Chapter 4 - Teacher Shane

3.5K 183 10
                                    

NASA bahay na si Shane nang dumating si Marlon galing sa trabaho. Sinalubong niya ang asawa at hinalikan ito sa pisngi.

"Hon, kumusta ang trabaho?" tanong ni Shane.

"Ayun, ayos naman. Daming kliyente. May na-close akong deal sa isang construction company kanina. Maganda naman ang naging pag-uusap namin kaya hopefully wala nang maging problema." Maaliwalas ang mukha ni Marlon habang nagsasalita. Halata sa mukha nito ang hindi maitagong saya dahil sa dalang magandang balita sa kanyang trabaho.

"Kumain ka na ba? Maghahain na ako."

"Ikaw, kumain ka na ba?" balik-tanong ni Marlon sa asawa.

"Hindi pa. Hinihintay kasi kita..."

"Sige, maghain ka na. Kakain tayo. Magbibihis lang ako sandali."

"Sumunod ka agad dito. Ihahanda ko lang ang mesa."

Masarap ang nilutong hapunan ni Shane. Beef steak at java rice. Marami ang nagsasabing masarap siyang magluto at specialty nga niya ang steak. Pati ang sarili niyang recipe ng java rice ay totoo namang mas masarap sa ibang java rice na nabibili sa ibang restaurants. Kinukulit na nga siya ng mga kaibigan niyang nakatikim na ng kanyang mga luto na magtayo na raw siya ng restaurant at sososyo ang mga ito sa kanya. Ganoon sila katiwalang papatok ang negosyong kainan kung kasinggaling ni Shane ang magluluto.

Ilang sandali lang ay dumating na si Marlon. Nakapambahay na puting t-shirt ito at shorts.

"Wow, mukhang mapaparami ang kain ko nito. Ang sarap na naman ng niluto mo."

Nginitian ni Shane ang asawa. Ganoon naman ito lagi. Hindi pa natitikman ang luto niya ay pinupuri na nito kaagad. Minsan tuloy, binibiro itong binobola lang siya. Pero agad namang tatanggi si Marlon at ipipilit na the best talagang magluto ang misis niya.

Umupo na si Marlon sa tapat ng upuan ni Shane. Nilagyan ni Shane ng kanin at ulam ang plato ng asawa at nagsimula na silang kumain.

"Hmm, masarap nga talaga!" Hindi mapigilan ni Marlon ang sarili na purihin ang lasa ng niluto ni Shane. "Napakaswerte ko talaga sa'yo. Saan pa ba ako makakahanap ng babaeng maganda na, mabait pa, at higit sa lahat napakasarap magluto? Magugutom na ang lahat ng lalaki sa mundo pero alam kong hindi ako dahil lagi mo akong ipagluluto ng masasarap na pagkain."

"Bolero ka talaga," napapailing lang si Shane habang natatawa.

"Hindi kita binola kahit kailan. Totoo lang lagi ang sinasabi ko tungkol sa'yo."

"Sige na nga, naniniwala na ako. Pero kumain ka na muna dahil alam kong napagod ka sa trabaho."

"Ikaw rin naman, ah. Sigurado akong pagod ka rin. Ang hirap yatang magturo ng mga makukulit na bata. Iyong iba dun baka iyakin pa. Baka nga may mga naihi pa sa salawal. Kawawa naman ang misis ko, naging yaya ng mga batang malilikot," nagpapa-cute pa si Marlon habang kausap ang asawa. Mas lalo tuloy lumitaw ang kaguwapuhan nito.

"HIndi naman. Mababait naman ang mga estudyante ko. At saka andun naman ang mga yaya nila kaya if ever na may mga di kanais-nais na pangyayari, to the rescue agad ang mga loving yaya nila."

"Pero basta, I am always proud of you. And I will always love you, anuman ang mangyari."

"Ba't napunta riyan ang usapan?"

"Eh kasi nga, mahal na mahal kita. Ang sarap mo kasing magluto." Malutong ang tawang pinakawalan ni Marlon. "Pero kidding aside, mahal na mahal kita. Alam mo naman 'yun, 'di ba?"

"Opo, alam ko... At mahal na mahal din kita."

"Kain pa tayo, gutom pa ako. Pahingi ulit ng kanin," makulit na sabi ni Marlon kay Shane.

