Part 4

33.6K 655 5
                                    


NAGISING si Miles na nag-iisa na sa loob ng production room. Nakahiga siya sa kama. Ang huli niyang naaalala ay noong ihilig ni Evan ang ulo niya sa balikat nito dahil bumabagsak na siya sa antok. Nakatulog pala siya. Ibig sabihin ay binuhat siya nito at inihiga sa kama. Inalis niya ang nakakumot sa kanya. Jacket iyon ni Evan. Pero nasaan ito?

Napatingin siya sa pinto. May nag-alis ng doorknob!

May tumulong sa kanila. Kaya ba wala na si Evan? Pero bakit hindi man lang siya ginising nito? Baka tulog na tulog siya kaya hindi na siya inistorbo nito. Aminado siyang hindi siya madaling gisingin. Pero sino kaya ang tumulong sa kanila?

Tumingin siya sa wristwatch. Alas-sais na ng umaga. Kung uuwi siya para maligo ay aabot pa siya sa unang klase niya. Bitbit ang bag at ang jacket ni Evan ay nilisan na niya ang silid na iyon.

Nagtaka siya nang makita ang kotse ni Evan sa parking space. Ibig sabihin ay hindi pa ito umuuwi? Kung ganoon ay nasa loob pa rin ito ng paaralan. Hindi niya pinansin ang nagtatakang tingin sa kanya ng security guard. Tuluy-tuloy siya sa paglabas sa eskuwelahan.

Pag-uwi sa bahay ay kaagad na ipinaliwanag niya ang nangyari sa mga magulang niya. Siyempre pa, hindi niya sinabi na may kasama siyang nakulong sa silid. Gaya ng inaasahan ay labis na nag-alala ang mga ito sa hindi niya pag-uwi. Dahil sa insidente ay bibilhan na raw siya ng cell phone ng kanyang papa.

Pagpasok niya ay dinala niya ang jacket ni Evan ngunit hindi niya nakita ito buong maghapon. Kinabukasan ay hindi rin niya nakita ito. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit dismayado siya na hindi ito nagpakita sa kanya nang dalawang araw.

Marahil ay dahil sa sandaling panahong nakasama niya si Evan ay marami siyang nalaman tungkol dito. Parang hindi ito ang Evan na kinaiinisan niya noong bata siya at parang hindi ito ang Evan na may hindi magandang image sa school nila. Ibang Evan ang nakasama niya sa loob ng madilim na production room nang gabing iyon.

Marami silang napagkuwentuhan. Dumating pa nga sa puntong tumatawa na siya. She could not believe she had shared laughters with him. He even shared with her his secrets. Nakalimutan niya ang takot dahil dito. At na-appreciate niya ang ginawa nitong pagkumot sa kanya ng jacket nito. She thought it was such a sweet gesture. Parang nag-iba na ang tingin niya rito. Hindi na siya naiinis dito. In fact, she felt like they could be friends.

Naglalakad siya sa corridor kasama ang best friend na si Gemme nang matanaw niya si Evan na papasalubong sa kanila. Hindi niya alam kung bakit biglang nag-iba ang tempo ng pagtibok ng puso niya. Bahagya pang bumaba ang tingin niya sa hawak na paper bag. Naroon ang jacket nito. Isasauli niya iyon dito at pagkatapos ay magpapasalamat siya sa mga ginawa nito upang mawala ang takot niya nang gabing iyon.

Sa muling pag-angat niya ng tingin ay may babae nang kaakbay ito—si Diane, isang campus babe. Maikli ang suot nito, malaki ang mga dibdib at sosyal. Ito ang napapabalitang bagong girlfriend ni Evan. Nawala sa isip niya ang tungkol sa bagay na iyon nang gabing nagkasama sila ng binata.

Evan was laughing with Diane as he passed by them. Hindi man lang siya napansin nito. Kahit nakatalikod na ito ay sinundan pa niya ito ng tingin. Bakit hindi man lang siya tiningnan nito? Parang nakalimutan na siya nito. Nakadama siya ng labis na pagkadismaya.

Isang hampas sa balikat ang nagpabawi sa kanya ng tingin mula rito. Binalingan niya si Gemme na siyang umuntag sa kanya.

