Chapter 17 - Confrontation

1.7K 118 25
                                    

MAAGANG DUMATING sa school si Pau kasama sina Imelda at Gab. Sobrang aga pa nga dahil wala pa si Teacher Shane nang dumating sila. Dinala na ni Imelda si Gab sa classroom samantalang si Pau ay dumiretso sa principal's office.

Kumatok siya ng tatlong beses bago sinubukang buksan ang pintuan ng opisina.

Sumilip si Pau sa loob.

"Yes? Anything I can do for you?" sabi ng matandang babaeng nasa loob ng opisina.

"Hi! Good morning, madam! I'm here because of Teacher Shane. She wanted to talk to me regarding the incident that happened yesterday involving my son, Gabriel Rivera."

"Oh, so you are Gabriel's father. Please come in." Malawak ang pagkakangiti ng principal.

Pumasok si Pau.

"Take a seat. Hintayin lang natin sandali si Teacher Shane. Wala pa rin yata 'yung parents ni John, so hintayin na rin natin sila. Sana okay lang sa'yo, Mr...?"

"I'm Paulo Albano." Inilahad niya ang palad para makipagkamay sa principal. Inabot naman kaagad 'yun ng matandang babae.

"I am Mrs. Divinagracia Banaag. Are you Gabriel's father?" nagtatakang tanong nito.

"Yes and no," diretsahang sagot niya.

"Paanong...?" Bakas sa mukha ng principal ang pagtataka.

"Hindi ako ang totoong tatay ni Gabriel. Pero dahil ako ang nag-aalaga sa kanya mula pa lang noong sanggol siya, itinuturing ko na siyang tunay kong anak. Kulang na lang eh sa akin siya manggaling para masabing anak ko talaga siya. Pero sa ibang aspeto, hindi matatawaran ang pagiging ama ko sa kanya," mahabang paliwanag ni Pau kahit ang totoo ay nagtatanong siya sa sarili kung bakit ba siya nag-e-explain sa principal na ito.

"Kung ganoon, nasaan ang mga magulang ni Gabriel?" Halatang walang alam sa family background ng mga estudyante ang principal. Sabagay, sa dami ng mga mag-aaral sa eskuwelahang iyon, mukhang malabo ngang isa-isahin nitong kilalanin ang bawat estudyante.

"Patay na ang ina ni Gabriel. Ang ama naman niya ay nasa trabaho kaya ako na lang ang pumunta rito." May sasabihin pa sana siya ngunit biglang may kumatok sa pinto at pumasok ang isang babaeng siguro ay nasa 28 ang edad.

"Good morning. Hinahanap ko si Teacher Shane pero wala pa siya sa classroom kaya nag-decide akong pumunta rito. Akala ko nandito na siya. Ako si Laura, ang mother ni John."

"Tuloy ka, misis. Umupo ka muna rito. Hinihintay nga namin dito si Teacher Shane. Baka na-traffic lang. By the way, I am Mrs. Banaag, the school principal and he is Mr. Paulo Albano, Gabriel's guardian."

Bahagyang tumaas ang kilay ni Pau. Pakiramdam niya ay na-demote siya mula sa pagiging tatay ni Gab sa pagiging guardian na lang nito ngayon.

Muling may kumatok sa pinto at nang bumukas ay iniluwal nito si Shane na tuloy-tuloy na pumasok sa opisina ng principal. "Good morning! Sorry po, na-late ako. I am not feeling well today. Ayaw na nga sana akong papasukin ng husband ko but I insisted kasi I'll be meeting the two of you."

"Kaya mo ba, Shane? Kasi kung hindi, I can talk to them naman. Ako na lang ang kakausap sa kanila," sabi ni Mrs. Banaag.

"I'm okay, ma'am."

"Sige, mag-umpisa na tayo."

Nagsalita si Shane, "Ipinatawag ko po kayo para mapag-usapan natin ang tungkol sa nangyari kahapon kina John at Gab. Nag-away po sila at base sa nakuha kong impormasyon, nag-umpisa ang away nang tuksuhin ni John si Gab."

"Nag-umpisa ang away dahil sinapak ni Gab ang anak kong si John," agad na kinontra nito ang sinabi ni Shane.

"Eh, kaya nga sinapak ni Gab ang anak mo, dahil nambu-bully ito. Ano ang gusto mo, mambu-bully ang anak mo at iiyak na lang ang kung sino mang binu-bully nito? Jackpot ang anak mo, misis. Nakahanap siya ng katapat kay Gab."

"Nandito po tayo para mag-usap hindi po para mag-away din," paalala ni Mrs. Banaag.

"Anong panunukso ba ang ginawa ng anak ko?" tanong ni Laura.

"Sinabihan raw kasi ni John si Gab na bakla ang tatay nito." Alanganing napatingin si Shane kay Paulo. Tila tinatantiya ng guro ang magiging reaksyon nito. "At paglaki raw ni Gab ay magiging bakla rin."

