higaan niya. Pagkatapos ay lumabas na rin ito ng silid.

Alas-diyes pa ang umpisa ng klase ni Gab. Sadya nilang pinili ang oras na iyon kesa sa pang alas-siyeteng klase para na rin hindi mahirapang gumising nang maaga si Gab. Tatlong oras lang naman sa school ang bata kaya maaga pa rin silang nakakauwi. Nagbabaon na lang sila ng pagkain sa school dahil pagdating ng alas-dose ay ay sabay-sabay na nagla-lunch ang mga bata pati ang teacher nito.

Matalinong bata si Gab. Giliw na giliw dito ang mga guro sa eskuwelahan dahil bukod sa gwapo at likas na charming ay listo at bibo pa. Nung minsan nga na nagkaroon ng pagdiriwang sa school at kinailangan nila ng batang magpeperform, agad na nagprisinta si Gab. Kakanta raw siya. At napanindigan naman ng bata ang pagkanta dahil sa edad niya ngayon, totoong matatas na siyang magsalita at hindi nabubulol. Isa pa, nasa tono na siyang kumanta. Sabi nga ng teacher niya, mas gagaling pa ito paglaki niya. Proud daddies naman siyempre sina Pau at Rob. Nagtatalo pa nga ang dalawa kung kanino sa kanila nagmana ng galing sa pagkanta ang bata.

NATAPOS ang maghapon ni Rob sa opisina. Pagsapit ng alas-singko ay nagmamadali na siyang nag-time out para di siya ma-late sa law school. Ayaw pa naman niyang ma-late dahil siguradong pagpasok pa lang niya ay pauupuin na ng professor ang estudyanteng nagre-recite upang siya na ang sumagot sa mga itatanong pa ng propesor. Okay lang sana kung nakapag-aral siyang mabuti ng lesson. Eh paano kung hindi? Siguradong manliliit siya sa sermon na maririnig niya mula sa kagalang-galang niyang mga abogadong guro.

Mabuti na lang at hindi naman na-late si Rob. Napaaga pa nga siya ng thirty minutes bago mag-umpisa ang kanyang klase. Eksaktong alas-siyete ng gabi nang dumating ang kanyang propesor na agad inumpisahan ang graded recitation pagkatapos nitong mag-check ng attendance.

Binalasa ng propesor ang class cards at bumunot ng isa. Pigil ang hininga ng mga estudyante, lalo na 'yung mga hindi nakapagbasa ng mga batas na idi-discuss sa gabing iyon.

"Mr. Fernandez..." Nakahinga nang maluwag ang mga estudyante nang tawagin ng abogado si Rob.

Tumayo si Rob. "Yes, Atty. De Leon?"

"What does the law say about parental authority?"

Pilit na inalala ni Rob ang nabasa niya tungkol sa batas na iyon. Huminga pa siya nang malalim, bago siya nagsalita. "Article 313 of the Civil Code of the Philippines states that parental authority cannot be renounced or transferred, except in cases of guardianship or adoption approved by the courts, or emancipation by concession."

"As prescribed by the law, who is allowed and not allowed to adopt?"

"The law expressly provides in Article 334 of the Civil Code that every person of age, who is in full possession of his civil rights, may adopt. The next article says that the following cannot adopt: those who have legitimate, legitimated, acknowledged natural children, or natural children by legal fiction; the guardian, with respect to the ward, before the final approval of his accounts; a married person, without the consent of the other spouse; non-resident aliens; resident aliens with whose government the Republic of the Philippines has broken diplomatic relations; and any person who has been convicted of a crime involving moral turpitude, when the penalty imposed was six months' imprisonment or more."

Tumango-tango ang propesor na tila sumasang-ayon sa mga sinabi ni Rob. Lumapit ito kay Rob at nang halos dalawang dangkal na lang ang distansiya nila sa isa't-isa ay muli itong nagtanong. "Enumerate to me the benefits of adoption."

"According to Article 341 of the Civil Code, the adoption shall give to the adopted person the same rights and duties as if he were a legitimate child of the adopter; dissolve the authority vested in the parents by nature; make the adopted person a legal heir of the adopter; and entitle the adopted person to use the adopter's surname." Pigil ang paghinga ni Rob habang hinihintay niyang muling magsalita ang propesor.

Lumakad pabalik sa mesa niya ang propesor. Pagkatapos ay nagsalita, "You may take your seat, Mr. Fernandez."

Parang nabunutan ng tinik si Rob. Matagal pa bago matapos ang klase niya, mamayang alas-diyes pa. Pero alam niya, hindi na siya muling tatawagin sa recitation dahil 'yong mga kaklase naman niya ang iisa-isahin ng propesor.

Two Daddies and Me (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon