Chapter 19 - Opposition

1.4K 113 13
                                    

"HINDI PO ba naguguluhan ang bata sa set-up n'yo rito?" tanong ni Mayla. Alam nina Rob at Pau ang ibig sabihin ng tanong nito pero mas pinili ni Rob na magtanong din.

"Ano po ang ibig n'yong sabihin?"

"Kasi, Mr. Fernandez aware naman kayo na kakaiba ang sitwasyon n'yo rito sa bahay. Bale dalawa kayong tumatayong tatay sa bata. Baka naman nako-confuse na ang bata kung bakit dalawa ang tatay niya pero wala kahit isang nanay," paliwanag ni Mayla.

"At saka po baka dumating sa punto na maguluhan din ang isipan ng bata at akalain niyang normal lang na magsama bilang mag-asawa ang parehong lalaki," sundot naman ni Leni.

Kalmadong sumagot si Rob. "Aware po si Gabriel na patay na ang mommy niya kaya imposibleng ma-confuse siya na katulad ng iniisip n'yo. Maliban doon, matalino siyang bata at pinag-aaral namin siya sa magandang eskuwelahan kaya siguradong matututunan niya kung ano ang tama. Sagana si Gabriel sa pagmamahal dito sa aming bahay. Kailanman ay hindi namin siya tinuruan ng mga kamalian."

"Hindi ganoon kadali magpalaki ng isang bata lalo na kung walang ina," nasabi ni Mayla.

"Hindi kailanman dapat maging basehan ang kasarian para maging isang mabuting magulang. Ang pagiging magulang ay wala sa kung babae ka ba o lalaki o bakla. Kundi narito sa kakayahan ng puso na magbigay ng isang pagmamahal na walang hinihintay na kapalit," nangilid ang luha ni Pau habang nagsasalita. Bakit ba pakiramdam niya ay mawawala na sa kanila si Gab?

"Nasaan po ang ama ni Gabriel?" naitanong ni Leni.

Natigilan si Pau. Sasabihin ba nilang si Marlon ang ama ni Gab?

Si Rob ay nanatiling kalmado lang. "Hindi nakilala ng ina ni Gabriel ang nakabuntis sa kanya. Maliban sa first name, wala na siyang alam tungkol sa lalaking iyon. Pero kahit alam niya ang first name ng ama ng bata, wala siyang pinagsabihan kahit sino. Kaya noong nagkasakit siya, sa akin niya iniwan ang pangangalaga sa bata. Dati kong katrabaho at kaibigan ang ina ni Gabriel."

"Lumalabas na hindi namin alam kung sino ang ama ng bata. Dahil mula umpisa naman ay hindi ito nagparamdam," dugtong naman ni Pau.

"Gusto naming mas mapabuti si Gabriel kaya gusto ko siyang ampunin. Para lahat ng karapatan bilang anak ko ay makuha niya. Kasama na siyempre ang paggamit ng apelyido ko," matapat na sabi ni Rob. Kailan man ay hindi siya nag-alinlangan sa pagmamahal niya sa paslit na inalagaan na niya mula noong sanggol pa lang ito.

"Mr. Fernandez, kakailanganin namin ang kopya ng sinasabi mong sulat ng ina ni Gabriel na nagsasabing sa'yo niya iniiwan ang pangangalaga sa anak niya," seryosong sabi ni Mayla. Hindi mo mawari kung ano ang nasa isip nito.

"Dadalhin ko bukas sa opisina n'yo."

Iniabot ni Mayla ang isang tarheta. "Narito ang address ng aming opisina."

"Salamat..."

"Hindi na kami magtatagal. Maraming salamat sa pagpapatuloy n'yo sa amin dito." Bago umalis ay kinamayan ng dalawang babae sina Rob at Pau.

"Late na tayo sa trabaho," sabi ni Pau.

"Hindi bale. At least nakausap tayo nang personal ng mga taga-DSWD," positibong sagot ni Rob. "Halika ka na."

Sabay na silang sumakay sa kotse ni Rob.

"Rob, tingin mo ba papabor sa'yo 'yung report ng DSWD?"

"I'm hoping... Sana." Hindi na nilingon ni Rob si Pau. Tuloy lang siya sa pagmamaneho.

"Paano kung hindi?"

"Shh... Huwag mong isipin 'yan. Wala tayong gusto kundi mabuting buhay para kay Gab. Siguro naman makikita ng DSWD 'yun."

