The Final Chapter (1)

2.2K 170 12
                                    

ANG LAKAS ng kabog ng dibdib ni Imelda nang makita niyang lumabas ng delivery room ang doktor.

"Kumusta na po ang pasyente? Nanganak na siya? How's the baby, doc?" sunod-sunod ang tanong ni Pau. Maging siya ay kinakabahan rin sa ano mang sasabihin ng doktor.

"The mother is okay; she gave birth to a baby girl. But the baby needs to undergo endotracheal intubation because of Respiratory Distress Syndrome. She is also currently on a respirator. Usually, ganito ang nangyayari sa mga premature birth. We are monitoring the baby's progress, hopefully she survives," mahabang paliwanag ng doktor.

"Maraming salamat, doc."

"Ililipat na sa private room ang mother. Puwede n'yo siyang puntahan doon," sabi ng manggagamot bago ito nagpaalam kay Pau.

"Si Gab, kumusta na kaya siya? Si Rob, hindi pa ba tapos kunan ng dugo?"

"Wala pang lumalabas na doktor sa operating room, boss."

"Sinong naiwan sa bahay nina Marlon?"

"Si Karing lang. Nag-text na ako sa kanya para ipaalam kung saang ospital dinala ang mga amo namin. Binilinan kasi siya ni Ma'am Shane na tawagan ang mga magulang ni boss Marlon."

"Eh, bakit wala pa ang mga magulang ni Marlon? Anong oras ka ba nag-text? Nakaka-stress magbantay dito at mag-abang sa sasabihin ng doktor. Aba, kahit hindi ko naman kamag-anak 'yang si Marlon, ayoko naman na ako ang makakatanggap ng hindi magandang balita sakali mang may mangyaring hindi maganda sa kanya," litanya ni Pau.

"Magiging ayos naman siguro si boss Marlon. Nagbigay na nga ng dugo si boss Rob," positibong pananaw ni Imelda.

"Eh, iyong mga magulang ni Shane?"

"Hindi ko alam, boss. Wala yata rito sa Pilipinas."

Maya-maya ay dumating na nga ang mga magulang ni Marlon. Nakita nina Imelda at Pau na dumiretso ang mga ito sa reception at ilang saglit lang ay papalapit na ang mga ito sa kanila.

"Kami ang mga magulang nina Marlon at Shane? Kumusta na sila?" nag-aalalang tanong ng matandang babaeng siguro'y mga limamput-limang taong gulang na. Ang lalaking kasama nito na mukhang mas may edad ay kalmado lang.

Si Pau ang sumagot. "Nanganak na po si Shane at okay naman siya, pero sabi ng doktor kailangang i-monitor ang baby dahil premature. Si Marlon po, nasa operating room pa, pati si Gab."

"Sino ka?" tanong ng ama ni Marlon.

Ay kaloka! Feeling close na ako hindi pala ako kilala. "Ako po si Paulo," pagpapakilala niya. "Ako po iyong isa sa mga tumayong ama sa apo ninyo, si Gabriel. Kilala n'yo naman si Gabriel, 'di ba? Huwag n'yong sabihing hindi. Ilang buwan na ring nasa poder ni Marlon ang bata."

"Ahh, ikaw pala iyon," tumatangong sagot nito.

"Boss, lumabas na iyong doktor sa operating room," bulalas ni Imelda.

"Doktor, kumusta ang anak ko?" agad na tanong ng ama ni Marlon.

"Maraming nawalang dugo sa kanya. Mabuti na lang at nakahanap kaagad kayo ng taong magbibigay ng dugo sa kanya. Naibalik kaagad ang dugong nawala, pero kailangan pa rin nating makita ang resulta ng mga lab test na isinagawa sa kanya para masigurong walang ibang bahagi ng katawan niya ang napinsala. Nabali rin ang isang rib niya at tumusok sa kanyang atay kaya kinailangan siyang operahan."

"Doc, 'yung bata... Kumusta 'yung bata?" Si Pau.

