Chapter 7 - Biglaang Plano

2.9K 158 10
                                    

NAKAHIGA na sina Pau at Rob nang muling maungkat ang tungkol kay Marlon.

"Pareho ba tayo ng iniisip tungkol doon sa asawa ni Teacher Shane?" tanong ni Pau kay Rob.

"Iniisip mo rin ba na siya ang ama ni Gab?"

"Oo," tumango si Pau kahit nakahiga siya. "Anong gagawin natin kung siya nga ang ama ni Gab?"

"Kung sakaling siya nga ang ama ni Gab, hindi naman niya malalaman na siya ang ama. 'Di ba isang beses lang nagkita si Shiela at ang tatay ni Gab? Kung si Marlon man 'yun, paano niya malalaman na nabuntis niya si Shiela? Sino'ng magsasabi sa kanya?" Kumpiyansa si Rob sa kanyang sinabi. Buo sa loob niya na hindi nila magiging problema si Marlon.

"Eh, paano kung gumawa siya ng paraan para malaman ang totoo?"

"Hindi naman porke magkamukha ay magkadugo na agad. Iisipin ba naman ni Marlon na anak niya si Gab eh, hindi naman niya alam na nagbunga ang isang gabing pagtataksil niya kay Teacher Shane."

"Eh paano kung isipin niyang ganoon nga? Rob, dapat tingnan natin 'yung both sides. Para alam natin kung anong gagawin kapag nangyari ang hindi natin inaasahan."

"Nagpa-panic ka na naman kaagad. Matulog na tayo, may pasok pa tayo bukas."

"Rob..." Nagmaktol si Pau."

"Ano ba'ng gusto mong gawin ko para mapanatag ka riyan?"

"Ampunin mo si Gab. I-adopt mo siya legally para walang sino mang puwedeng kumuha kay Gab sa'yo," seryosong mungkahi ni Pau.

Napaisip si Rob. "Seryoso ka?"

"Mukha ba akong nagbibiro? Nagpapatawa ba ako?"

"Seryoso ka nga..."

"Alam mo kung gaano ko kamahal si Gab. Noon nga halos ikamatay ko ang pagliligtas sa kanya. Tingin mo ba ngayon pa ako papayag na mawala siya sa atin?"

"Sige..."

"Anong sige?"

"Aampunin ko si Gab. Para maging legal na anak ko na siya." Bumaling ang mukha ni Rob sa gawi ni Pau at pagkatapos ay ngumiti ito nang matamis. "At para hindi ka na rin kinakabahan na mawawala sa atin si Gab."

Niyakap nang mahigpit ni Pau si Rob. "Salamat, Rob! Maraming salamat!"

Natawa si Rob. "Ano ka ba? Maliit na bagay lang naman iyon. At matagal ko na ring pinaplano 'yan. Gusto ko kasing magamit ni Gab ang apelyido ko."

"Mahal na mahal mo rin si Gab, 'di ba?" gusto ni Pau ng assurance.

"Oo naman. Kung gaano mo siya kamahal, ganoon din ako sa kanya. Sa dami ba naman ng problemang dinaanan natin kasama si Gab, hinding-hindi ako papayag na magkahiwalay tayong tatlo."

Ngumiti si Pau. "Makakatulog na ako nang mahimbing."

"Anything na makapagpapasaya sa'yo, basta kaya ko..."

"Salamat, Rob."

"Tulog na tayo," yaya ni Rob.

"Opo. Goodnight..."

"Goodnight," sagot ni Rob kasabay ang isang smack sa labi ni Pau.

Payapang nakatulog ang dalawa. Tiwala at palagay ang loob na wala pang darating na problema sa buhay nila.

MAAGANG nagising si Marlon. May client meeting siya at kailangang hindi siya ma-late. Nagmamadali siyang naligo. Hindi na niya ginising si Shane dahil mamaya pa naman ang klase nito. Mas gusto niyang makapagpahingang mabuti ang asawa.