"Eh, totoo namang bakla ang tatay ng batang 'yun, 'di ba? Nagsasabi lang ng totoo ang anak ko."

"Aba, may pinagmanahan naman pala ng tabas ng dila ang mahadero mong anak. No wonder!" Nagpipigil na lang si Pau pero gusto na niyang hilahin ang buhok ng atribidang babae.

"Bakla naman talaga 'di ba? At ikaw rin," tahasang sabi ng babae.

"O, anong problema mo sa bakla, 'teh? Homophobic lang ang peg? Puwes, humanap ka ng planeta kung saan walang bakla at doon ka tumira!" mataray na pahayag ni Pau. Kahit kelan ang dali niya talagang mayamot sa mga taong parang nandidiri 'pag nakakakita ng bakla. Ano ba ang puwedeng gawin ng mga tinatawag na heterosexual na 'yan ang hindi kayang gawin ng isang homosexual?

"Anong problema ko? Ang problema ko, naiistorbo ako sa trabaho para pag-usapan ang walang kuwentang bagay na 'to. Napakaliit na bagay pinalalaki n'yo. Ako nga ang dapat magreklamo dahil binugbog ng Gab na 'yun ang anak ko."

"Ah, misis hindi naman po binugbog. Pareho lang naman po silang nagkasakitan," pagtutuwid ni Shane sa sinabi ni Laura.

"Kahit na. Dehado ang anak ko. Mas nasaktan siya." Ayaw patalo ni Laura.

"Kaya nga pagsabihan n'yo ang anak n'yo. Huwag siyang mag-uumpisa ng gulo tapos 'pag nasaktan siya eh akala mo siya pa ang inapi. Nakakaloka ka, 'teh!" Mas palaban si Pau.

"At pagsabihan mo rin ang anak mo na huwag basta-basta nanununtok," siniguro ni Laura na may diin ang pagkakabigkas niya sa salitang anak.

"Naku, wala po tayong pagkakasunduan nito kung pareho kayong mainit ang ulo at ayaw magpatalo," sumingit na muli sa usapan si Shane sa pagnanais na masawata ang iringan ng dalawa.

"Andito po tayo para pag-usapan ang nangyari at para huwag nang maulit. Eh mukha pong kayong dalawa naman ang magbabangayan dito ngayon," susog naman ng principal.

"Mawalang galang na nga po," sabi ni Pau. "Maari bang tapusin na natin ito at mukhang wala namang patutunguhan ang usapang ito. High blood masyado ang mga tao. Basta ako, tinuturuan namin ng tamang asal si Gab. Pero huwag naman sanang aabusuhin ang kabaitan nung bata dahil paniguradong lalaban 'yun."

"Dahil tinuturuan n'yo ring lumaban," asik ni Laura kay Pau.

"Nag-aral ka ba, 'teh? Ang paglaban, natural instinct 'yan ng tao. Kahit nga aso kapag sinaktan mo, mangangagat 'yun para ipagtanggol ang sarili niya. Tao pa kaya? 'Yung anak mo ang turuan mong rumespeto sa ibang tao. Kalalaking tao, tsismoso."

"Hindi tsismoso ang anak ko!"

"Eh, sino ang tsismoso 'yung asawa mo? Hindi ba't 'yung asawa mo ang nagsabi sa anak mo na kesyo bakla ako at ang ama ni Gab? Eh, anong problema niya roon kung bakla? Naiinggit siya? Ba't hindi rin siya magpakabakla at sumali sa federasyon para bongga, 'di ba?"

Bago pa makasagot si Laura ay umawat na si Mrs. Banaag. "Okay, tama na. Dahil alam n'yo na ang nangyari at ang naging resulta noon, kausapin n'yo na lang ang mga bata na huwag nang uulitin ang ganung pagkakagulo sa loob ng klase. Hanggat maaari, iwasan nating nagkakaroon ng mga ganitong kaguluhan sa loob ng paaralan. Mabuti na lang at hindi na natin isinama rito ang mga bata. Kung nagkataon, nakita pa nila ang pagbabangayan n'yo. Nakakahiya! Parang mga hindi tayo nakapag-aral," sermon ng principal sa dalawa.

"Sorry, madam," maagap na paghingi ng paumanhin ni Pau. Si Laura naman ay nagtaas lang ng kilay sabay irap.

Si Shane ay nakatingin lang pero parang wala na sa diskusyon ang pag-iisip. Ang hindi kagandahang pakiramdam niya kanina bago pumunta sa paaralan ay tila lumala pa.

Napansin ito ng principal. "Okay ka lang ba, Shane?"

Hindi na nakasagot ang guro dahil bigla na lang itong natumba at nawalan ng malay!

Two Daddies and Me (Completed)Where stories live. Discover now