Chapter 27 - Moving On

1.7K 142 12
                                    

"DADDY PAU!" Hindi maipaliwanag ang saya sa mukha ni Gab nang makita si Paulo sa gate ng eskuwelahang kanyang pinapasukan. Kanina lang ay halos ayaw nitong bumangon para pumasok. Kung hindi pa kinumbinsi at inuto ni Imelda ay baka buong araw na naman itong mag-iiyak. Sinabi ni Imelda kay Gab na baka magpunta sa school si Rob o si Pau. Nagdilang-anghel siya dahil heto nga at nabungaran kaagad nila sa gate si Pau. Mabuti na lang talaga at maagang pumasok sa trabaho si Marlon. Plano pa naman nito na ihatid sana si Gab. Pero nangako naman ito na ihahatid sa eskuwelahan ang anak sa ibang araw.

"Gab!" Agad na binuhat ni Pau ang musmos at niyakap. Isang araw pa lang niyang hindi nakikita ang bata ay sobrang na-miss na niya ito.

"Daddy Pau!" Mahigpit ang pagkakayakap ni Gab na parang ayaw nang kumawala kay Pau. "Isasama mo na ako sa pag-uwi, 'di ba? Uuwi na tayo?"

"Hindi... May pasok ka pa sa school. Kailangan mong mag-aral para lumaki kang matalino," sagot ni Pau sa paslit. "Si Yaya Imelda ang kasama mo mamaya sa pag-uwi."

"Pero, Daddy Pau hindi naman sa bahay natin uuwi si yaya. Doon siya uuwi sa bahay ni Teacher Shane at Sir Marlon." Bakas sa mukha ni Gab ang pag-aalinlangan. Alam niyang hindi na naman siya makakauwi sa bahay na gusto niyang uwian.

"Gab, ganito kasi... Doon ka muna titira sa bahay ni Teacher Shane. Pero huwag kang mag-alala, gumagawa ng paraan si Daddy Rob mo para makuha ka ulit namin."

"Bakit po? I don't understand," naguguluhang sabi nito.

"Kasi nga, si Marlon ang totoo mong daddy. Ako, at si Daddy Rob mo ang nag-alaga sa'yo mula noong baby ka pa kasi sa amin ka iniwan ng mommy mo. Pero ngayong dumating na ang totoong daddy mo, doon ka muna sa kanya." Hindi alam ni Pau kung tama bang ipaalam na niya sa bata ang totoong sitwasyon. Baka mas lalong maguluhan ang murang isipan nito.

"Kelan po ako babalik sa bahay natin?" naluluhang tanong ng paslit.

Hindi agad nakasagot si Pau. Saglit niyang tinapunan ng tingin si Imelda.

"Iyak nga ng iyak 'yan, boss. Ayaw huminto. Gusto talagang umuwi sa inyo," pagbabalita ng yaya.

"Gumagawa na ng paraan ang Daddy Rob mo. Basta, huwag ka nang iiyak, ha? Kahit nasaan ka mang bahay, alam mo na laging bukas ang bahay natin para sa'yo. Puwede mong sabihin kay Teacher Shane o sa Daddy Marlon mo na gusto mong dumalaw sa amin. O kaya naman, kami na lang ang laging dadalaw sa'yo. Basta, huwag ka nang iiyak. Ayaw mo ba niyan, mas marami na ang nagmamahal sa'yo ngayon. Tatlo na ang daddy mo. May mommy Shane ka pa," mahabang paliwanag ni Pau kasabay ang dasal na sana ay makumbinsi niya ang bata.

Tumunog ang bell.

"Umpisa na ng klase n'yo," Mula sa pagkakabuhat ay ibinaba niya si Gab. "Imelda, ihatid mo na siya sa classroom."

"Gab, halika na..."

Muli munang yumakap kay Pau ang musmos at humalik sa pisngi nito. "Tell Daddy Rob that I miss him so much..."

Nalaglag ang luha ni Pau sa sinabi ni Gab. Paano mong hindi mamahalin ang napaka-sweet na batang ito?

"I will..." Tumang-tango si Pau. "I'll tell your Daddy Rob that you miss him so much..." Bumaling siya sa yaya. "Imelda, huwag mo siyang pababayaan."

"Areglado, boss."

"Bye, Daddy Pau!" Nag-wave pa ito ng kamay bago tuluyang pumasok sa loob ng paaralan.