Paglabas ni Marlon ng banyo pagkatapos maligo ay gising na si Shane at abala sa paghahanda ng agahan sa kusina. Nagbihis na si Marlon at pagkatapos ay bumaba na siya at pinuntahan ang asawa.

"O, kumain ka muna. Nakaluto na ako."

"Hindi na kita ginising kasi gusto kong makapagpahinga ka. At saka breakfast meeting naman 'yung pupuntahan ko. Pero dahil nagising ka na at naghanda ng breakfast ko, sino naman ako para tanggihan ang masarap na luto ng asawa ko." Malawak ang pagkakangiti ni Marlon.

"Nambola ka pa. O, eto na ang kape mo." Inilapag ni Shane ang kape sa mesa at pagkatapos ay naglagay ng pagkain sa plato ni Marlon. "Kumain ka ng marami."

"Tataba naman ako niyan."

"Hindi bale na. Wala namang problema sa akin kahit tumaba ka." Lumakad si Shane patungo sa kabilang side ng mesa katapat ng puwesto ni Marlon at naupo. Naglagay na rin siya ng pagkain sa pinggan niya.

Nang matapos kumain ay humalik na si Marlon kay Shane at nagpaalam. Inihatid ni Shane ang asawa hanggang sa garahe. Binuksan niya ang gate para makadaan ang kotse ni Marlon. Kumaway pa si Marlon kay Shane bago ito tuluyang pinatakbo ang sasakyan papalayo sa kanilang bahay.

Isinara lang ni Shane ang gate pero hindi na niya ito ni-lock. Pumasok na siya sa loob ng bahay at muling bumalik sa kusina. Iniligpit niya ang mga natirang pagkain at pagkatapos ay muling umakyat ng silid.

Pagpasok ng kuwarto ay agad napansin ni Shane ang wallet ni Marlon na nasa ibabaw ng tokador.

"Naiwan ni Marlon ang wallet niya!"

Dinampot ni Shane ang wallet. Binuksan. Nagulat pa siya sa isang lumang larawan na nakasingit sa wallet ng asawa.

Pinagmasdan ni Shane ang larawan. Litrato iyon ng isang bata. Isang batang pamilyar na pamilyar sa kanya ang itsura.

Kung bago lang sana ang larawang iyon, iisipin niyang si Gab ang batang nasa larawan. Pero luma na ang larawan. Medyo kupas na nga ang kulay. At alam ni Shane na si Marlon ang batang iyon. Napansin rin naman ni Shane na may hawig si Marlon kay Gab, o si Gab kay Marlon. Pero hindi niya inisip na kamukhang-kamukha pala nila ang isa't-isa noong si Marlon ay nasa edad pa lang ni Gab ngayon.

Kinabahan si Shane pero pilit niyang iwinaksi ang hinalang gustong mabuo sa kanyang isip.

Imposible!

Imposibleng maging anak ni Marlon si Gab. Normal lang naman na may kamukha ang isang tao kahit hindi sila magkadugo. Nagkalat nga riyan ang mga look alike ng mga sikat na artista. Na kahit saang anggulo mo tingnan ay kahawig talaga. Pero 'yun nga, look alike lang sila.

Ganoon marahil ang sitwasyon nina Marlon at Gab. Look alike.

At isa pa, ni minsan ay hindi nagloko si Marlon noong hindi pa sila mag-asawa. Wala siyang natatandaang insidente na nag-away sila o nagkaroon ng alitan na ang dahilan ay ibang babae. Marlon has always been faithful to her. Walang sinumang puwedeng kumuwestiyon doon.

Noon biglang bumukas ang pinto at pumasok si Marlon.

"Hon, nakalimutan ko ang wal..." Napahinto sa pagsasalita si Marlon nang makitang hawak ni Shane ang wallet niya, at ang litrato niya noong bata pa siya.

Two Daddies and Me (Completed)Där berättelser lever. Upptäck nu