"He is still under observation. Malakas ang pagkakabagok ng ulo niya kaya nagkaroon siya ng subdural haematoma. Ito ay blood clot sa pagitan ng bungo at ng surface ng utak. Kailangan pa naming magsagawa ng additional tests para makita kung gaano kalaki ang blood clot. Doon lamang tayo makakapag-decide kung anong treatment ang dapat gawin sa bata," pahayag ng manggagamot.

"Maooperahan siya, doc?" Hindi maitago ang pag-aalala ni Pau.

"Kung maliit lang ang blood clot, puwede nating obserbahan na lang at i-monitor dahil gagaling iyon nang kusa. Pero kung malaki ang blood clot, kailangang maoperahan siya kaagad sa ulo. Maglalagay tayo ng butas sa ulo niya para makuha ang namuong dugo sa loob."

"Diyos ko! Napakabata pa niya para dumaan sa ganoong kadelikadong operasyon," gusto nang maghisterikal ni Pau. "Doc, maglilimang taon pa lang siya."

"We have no choice if that's the way to cure him and save his life," matatag na sagot ng doktor. "If you have no more question, maiwan ko muna kayo." Lumakad na papalayo ang manggagamot.

Pakiramdam ni Pau ay tila mauupos siya. Ano ba naman at hindi na natapos ang mga problema?

Ang mga magulang ni Marlon ay wala ring masabi. Kung apektado ba ang mga ito dahil sa nangyari sa kanilang apo ay hindi matantiya ni Pau.

Si Imelda ang halatang naapektuhan nang husto sa sinapit ng alaga dahil tahimik na itong lumuluha.

MATAPOS MAKAPAGPAHINGA ay okay na muli si Rob. Marami rin ang dugong kinuha sa kanya pero balewala lang iyon. Ang mahalaga ay nakapagligtas siya ng buhay ng tao.

Kasabay niya si Pau nang pumasok sa silid kung saan naroon si Shane. Naroon rin si Imelda. Ang mga magulang ni Marlon ay nasa ibang kuwarto at kinakausap ang doktor. Nailipat na rin sa isang silid si Marlon. Si Gab naman ay ganoon din.

"Gusto ka naming i-congrats dahil sa pagdating baby mo, pero alam nating hindi pa siya okay," umpisang sabi ni Rob. "Tapos, nasa hindi rin magandang sitwasyon sina Marlon at Gab. Pero Shane, kung ano man ang maitutulong namin sabihin mo lang."

"Malaking tulong na iyong pagbibigay mo ng dugo kay Marlon. Maraming salamat."

"Kahit sino basta may kakayahang tumulong, gagawin din 'yung ginawa ko. Magpalakas ka. Kailangang-kailangan ka ngayon ng asawa at mga anak mo." Inabot ni Rob ang kamay ni Shane at hinawakan.

Pagkatapos makausap si Shane ay sunod na pinuntahan nina Rob at Pau si Gab. Awang-awa sila sa itsura ng bata. May benda ito sa ulo at wala pa ring malay. Naisip ni Rob, kung nasa poder nila si Gab siguro ay hindi ito mangyayari. Lahat ng klaseng pag-iingat ay ginagawa nila para protektahan ang bata. Maaaring hindi nga sila ang tunay na ama nito, pero ang pagmamahal at pag-aarugang ibinigay nila rito ay katumbas kung hindi man ay higit pa sa puwedeng ibigay ng totoong ama.

Si Pau ay seryosong nakatitig kay Gab. Hindi niya lubos maisip ang posibleng mangyayari sa batang itinuring na niyang anak. Paano na lang kung ooperahan ito sa ulo? Diyos ko, napakabata pa niya.

May napansin si Pau sa mukha ni Gab. Agad siyang dumukot sa bulsa at kinuha ang kanyang panyo. Pinahid niya ang namuong luha sa gilid ng mata ni Gab. Mas lalo siyang nakadama ng habag para sa paslit.

Hindi napigilan ni Pau ang sarili. Inilapit niya ang sariling mukha sa mukha ni Gab at hinalikan ito sa pisngi. Kung puwede nga lang sana niya itong yakapin nang mahigpit na mahigpit.

Two Daddies and Me (Completed)Место, где живут истории. Откройте их для себя