Ganun silang mag-asawa kung mag-usap. Parang magkaibigan lang. Parang magsyota lang. Halatang close na close sila at nagkakaintindihan sa lahat ng mga bagay. Isa iyon sa mga pinagkasunduan nila nung bagong kasal pa lang sila. Na ang lahat ng bagay ay dapat pag-usapan. Kahit 'yung mga tampuhan at hindi pagkakaunawaan, dapat pinag-uusapan din. Hindi dapat lumipas ang magdamag na may samaan sila ng loob. It is a must that they settle their differences before they go to bed. Iyon ang panuntunan nila sa kanilang pagsasama para mapanatili nilang masaya ang kanilang buhay mag-asawa.

NAGTAPOS ng BS Psychology si Shane pero kumuha pa siya ng education units after graduation para makakuha siya ng licensure exam for teachers. Ewan pero bata pa lang siya ay gusto na niyang maging isang guro. Sabi nga ng mga magulang niya, BS Education na lang dapat ang kinuha niya para diretso na sa pagtuturo. Pero gusto rin kasi ni Shane na pag-aralan ang ugali ng tao kaya naman ibang kurso ang kinuha sa college. Likas naman kasing matalino si Shane kaya agad niyang naipasa ang board exam. Hindi rin siya nahirapang makahanap ng eskuwelahang pagtuturuan. Ilang taon din siyang nagturo sa UP Diliman Prep School pero nung lumipat sila ni Marlon ng tirahan ay napalayo siya sa trabaho niya kaya napagpasyahan niyang mag-resign at humanap na lang ibang eskuwelahan. At ngayon nga ay nagtuturo siya sa Gentle Angels Montessori. Masaya naman siya sa bago niyang trabaho. Mababait ang mga estudyante niya, bagaman at malilikot ang iba. Naiintindihan naman niya iyon dahil likas sa mga bata ang pagiging makulit at malikot. Sa pamilya naman ay wala siyang problema kay Marlon. Kampante siya sa pagmamahal ng asawa niya sa kanya. Kahit minsan, hindi siya binigyan ni Marlon ng sakit ng ulo. Nananatili itong malambing at maasikaso sa kanya. Ano pa at totoong masaya ang kanyang buhay may-asawa?

Lubusan na sana ang kasiyahan nilang mag-asawa kung biniyayaan sana sila ng anak. Sa loob ng mahigit apat na taon nilang pagsasama, wala pa ring masasabing bunga ang kanilang pagmamahalan ni Marlon. Sinubukan na nga nila halos lahat ng posibleng paraan. Pati pagsasayaw sa Obando ay minsan na rin nilang ginawa. Pero wala pa rin. Ilang OB-Gyne na rin ang nilapitan nila, sa pagbabakasakaling may maitulong ang mga ito para mabuntis si Shane. Maging si Marlon ay nagpa-sperm count na rin at lumabas sa test na nasa tamang kondisyon ito para maging isang ama.

Kung ganoon, na kay Shane pala ang problema. Si Shane pala ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nagkakaanak. Hindi naman siya baog. Pero hindi rin nila maintindihan kung bakit hindi pa rin nabubuntis si Shane sa kabila ng mga gamot at vitamins na inirereseta ng mga OB-Gyne sa kanya. Maging ang mga magulang niyang nakabase na ngayon sa Canada matapos makakuha ng immigrant visa ay kung anu-anong vitamins na makakatulong raw upang siya ay magbuntis ang ipinadadala sa kanya, pero wala pa rin.

Kahit alam niyang nasasabik na rin si Marlon na sila ay magkaanak, hindi naman niya nararamdamang pini-pressure siya ng kanyang asawa. Lagi nang naroon ang suporta sa kanya ni Marlon kaya naman mas napapamahal ito sa kanya. Nalulungkot lang siya para sa asawa sa mga pagkakataong nakakakita ito ng mga bata sa mall man o kahit na saan pa. Minsan ay may mga pagkakataong humihinto pa ito sa paglalakad para saglit na panoorin ang nagkakatuwaang mga bata. Doon pa lang, alam na ni Shane na sabik na rin talaga si Marlon na magkaroon sila ng supling.

Bigla ang pagdating ng kaba sa dibdib ni Shane. Paano kung dumating ang panahon na mainip na nang sobra si Marlon at sumiping ito sa ibang babae para lang magkaroon siya ng anak? Matatanggap kaya niya pag nangyari iyon?

Ipinilig ni Shane ang kanyang ulo. Ayaw niyang i-entertain sa kanyang isip ang ganoong pangyayari. Hindi pa siya handa sa mga ganung sitwasyon.

Hindi pa...

Two Daddies and Me (Completed)Where stories live. Discover now