Part 7

28.7K 657 10
                                    


"ANO'NG sabi mo? Nag-drop out ka?" gulat na tanong ni Gemme kay Miles.

Tumango siya. Hinila niya ito sa likod ng registrar's office kung saan siya nag-file para sa pag-alis sa unibersidad na iyon. Hindi siya pumasok kanina dahil balak niyang umalis na sa paaralang iyon at iwasan ang sinapit na kahihiyan. Halos lahat ay kilala na siya. Kumalat sa buong campus ang tungkol sa video. Hindi lamang siya naging laughingstock nang dahil doon. Sumama rin ang imahe niya dahil sa maling pagkakaunawa ng mga tao sa mga sinabi niya habang lasing siya.

Hiyang-hiya at masamang-masama ang loob niya. Hindi lamang kasi mapanuring tingin ang inani niya nang dahil sa video na iyon. May ilang hantaran ang pang-aasar at pangangantiyaw sa kanya. May mga nanggagaya pa ng mga salitang paulit-ulit na isinigaw niya nang gabing iyon—ang "I love you, Evan! I love you forever!" Malandi raw siya upang akitin ang nobyo ng may nobyo. Nagkalat na rin ang nosyon na nakipag-one-night stand siya kay Evan at naghahabol siya rito.

Kaya kaagad niyang napagpasyahan na mag-drop out na. Tutal ay umpisa pa lang naman ng semester. Lilipat na lamang siya ng eskuwelahan. Hindi pa niya alam kung paano ipaliliwanag sa mga magulang niya ang gagawin niya. Hindi niya kayang tiisin ang kahihiyang tuwing papasok siya sa unibersidad na iyon kaya mas mabuting lumipat na lamang siya ng ibang eskuwelahan.

"Bakit?"

"Alam mo kung bakit. Kung magpapatuloy pa ako rito, maaapektuhan ang pag-aaral ko."

"Pero... iiwan mo ako?" malungkot na tanong nito na parang iiyak.

Hindi siya nakasagot. Para na rin niyang kapatid ito. Malulungkot talaga siya ngayong hindi na sila magkakasama pa.

"Magda-drop out na rin ako," biglang deklara nito.

"Gemme, huwag mong gawin iyon."

"Bakit ba? Sinira mo na rin ang image ko, 'no! Sabi nila, best friend daw ako ng babae sa video. Sasama ako sa iyo. I don't realy like this school, after all. Gusto kong lumipat sa school ni Owen. Doon na lang tayo lumipat!" Tila naging excited pa ito. Si Owen ang bagong crush nito na nakilala nito sa interschool cheerleading competition.

"Sigurado ka ba sa gusto mong mangyari?" Kilala niya si Gemme. Kapag ginusto nito ay ginagawa nito. Mayaman ang pamilya nito kaya tila bale-wala rito ang tuition fee na sasayangin nito.

Tumango ito. "Dadamayan kita, friend. Tara, uwi na tayo or better yet, mag-malling na lang tayo para makalimutan mo ang problema mo. Hindi na ako papasok sa mga next classes ko dahil bukas, magda-drop out na rin ako."

Hindi na niya napigilan ito. Tinungo nila ang kotse nito sa parking space. Pumasok ito sa loob at ini-unlock ang pinto ng passenger seat upang makasakay siya. Papasok na sana siya sa kotse nang may tumawag sa pangalan niya. Bumangon ang galit sa dibdib niya nang makitang papalapit si Evan sa gawi niya.

"Miles, can we talk?" tanong nito nang makalapit.

Naningkit ang mga mata niya. Gusto siyang kausapin nito pagkatapos siyang ipahiya nito sa buong campus? At ano ang balak nitong sabihin sa kanya? Kakantiyawan din ba siya nito? Lalaitin at pagtatawanan? Kunsabagay ay doon naman ito magaling—sa pang-aasar at pambu-bully. Kusang kumilos ang palad niya at dumapo sa pisngi nito. Halatang nabigla ito sa ginawa niya.

"Bakit mo ginawa iyon?" marahas na tanong nito.

"Ang sama-sama mo! Wala naman akong kasalanan sa iyo, ah. Bakit mo ginawa sa akin iyon?" Hindi na niya inalintana ang pagdami ng mga tao sa paligid nila.

Kumunot ang noo nito. "Ano'ng ginawa ko?"

Nagmamaang-maangan pa ito! Ang hindi nito alam ay ibinuking na ito ng nobya nito. "Siguro nga, may kasalanan ako. Kasalanan ko ang magkagusto sa iyo nang dahil lang naging mabait ka sa akin nang gabing iyon. Ang hindi ko alam, wala ka palang kuwentang tao. Hindi ka pala dapat hinahangaan. Ipinahiya mo ako sa buong school. Kinakantiyawan at nilalait nila ako nang dahil sa pagpapalabas mo ng video na iyon! Sana masaya ka na sa ginawa mo sa akin." Pagkasabi niyon ay pumasok na siya sa kotse. "Paandarin mo na, Gemme."

"You got it all wrong, Miles. Pakinggan mo muna ako," pahabol na sabi ni Evan.

Hindi na niya pinansin ito hanggang sa makaalis na ang kotse ni Gemme.

"He's a liar. Sana sinabi mo sa kanya na ibinuking siya ng girlfriend niya para nakita natin kung paano siya matameme," ani Gemme nang makalayo na sila.

She was right from the start about Evan. Siguro ay hindi totoo ang lalaking nakilala niya sa madilim na production room. Ang totoong Evan ay ang thirteen years old na binatilyong mahilig maglaro, mambuska, at magpaiyak. Pumatak ang mga luha niya. Hindi niya akalaing pagkatapos ng maraming taon ay muli siyang mapapaiyak nito...

Tipsy In Love [COMPLETED] #Wattys2018 Winner - The Wild Cards CategoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon