Chapter 26 - Motion for Reconsideration

1.6K 133 14
                                    

DUMATING SI Marlon sa bahay nina Rob at Pau. Nag-doorbell siya at ilang sandali lang ay may nagbukas ng gate.

"Ay, si Sir Marlon pala. Pumasok po kayo. Hinihintay kayo ng mga boss ko," sabi ni Imelda na nilakihan pa ang pagkakabukas ng gate para makapasok ang bisita.

Pumasok si Marlon.

"Sumunod kayo sa akin." Nagpatiuna na sa paglalakad ang yaya. Naabutan nila sa salas sina Rob at Pau.

"Susunduin ko lang sana ang yaya ni Gabriel," paunang sabi ni Marlon sa dalawa. Kaswal na kaswal ito. Walang mababakas na ano mang awkwardness sa anyo nito.

"Imelda, kunin mo na ang mga gamit mo. Sasama ka na sa kanya ngayon," utos ni Rob. Si Pau naman ay tahimik na nagmamasid lang.

"Teka muna, boss. Magkano ba ang magiging sweldo ko roon?"

"Kung ano ang suweldo mo rito per month, dadagdagan ko pa ng isang libo," kaswal pa ring sabi ni Marlon.

"Ayos naman pala, eh. Sige, kukunin ko lang sandali ang mga gamit ko." Lumakad na ang yaya papasok sa kuwarto. Paglabas nito ay bitbit na ang isang malaking backpack.

"Iyan na ba lahat ang mga gamit mo?" tanong ni Rob.

"Oo, boss."

"Aalis na kami," pagpapaalam ni Marlon. "Salamat." Tapos ay bumaling ito sa yaya. "Halika na."

"Imelda, ikaw na ang bahala kay Gab, ha? Huwag mo siyang pababayaan." Hindi na natiis ni Pau na hindi magsalita. Ayaw sana niyang sumali pa sa usapan dahil siguradong maiiyak na naman siya pero gusto pa rin niyang paalalahanan si Imelda para maalagaang mabuti si Gab.

"Ako na ang bahala kay Gab, boss. Huwag ka nang mag-alala," paniniguro ng yaya. "Aalis na kami, boss. Salamat sa inyong dalawa." Lumakad na ito papalabas ng bahay.

Nasa labas na si Marlon at hinihintay si Imelda.

"Doon ka sumakay sa unahan. Ilagay mo na lang sa back seat ang gamit mo," utos niya sa yaya.

Nang makasakay na silang dalawa ay pinatakbo na ni Marlon ang sasakyan. Hindi nagtagal at nakarating sila sa bahay nina Marlon at Shane. Pagpasok nila ng bahay ay narinig agad nila ang iyak ni Gab. Sinalubong sila ni Shane.

"Mabuti at dumating na kayo. Gising na si Gab, at nag-iiyak na naman. Inuubo na nga sa kaiiyak." Sa itsura ay mukhang hindi na alam ni Shane ang gagawin para patahanin ang bata.

"Nasaan si Gab, Teacher Shane? Pupuntahan ko siya."

"Naroon sa kuwarto. Halika, sumunod ka sa akin."

Nasa kuwarto si Gab at kasalukuyang inaalo ni Karing. Ngunit ayaw pa ring huminto ng bata sa pag-atungal.

"Iuwi n'yo na po ako. Miss ko na ang daddy Rob ko. Miss ko na ang daddy Pau ko. Iuwi n'yo na po ako," pagmamakaawa ng paslit sa kasambahay.

Awang-awa si Imelda sa nadatnang itsura ni Gab. Magulo ang buhok nito at basang-basa ng pawis. Naghalo na sa mukha nito ang luha, pawis at uhog. Ang mga mata nito ay namumula na tanda na matagal na rin itong umiiyak.

"Yaya!" Tila nakakita ng kakampi si Gab pagkakita nito kay Imelda. Agad itong tumayo at nagtatakbo palapit sa yaya.

Ibinaba ni Imelda ang dalang backpack at niyakap ang alagang musmos. Si Karing ay sinenyasan ni Shane na lumabas na. Naiwan sa silid sina Shane at Marlon.

"Yaya, uuwi na ba tayo? Asan si daddy Rob? Si daddy Pau, kasama mo ba?" Humihingal si Gab habang nagsasalita.

