Chapter 2 - Si Marlon

4.5K 207 22
                                    

ILANG araw nang balisa si Marlon. Parang may hinahanap-hanap siya. Parang may isang taong gustong-gusto niyang makita. At alam niya kung sino 'yun. Isang linggo na ang nakakaraan pero hindi pa rin niya nakakalimutan ang batang lalaking humahabol sa bolang gumulong sa paanan niya. Ibinigay niya sa bata ang bola at nagulat siya nang makitang kahawig niya ang bata nung nasa ganung gulang din siya. Tinanong pa nga niya kung ano ang pangalan nung bata. Gab daw. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman nung oras na 'yun. Parang gusto niyang yakapin ang bata. Sayang nga lamang at tinawag na ito ng daddy niya. Manghang-mangha siya sa itsura nito na parang nakaharap lang niya ang kanyang kabataan. Parang nananalamin lang siya pero ang repleksyon sa salamin ay ang itsura niya nung siya'y mga tatlo hanggang anim na taong gulang pa lamang.

Ilang taon na kaya ang batang iyon? Kung pagbabasehan ang laki niya, siguro'y lima hanggang pitong taong gulang na ito. Kung nagkaanak lang sana kaagad sila ng asawa niya, baka sinlaki na iyon ni Gab.

Napangiti si Marlon. Ba't ba ang gaan-gaan ng loob niya sa batang iyon? At bakit nasasabik siyang makita ulit ang batang si Gab?

MAHIGIT apat na taon nang kasal si Marlon Sandoval. Sa loob ng panahong iyon, wala silang ibang hiniling ng asawa niyang si Shane kundi ang mabiyayaan sila ng anak. Pero hindi pa siguro panahon, dahil hanggang ngayon ay hindi pa nagbubunga ang kanilang pagsasama.
Si Marlon ay dalawamput-siyam na taong gulang na. Nagtapos siya ng kursong BS Management at ngayon ay namamahala ng sarili niyang negosyo, ang MS Hardware. Dalawang taon pa lang ang negosyo niyang ito na itinatag niya mula sa naipon niya sa kanyang anim na taong pagtatrabaho sa isang BPO company. Hindi niya kaagad iniwan ang kanyang trabaho kahit may maliit na negosyo na siya. Para sa kanya, pandagdag ipon lang ang ano mang kikitain ng negosyo niya. Pero nang magsimulang kumita ang hardware niya at makakuha siya ng mga kontrata sa iba't-ibang construction company ay pinili na niyang mag-resign sa trabaho upang matutukan ang kanyang negosyo.

Isa marahil iyon sa mga dahilan kung bakit hindi pa rin sila nagkakaanak ng misis niya. Masyado yata silang nagiging abala sa kani-kanilang trabaho. Siya sa negosyo niya, habang ang misis niyang si Shane ay nag-eenjoy sa pagtuturo. Pero di ba't sinisikap naman nilang magampanan ang obligasyon nila sa isa't-isa bilang mag-asawa? Hindi naman masasabing tinatabangan na sila sa bawat isa. Nasa kasibulan pa rin naman ang kanilang edad. At kung pisikal na anyo naman ang pag-uusapan ay hindi naman masasabing pinag-iwanan na sila ng panahon. Si Shane ay tila dalaga pa rin ang itsura. Kung hindi mo nga alam na may asawa na siya ay aakalain mong dalaga pa talaga. Balingkinitan ang kanyang katawan at ang maamong mukha niya'y papangarapin mong mapanaginipan gabi-gabi. Si Marlon naman ay alaga sa gym ang katawan. Mula nang makapagtrabaho siya pagkatapos ng pag-aaral ay naging ugali na niyang mag-gym at least thrice a week. Kaya naman mahihiya ang ibang mga binata kung ganda ng katawan ang pag-uusapan. Hindi mo rin naman matatawag na hipon si Marlon; 'yung palasak na tawag sa mga lalaking babad sa gym at halos perpekto na ang korte ng katawan pero gaya ng hipon ay itatapon mo ang ulo dahil walang pakinabang ang mukha.

