ANG NAPUNDING ILAW NG ALITAPTAP

45 3 0
                                    

─────────────────────── ✦ ✾ ✿ANG NAPUNDING ILAW NG ALITAPTAP✿ ✾✦ ───────────────────────

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

─────────────────────── ✦ ✾ ✿
ANG NAPUNDING ILAW NG ALITAPTAP
✿ ✾✦ ───────────────────────



Isang inosenteng pag-ibig, dalawang pusong nadawit
Bituin sa'ting mata'y lumiyab nang sindihan ng galit
Ikaw ay bumitaw, subalit ako'y patuloy na kumapit
Sa gabi ng pagtatapos, ikaw sa aki'y ipinagkait



Hindi maaaring burahin, naitalang tadhana sa langit
Hugis ng buwan ma'y magbago, umaga'y palaging sasapit
Ika'y titingala sa puno, mga dahon ay maghahatid ng sakit
Ako'y narito sa malapit, ngunit sa iyo'y 'di makakalapit



Lumipas na ang 'di mabilang na serye ng umaga't gabi
Patuloy ang 'yong pagguho, ang paggapos sa sarili
Paano ko ba ipapakita na ako'y narito sa bawat sandali?
Kung ako ang ugat ng poot, pangalang ayaw sambitin ng labi



Sugat mo'y pinadurugo nitong oras na manhid
Ikinandadong alaala na ako mismo ang naghatid
Sa iyo'y nais tumawid, nais ayusin ang taling napatid
Kailan mo ba mapapansin ang liwanag na umaaligid?



Anuman ang maging hugis ng puso, ako sa iyo'y susunod
Saanman dalhin ng panahon, gumawa man ito ng bakod
Ilaw ko'y mananatili hanggang galit mo ay mapagod
Ika'y 'di hahayaang malunod, ako man sa iyo'y nakabukod



Marahil ako ang natapakang bitag, ang kulungang dapat burahin
Iba ang 'yong liwanag, ang magpapalaya sa'yong damdamin
Siya ang dapat mong mahalin, ako ang kailangang palayain
Subalit ikaw pa rin ang aking huling inibig, iniibig, at iibigin



Sa wakas, mga bulaklak sa puno'y tuluyang namukadkad
Ika'y buo na, isang bagay na lamang ang tanging hangad
Ito na ang ating dulo, ang paglaya ng nakakuyom na palad
Hiling ay natupad nang iyong tanggapin ang nahuling "patawad"



"Sa huling sandali, iyong nasaksihan ang napunding ilaw ng alitaptap. Ito ang kumukuti-kutitap na paalam, ang hindi naibigay ng aking yakap."

𝗠𝗚𝗔 𝗧𝗨𝗟𝗔Where stories live. Discover now