"Stop crying na, ha? Ayaw ng daddy Rob at daddy Pau mo na umiiyak ka. Bakit ka ba kasi umiiyak?" Kumuha ng face towel si Imelda sa kanyang backpack at pinunasan ang pawisang likod ng paslit. Pati ang luhaang mukha ay pinunasan na rin.

"Gusto ko na kasing umuwi. Ayoko rito. Doon na lang tayo sa bahay natin. Iuwi mo na ako, yaya." Hindi pa rin humihinto sa pag-iyak si Gab bagaman at hindi na kasinglakas ng iyak nito kanina.

Napatingin si Imelda kina Marlon at Shane. "Ah, eh kasi... Gab, kasi hindi tayo puwedeng umuwi. Dito ka na titira. Dito na tayo titira." Malumanay na kinausap niya si Gab.

"Bakit, yaya? Wala na ba tayong bahay? Dito rin ba titira si daddy Rob? Eh, si daddy Pau?" inosenteng tanong ni Gab. Hindi pa rin malinaw sa isip niya kung ano ba talaga ang nangyayari.

Hindi," pailing-iling na sagot ni Imelda. "Ikaw at ako lang ang titira rito."

"Eh, bakit nga?" Parang mas naguluhan pa ito sa sagot ni Imelda. "Ayokong tumira rito. Gusto ko kasama sina daddy Pau at daddy Rob."

"Gab, huwag kang makulit. Hindi sila puwedeng tumira rito. Ikaw lang," giit ni Imelda. "At saka ako, para may mag-alaga sa'yo. Hindi naman kita pababayaan, eh. At saka dadalawin ka naman dito ng mga daddy mo."

"Magulo, yaya. I don't understand. Why will I be staying here?" Umiral na naman ang pagka-inglisero ni Gab.

"Ganito... Ipapaliwanag ko sa'yo pero huwag ka nang mangungulit, ha?" Muling sinulyapan ni Imelda ang mag-asawa, tila hinihingi niya ang permiso ng mga ito sa kanyang sasabihing impormasyon sa bata.

Seryosong nakikinig si Gab. Pahikbi-hikbi na lang ito pero wala nang luhang umaagos sa mga mata. Naghihintay ito sa susunod na sasabihin ng yaya niya.

"Dito ka na titira kasi si Sir Marlon ang totoo mong daddy."

Umiling-iling si Gab. "No, yaya. Asawa siya ni teacher Shane, 'di ba?"

"Oo, pero..."

"Ako ang daddy mo, Gab. Sa ngayon hindi mo pa maiintindihan kahit ipaliwanag ko sa'yo. Pero iyon ang totoo, ako ang daddy mo. Hindi si Rob, hindi rin si Paulo." Sinalo ni Marlon ang sasabihin sana ni Imelda. Kahit hindi pa maiintindihan ng anak niya. Ang mahalaga ay nasabi na niya rito ang katotohanan.

"I want my daddy Rob. I want my daddy Pau. Ayoko sa'yo!" Umiiyak na nagtatakbo papalabas ng kuwarto ang bata at nagsumiksik sa isang sulok ng salas. Doon nito itinuloy ang pag-iyak.

Sinundan ni Imelda ang alaga. Naiwan sa silid sina Shane at Marlon.

"Kailangan lang nating maghintay na matanggap niya ang bagong sitwasyon. Maaaring mabilis ang maging pagtanggap niya. Pwede ring matagal. Kaya, dapat tayong maging matiyaga," mahabang paliwanag ni Shane. "Mahirap ang sitwasyon ni Gab. Sa edad niya, hindi siya kikilala sa kung ano ang tama, kundi sa kung ano ang gusto niya at makapagpapasaya sa kanya."

Hindi na sumagot si Marlon. Niyakap na lang nito nang mahigpit ang asawa.

KINABUKASAN AY bagong buhay para kina Rob at Pau. Katulad ng nakasanayan ay maaga silang pumasok sa trabaho. Nalulungkot man sila sa pagkawala ni Gab sa poder nila ay kailangang ituloy ang buhay.

Abala si Rob sa trabaho ng mag-ring ang teleponong nasa mesa niya.

"RTC, good morning!"

"Rob, si Atty. Cervando ito. Gusto ko lang ipaalam sa'yo na nai-file ko na ang motion for reconsideration. Maghihintay na lang tayo ng desisyon ng korte."

"Maraming salamat, atorni. Sana nga, pumabor naman sa atin ang desisyon ng korte."

Two Daddies and Me (Completed)Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt