Chapter 18 - DSWD

1.6K 133 18
                                    

MABUTI NA lang at mabilis na naalalayan ni Pau si Shane kaya hindi naman naging delikado ang pagbagsak nito.

"Ang init niya," nag-aalalang sabi ni Pau. Ramdam niya ang hindi normal na temperatura ng guro. "Ang taas ng lagnat niya." Hindi niya malaman kung ano ang gagawin sa walang malay na guro.

"Dalhin natin siya sa clinic."

Walang inaksayang oras si Pau. Agad nitong binuhat si Shane at inilabas ng opisina ng principal.

"Dito, sumunod ka sa akin," pagbibigay direksyon ng principal. "Diyos ko, anong nangyari sa'yo, Shane?"

Nang makarating sa school clinic ay agad itong inasikaso ng school nurse. Pinaamoy nito si Shane ng ammonia kaya naman ilang saglit lang ay bumalik na ang malay nito.

"I'm so sorry," paghingi nito ng paumanhin. "Naputol ang meeting dahil sa akin."

"No, you have nothing to be sorry about. Magpahinga ka na muna rito. Tinawagan na ng nurse si Dr. Martin para pumunta rito at tingnan ka. Para maresetahan ka na rin. You're pregnant kaya dapat maingat sa nireresetang gamot sa'yo," paalala ng principal.

"Uuwi na rin muna ako. Kung may pag-uusapan pa tayo sa ibang araw, ipatawag n'yo na lang po ulit ako or si Rob," sabi ni Pau sa principal.

"Okay, maraming salamat sa pagpunta n'yo rito, Mr. Albano at sa pagbuhat mo kay Shane papunta rito sa clinic," nakangiting nitong sagot. "Pasensya na kung medyo nagkaroon ng aberya."

"Wala pong problema. Basta anytime na ipatawag n'yo kami, asahan n'yong darating ako o si Rob." Pagkasabi noon ay lumabas na siya ng clinic. Ang nanay ni John ay hindi na niya nakita. Siguro'y umuwi na nang magkagulo kanina sa principal's office nang mawalan ng malay si Shane. Hindi na dumaan si Pau sa classroom ni Gab. Hindi na niya rin pinuntahan si Imelda sa waiting area ng mga yaya. Kailangan na niyang magmadali para makapasok pa rin sa trabaho kahit half day man lang.

Pagdating ni Pau sa opisina ay tinawagan niya si Rob.

"Anong nangyari?" tanong ni Rob nang sagutin ang tawag ni Pau.

"Ayun, wala rin namang napagkasunduan. Nawalan kasi ng malay si teacher Shane. Ang taas ng lagnat. Kawawa nga eh, buntis pa naman." Totoo sa loob niya ang awang nadarama para sa guro ni Gab. "Ang putla niya kanina, parang wala na siyang dugo. Ako pa nga ang nagbuhat para dalhin siya sa clinic."

"Kinaya mo?"

"Oo naman. Bakla lang ako, hindi inutil. Kahit sa'yo mangyari 'yon, baka makaya rin kitang buhatin," giit niya kay Rob.

Narinig ni Pau ang mahinang paghalakhak ni Rob sa kabilang linya.

"Anong nakakatawa?" tanong niya.

"Wala. Natutuwa lang ako sa'yo. Kasi, alam kong kahit ano pa ang mangyayari, hindi mo ako pababayaan."

"Naman! Korek na korek! Isang malaking tsek ng pink na ballpen."

"Nagkausap nga pala kami kanina ni Atty. Jean Cervando. Siya 'yung humahawak ng adoption case ni Gab," pagbabalita ni Rob. "May pupuntang DSWD sa bahay. Magche-check sila kung may kapasidad akong ampunin si Gab."

"So, 'pag wala kang kapasidad mag-ampon anong gagawin nila? Kukunin nila si Gab? At kanino naman nila ibibigay 'yung bata? Ipapaampon din? Nakakaloka sila. Andami nilang proseso na wala namang katuturan." Kahit kailan ay napakadali talagang uminit ng ulo ni Pau basta tungkol sa posibleng pagkawala ni Gab sa poder nila ang usapan.

"Hindi naman siguro aabot sa ganoon. Mula sanggol pa si Gab, tayo na ang nag-aalaga sa kanya. Gusto lang nating mas mapabuti ang bata kaya natin aampunin," argumento pa ni Rob.

Two Daddies and Me (Completed)Where stories live. Discover now