Kaya nga siguro noong binata pa si Marlon ay masasabing naging pantasya rin ito ng mga kababaihan at kabekihan sa kanilang eskuwelahan. Pero merong isang babaing hindi makalimutan si Marlon sa lahat ng mga babaing dumaan sa kanyang buhay. Isang linggo noon bago siya ikasal. Naisipan niyang mag-bar pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho. Maraming tao sa bar at halos hindi magkamayaw ang pinaghalong ingay ng mga kostumer na nagkukuwentuhan at ng kantang pinatutugtog ng deejay. Bigla, sa paglingon niya sa isang bahagi ng bar ay nahagip ng mga mata niya ang isang babaing nag-iisang umiinom. Maganda ang babae na tila may tama na sa iniinom nitong redhorse. Walang pag-aalinlangan na nilapitan ni Marlon ang magandang babae at nakipagkilala siya rito. Shiela raw ang pangalan nito. Magandang pangalan na bagay lang sa napakagandang babaing ito.

Hindi na halos matandaan ni Marlon kung ano ang mga napag-usapan nila ni Shiela. Ang isang malinaw sa isip niya ay ang pag-alis nila sa bar na humantong na isang mainit at maalab na mga sandali sa loob ng isang hotel. Walang kapantay na langit ang nalasap ni Marlon sa piling ng babaing noon lang niya nakilala. Kung hindi lang siguro siya ikakasal na ilang araw mula noon, baka nasundan pa ang minsang pagkalimot na iyon. Pero dahil mahal na mahal ni Marlon si Shane, agad niyang iniwan ang babaing nakatalik habang himbing na himbing ito sa pagkakatulog. Hindi na siya nag-effort pang alamin ang iba pang bagay tungkol sa pagkatao nito gaya ng hindi rin naman siya nakilala nang husto ni Shiela maliban sa kanyang pangalan.

Nairaos ang kasal nila ni Shane nang walang aberya. Masaya ang lahat. Sinagot ng mga magulang niya ang gastos para makapag-honeymoon sila sa Hongkong. Iyon ang regalo ng mga magulang niya sa kanila ni Shane. Isang linggo silang nagliwaliw at nagpakasaya sa Hongkong. Nilibot nila ang lahat ng puwedeng pasyalan at tinikman ang mga pagkaing ipinagmamalaki ng bawat lugar na kanilang pinuntahan. At sa bawat pagsapit ng gabi ay ang kani-kanilang mga katawang lupa naman ang nagpakasawa sa ligayang puwedeng ibigay nito sa bawat isa sa kanila. Kulang ang oras para tuklasin nila ang katawan ng isa't-isa at maipadama ang kasabikan at pagnanasa nilang mapagsanib ang kanilang mga katawan upang sila'y maging isa na lamang.

Sa pagbabalik nila sa bansa ay umaasa na ang kanilang mga pamilya na hindi magtatagal ay madadagdagan na sila. Buong angkan nila ang nag-aabang sa pagdating ng isang buhay sa sinapupunan ni Shane. Natetensyon na nga si Marlon at Shane dahil pagkalipas ng tatlong buwan ay wala pa rin silang masabing magandang balita sa kani-kanilang mga kaanak. Hindi pa rin nade-delay ang buwanang bisita ni Shane at laging on time pa nga sa pagdating. Akala nila'y madali lang bumuo ng pamilya. May tatay, may nanay, at may anak. Ganun naman kasi ang pagkakaalam niya. Kahit nga sa mga pelikula, pag may eksenang kasalan siguradong kasunod na ang eksenang pagbubuntis at panganganak. Hindi akalain nina Marlon at Shane na aabot ng ilang taon ang kanilang pagsasama nang hindi pa rin sila nagkakaroon kahit isang anak man lamang.

Two Daddies and Me (Completed)Where stories live. Discover now