Chapter 22 - Banta

1.4K 127 13
                                    

"HELLO, ATTORNEY?"

"Rob, napatawag ka. Gabi na, ah. May problema ba?"

"Nakatanggap ako ng subpoena, Atty. May nag-file ng petition for custody para kay Gab," pagbabalita niya sa abogado.

"Sino? Kilala mo?"

"Marlon Sandoval. Asawa ng teacher ni Gab. Naikuwento ko na siya sa'yo noong nag-file ako ng petition for adoption."

"Yeah, natatandaan ko," kalmadong sagot ng abogado. "Dumaan ka sa opisina ko bukas. Dalhin mo iyang subpoena at pag-usapan natin 'yan."

"Salamat, Atty."

Pagkatapos kausapin ang abogado ay sinubukan namang tawagan ni Rob si Tita Minda pero hindi pa rin niya makontak ito. Kahapon ay ilang beses niya ring sinubukang kontakin ang matanda para ipaalam ang mga nangyayari subalit hindi rin niya ito nakontak. Hindi naman siya makapunta sa bahay nito sa Malabon dahil sobrang busy pa niya.
***
"Anong gagawin natin ngayon?" tanong ni Pau na gulat na gulat nang malaman ang tungkol sa subpoena kaninang pagdating nito galing opisina.

"Ewan ko, naguguluhan ako," tulirong sagot ni Rob. Bilang isang law student at nagtatrabaho pa sa Regional Trial Court, parang alam na niya kung ano ang kahihinatnan ng subpoenang ito.

"Ba't hindi mo alam? Law student ka, dapat alam mo 'yan. Makukuha na ba sa atin ni Marlon si Gab?"

"Sana hindi." Pinalalakas ni Rob ang loob niya. "Pero malakas ang laban niya." Parang bomba iyon sa pandinig ni Pau.

"Hindi puwede, Rob. Mula baby pa si Gab nasa atin na siya. Tayo ang nag-alaga at nagpalaki sa kanya. Ikaw ang pinagkatiwalaan ni Shiela para mag-alaga at tumayong ama ni Gab. Hindi puwedeng basta na lang siya kukunin sa'yo ng kung sino lang," natitilihang sabi ni Pau. Ang isipin pa lang na mawawala sa kanila si Gab ay hindi na niya matanggap. Paano pa kung totohanan na?

"Hindi lang basta kung sino si Marlon. Kahit wala tayong kongkretong katibayan, malakas ang kutob natin na siya nga ang tunay na ama ni Gab. Alam mo 'yan."

"Hindi puwede!" sigaw ni Pau. Hindi niya puwedeng kunin sa atin si Gab! Hindi puwede, Rob. Gumawa ka ng paraan. Sa atin dapat si Gab." Hindi na napigilan ni Pau ang pagpatak ng kanyang luha.

"Huwag ka ngang iyakin. Hindi naman makakatulong ang pag-iyak mo. Mag-uusap kami ni Atty. Cervando bukas. Titingnan niya kung ano ang tsansa natin sa petisyong isinampa ni Marlon." Sinubukan niyang palakasin ang loob ni Pau. Alam niyang hindi ito hihinto sa kaiiyak kahit buong magdamag pa ang lumipas kung hindi niya ito mabibigyan ang assurance na malaki ang tsansang manatili sa pangangalaga nila si Gab.

"Pabayaan mo akong umiyak. Kung makapagsalita ka, parang tuta lang ang mawawala sa'yo. Ikaw nga ang mas dapat maapektuhan kasi ikaw ang tumatayong ama ni Gab. Pero parang balewala lang sa'yo ang nangyayari." Hindi napigilan ni Pau na sumbatan si Rob.

"Balewala? Balewala sa akin ang nangyayari?" balik tanong ni Rob. "Kaya pala dis-oras ng gabi ay kinalampag ko pa si attorney, kasi wala akong pakialam kay Gab. Kasi balewala lang sa akin kung makuha man siya ni Marlon. Ganoon ba ang pagkakaintindi mo sa akin? Ganoon ba ang pagkakakilala mo sa akin?" Masamang-masama ang loob niya. Ang taong inaasahan niyang kakampi sa kanya, ay susumbatan pa siya.

"Rob, I'm sorry. Nabigla lang ako..." biglang bawi ni Pau.

"Kahit nasa trabaho ako, si Gab ang iniisip ko. Sa bawat ginagawa ko, kasama ka at si Gab sa mga plano. Para kanino ba ang lahat ng pagsisikap ko, para sa akin lang ba?" Kung makakapaso lang ang tingin ay kanina pa sana nasunog si Pau sa init ng tingin ni Rob. "Kung makapagsalita ka, parang ikaw lang ang nag-aalala sa bata. Akala mo, ikaw lang ang tama. Akala mo, ikaw lang ang marunong magmahal."

Two Daddies and Me (Completed)Where stories live. Discover now