Nang mawala na sa paningin niya ang bata ay saka lang umalis si Pau para pumasok sa trabaho. Half-day na lang ang maipapasok niya, pero ano naman kung ang kapalit ay ang kaligayahang makita at mayakap ang batang mahal na mahal at itinuring niyang tunay na anak.
***
ANG DATING masayang tahanan nina Rob at Gab ay nabalot ng kalungkutan. Sa tuwing uuwi sila mula sa trabaho ay wala na ang munting tinig na bumabati at sumasalubong sa kanila. Wala na ang batang naglalambing at laging makulit. Ang masayahing si Gab ay wala na sa buhay nila at dapat na nila iyong tanggapin. Sana lang talaga na katigan ng korte ang motion for reconsideration na isinampa ng abogado ni Rob. Iyon na lang ang natitirang paraan para makuha nila si Gab kay Marlon. Kapag nabigo sila sa isinampang mosyon, mawawala na ang kaisa-isa nilang pag-asa na makasamang muli ang batang nagpasaya ng bahay at buhay nila sa loob ng mahigit apat na taon.

"Rob..." tawag ni Pau sa katabi. Nakahiga na sila noon at matutulog na. Patay na rin ang ilaw sa kuwarto at tanging sinag ng buwan na naglalagos sa bintana ang nagbibigay ng liwanag sa silid.

"Hmn..."

"Inabangan ko sa school si Gab kanina. Nag-half day ako sa trabaho para makita ko lang siya."

Bumuntong-hininga si Rob. Malalim.

Nagpatuloy si Pau. "Umiyak siya. Gusto niyang umuwi rito. Akala nga niya, iuuwi ko na siya rito kaya ako nandoon sa school." Suminghot si Pau. "Ang higpit ng yakap niya sa akin."

"Dapat hindi mo na muna siya pinuntahan."

"Miss na miss ko na siya." Naulit ang pagsinghot.

"Paano siya masasanay kina Marlon kung lagi ka niyang makikita? Paano mo siya malilimutan kung lagi mo siyang pupuntahan?"

"Hindi ko siya puwedeng kalimutan," gumaralgal na ang boses ni Pau. "Tayo ang magulang niya. Dito ang bahay niya. Gusto kong bumalik na siya rito."

"Alam mong hindi puwede."

"Pinasasabi niya sayo, miss na miss ka na raw niya."

Hindi nakasagot si Rob. Ipinatong niya ang kaliwang braso sa kanyang mga mata. Paano pa siya sasagot kung tahimik na siyang lumuluha?

"Rob... Gising ka pa ba?"

Nanatiling hindi kumikibo si Rob. Nagtulug-tulugan na siya para hindi na magkuwento si Pau. At para hindi rin nito mahalatang naapektuhan na siya ng kuwento nito tungkol kay Gab.
***
SA BAHAY nina Marlon ay mahimbing nang natutulog si Gab. Kasama niya sa silid sina Imelda at Karing. Sa bandang ulunan sa kanang bahagi ng higaan ni Gab ay bukas ang isang lamp shade.

Bigla na lang umiyak at nagsisisigaw si Gab. Tinatawag nito si Rob.

"Daddy Rob!" Sa lakas ng sigaw nito ay napabalikwas ng bangon sina Imelda at Karing. Agad na dinaluhan ni Imelda ang alaga.

"Gab, nananaginip ka."

"Si Daddy Rob. Gusto kong makita si Daddy Rob..." Umiiyak na naman ang bata.

Si Karing ay agad na lumabas at nang pumasok ay may dalang isang basong tubig. "Painumin mo muna siya."

Ibinangon ni Imelda si Gab at pinaupo. Iniabot niya rito ang tubig na dala ni Karing at ipinainom.

Noon naman pumasok sa kuwarto sina Shane at Marlon.

"Anong nangyari?" tanong ni Marlon.

"Nananaginip lang si Gab, sir. Tinatawag niya si boss Rob," sagot ni Imelda.

"Tingnan mo ang likod niya, Imelda baka may pawis," utos ni Shane. "Punasan mo tapos palitan mo na lang siya ng damit.

Agad na tumalima ang yaya.

Si Marlon ay tahimik na nagmamasid kasabay ang malalim na pag-iisip.

Sa malas ay mukhang malayo pang makalimutan ng kanyang anak ang kinagisnan nitong mga ama.

Two Daddies and Me (Completed)Where stories live. Discover now