"Bakit gano'n ka makatingin kay Evan?" nakataas ang isang kilay na tanong nito.

Naikuwento niya rito ang tungkol sa nangyari sa kanya sa production room. Alam nito na nagkasama sila ni Evan nang gabing iyon. "Wala. Gusto ko lang kasing isauli ito," tukoy niya sa jacket na nasa paper bag.

"Eh, ni hindi ka nga niya tiningnan, 'no! At saka kung gusto niyang makuha iyan, di sana hinanap ka na niya three days ago. Aba, eh, tatlong araw mo nang bitbit iyang paper bag na iyan. Hindi ka ba nangangawit? Kung ipabigay mo na lang kaya sa isa sa mga kaibigan niya?"

Gusto niyang siya ang personal na magsauli niyon dahil gusto niyang magpasalamat dito. Pero parang nakalimutan na nga siya nito. Baka bale-wala lang dito ang isang gabing nagkasama at nagkakuwentuhan sila na tila magkaibigan. "Hindi puwede. Baka kung ano pa ang isipin ng mga kaibigan niya kung bakit nasa akin ang jacket niya."

"Kunsabagay. Pero advice lang, ha. Hintayin mo na lang na siya ang lumapit sa iyo para kunin ang jacket niya, okay?"

Lumipas ang mga araw ngunit hindi lumapit si Evan sa kanya para kunin ang jacket nito o kahit kumustahin man lang siya. Bale-wala nga lang para dito ang gabing iyon. Siguro ay nabigla lang ito sa pagkukuwento ng mga sekreto nito. Wala rin sigurong choice ito kundi ang makipagkuwentuhan sa kanya nang gabing iyon dahil sila lang dalawa ang tao roon. Pero bakit kailangan niyang masaktan dahil doon?

After a few days, na-realize niyang nami-miss niya ang Evan na nakasama niya sa madilim at nakakan-dadong production room. That Evan was funny, approachable, and sweet. Masarap itong kausap at kasama. Malayung-malayo iyon sa Evan na ni hindi man lang namamansin.

Parati na lang niyang nakikita ito na kasama ang maarteng si Diane. Naiinis siya tuwing nakikita niyang magkasama ang mga ito. Noon na siya nagsimulang magduda sa sarili. Parati na lang kasing si Evan ang iniisip niya. Napapangiti siya tuwing naaalala niya ang pinagsamahan nila nang gabing iyon. Nalulungkot siya sa pande-dead-ma nito. Naiinis siya kay Diane. There must be something wrong with her.

"Nakakainis. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako pinapansin ng lalaking iyon," himutok niya kay Gemme habang nasa bench sila sa ilalim ng puno sa loob ng campus.

"Si Evan na naman ba?" Tumirik ang mga mata nito. "Parati na lang si Evan ang bukambibig mo. Nakakahalata na ako sa iyo, ah! May gusto ka ba kay Evan?"

"Wala, 'no!" mabilis na pagtanggi niya. Napalakas pa ang tinig niya.

Sa totoo lang ay iyon din ang hinala niya tungkol sa dahilan ng mga nararamdaman niya ngunit hindi niya tinatanggap iyon. Hindi siya puwedeng magkagusto kay Evan.

"Ay, ang OA namang sumagot nito. Puwede namang hindi manigaw."

"Sorry. Eh, kasi naman ikaw. Kung anu-ano ang iniisip mo."

"Eh, kasi naman, nakakaduda na talaga iyang mga kilos mo. Parati na lang si Evan ang pinag-uusapan natin. Kapag nakikita natin si Diane, ang sama ng tingin mo sa kanya na para kang nagseselos. Ewan ko ba sa iyo. 'Nga pala, sumama ka sa akin sa party ni Celine, iyong captain namin sa pep squad. Birthday niya sa Saturday. Gaganapin sa mansiyon nila."

"Ano naman ang gagawin ko roon?"

"Ano pa, eh, di makiki-party. Malilibang ka. Para naman makalimutan mo kahit sandali si Evan."

Pinandilatan niya ito. "Gemme!"

Tumawa ito. "Kapag hindi ka sumama sa akin, ibig sabihin, may gusto ka kay Evan."

"Walang ganyanan."

Tipsy In Love [COMPLETED] #Wattys2018 Winner - The Wild Cards CategoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon