DAPIT-HAPON

2.2K 12 6
                                    

──────── ✦ ✾ ✿DAPIT-HAPON✿ ✾✦ ───────

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

──────── ✦ ✾ ✿
DAPIT-HAPON
✿ ✾✦ ───────


Tayo'y narito sa oras ng tagpuan
Marahang uupo sa berdeng sapin ng damuhan
Unti-unting ngingiti sa hangin ng katahimikan
Ating pagmamasdan, pinintang kahel ng kalangitan


'Ikaw at ako,' iyon ang ating mundo
Haligi ng pagkakaibigan, sabay nating binuo
Daliri ng pangako, walang dapat na magbago
Ika'y kaibigan, ganoon din ako sa'yo


Ginintuang tanawin, ating tinitingala
Papalubog na araw, handa nang magsimula
Sa paglingon sa'yo, natakot sa sinumpaang salita
Bakit ganito? Ikaw ang nais kong makita


Sa pintig na dulot ng 'yong ngiti sa akin,
Sa pagkinang ng mata mo'y naakit ang bawal na damdamin
Ang init ng palad mo'y kaya na akong tunawin
Sigaw ng puso ko, huwag ko sanang dinggin


Salitang kaibigan, ayaw kong gumuho
Ang 'at' sa pagitan natin, ayaw kong maglaho
Sa nararamdamang ito, gusto ko nang lumayo
Sapagkat alam ko, mawawasak ang 'ikaw at ako'


Kung ikaw ba'y aking tatanungin
Pag-ibig ko ba ay tatanggapin?
Kung sakaling ako ay umamin
Kaya mo ba akong mahalin?


Sagot na mula sa iyo'y kinatatakutan ko
Takot na mawala, lahat ng mayroon tayo
Ngunit 'di na mapipigilan, tibok ng puso ko
Handa nang sumugal para sa salitang
'tayo'


Dapit-hapong sabay nating pinagsaluhan
Araw na lumubog sa ating kanluran
Ako'y naniwala sa walang-hanggang katapusan
Subalit sa pagkakataong ito, pagkakaibigan nati'y tutuldukan


'Sa pagtatapos ng dapit-hapon, salitang kaibigan, tuluyan ko nang itinapon'


***
(Inspired by Golden Scenery of Tomorrow)

𝗠𝗚𝗔 𝗧𝗨𝗟𝗔Where stories live. Discover now