"Sana nga..." Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Pau.
***
"GOOD MORNING, Mr. Sandoval!" bati ng lalaking sumungaw sa pintuan ng opisina ni Marlon.

"Jude! Come in. Maupo ka," bakas sa mukha ni Marlon ang excitement. "Anong balita?" Si Jude ang private investigator na inutusan niyang manguha ng impormasyon tungkol kay Gab. Desidido siyang gawin ang lahat para mapatunayang siya ang totoong ama nito.

Umupo si Jude sa silyang nasa harapan ng mesa ni Marlon. "I don't know if this is good news or bad news for you."

Napakunot-noo siya. "Bakit?"

"May naka-pending na petition for adoption para kay Gabriel. Si Robert Fernandez ang nag-file. Wala pa namang desisyon ang korte pero dapat na kumilos ka kaagad para pigilan ito," pagbibigay impormasyon ni Jude.

"Other information, meron?"

"Ang mother ni Gabriel Rivera ay si Shiela Rivera na namatay due to cancer few months after giving birth to Gabriel. Lumaki si Shiela sa Malabon sa pangangalaga ng tiyahin niyang si Erminda Rivera, isang matandang dalaga na kapatid ng namatay na ama ni Shiela. Walang naging boyfriend si Shiela dalawang taon bago ito nanganak." Isang brown envelope ang iniabot ni Jude kay Marlon. "Nandiyan sa loob ang kopya ng birth certificate ni Shiela at Gabriel pati na rin baptismal certificate ng bata. Nariyan rin ang kopya ng petition for adoption. Kung mayroon ka pang gustong malaman sabihan mo lang ako."

Binuksan ni Marlon ang envelope at isa-isang tiningnan ang mga dokumento. Pagkuwa'y tumango-tango ito. "Sige, okay na muna ang mga ito. Tatawagan na lang kita ulit. Ipadala mo na lang dito ang billing para sa serbisyo n'yo." Tumayo siya at inilahad ang kamay sa kausap na agad naman nitong inabot. "Maraming salamat, Jude."

"Walang anuman, Mr. Sandoval. Maraming salamat din."

Aligaga siya pagkaalis ng imbestigador. Kailangan na niyang kumilos kaagad. Kung hindi, maaaring hindi na niya makuha kahit kailanman ang kanyang anak. Lahat ng circumstantial evidence ay nagtuturo na siya ang ama ni Gab. Kaya dapat lang na pigilan niya ang isinampang petisyon ni Rob. Hindi puwedeng ampunin ni Rob ang kanyang anak!

Dinukot niya ang celfone sa bulsa ng pantalon at tinawagan si Atty. Eric Alcazar, ang kaibigan niyang abogado. "Pare, kailangan ko ang tulong mo."

"Anong problema, pare?" tanong ng abogado.

"Kailangan kong pigilan ang isang petition for adoption."

"Ah, petition to oppose adoption. Kaninong anak?"

"Mahabang istorya, pare. Busy ka ba ngayon? Puwede ba tayong magkita ngayon na? Mas maganda yatang mag-usap tayo ng personal para maikuwento ko sa'yo ang buong detalye." Bakas ang pagkabalisa sa boses niya. Bakit hindi? Anak niya ang nanganganib na mawala sa kanya nang tuluyan.

"Sige, pare. Puwede ka bang pumunta dito sa opisina ngayon? Hihintayin kita."

"Okay, pupunta na ako."
***
KAUSAP NI Rob sa telepono ang kanyang abogado.

"Atty., nagpunta na sa bahay kaninang umaga ang mga taga-DSWD. Nagtanong ng mga ilang impormasyon at sinagot ko naman base sa alam kong katotohanan."

"That's good. Let's hope that they will decide and make the report in your favor. Most of the time, sa report ng DSWD nagbabase ang korte kung iga-grant ba nila ang petition for adoption. Hopefully, pumabor sa'yo ang desisyon."

"Sana nga, Atty."

"Tatawagan kita once na makuha ko ang schedule ng initial hearing. As soon as makapag-submit ng report ang DSWD, the court will immediately schedule the initial hearing."

"Okay. Maraming salamat, Atty."

Nagpaalam na ang abogado at bumalik na sa trabaho si Rob. Pinilit niyang maging abala upang kahit sandali ay makalimutan ang tensyong nararamdaman kaugnay sa petisyon niyang ampunin si Gab.

Two Daddies and Me (Completed)Where stories live. Discover now