Prologue

19.7K 222 24
                                    

NOTE: Upang inyong maintindihan ang ilang pangyayari at tauhan sa kwentong ito ay nararapat lamang na inyong basahin ang book 1. May nakapost dito sa aking Wattpad account ngunit hindi iyon kumpleto. Para sa kumpletong version ng ENCHANTED ACADEMY (Book 1) ay maaari kayong makabili nito sa ilang leading bookstores katulad ng National Bookstore at Precious Pages sa halagang 99.95 pesos. Maraming salamat po!





PROLOGUE

ALAM ni Helena na isang malaking pagkakamali na bumalik pa siya dito sa Erkalla at iniwan niya sa mundo ng mga tao ang kanyang asawa na si Matias at ang isang taong gulang nilang anak na si Kanika. Ngunit iyon ay kanyang ginawa lamang para protektahan ang dalawa. Para sa kanya, mas makakabuti kung siya na lamang ang magtutungo dito sa Erkalla.

Walang saplot na nakahiga sa isang malapad na bato si Helena. Nakapalibot sa kanya ang lahat ng Osoru o angkan ng mga salamangkerong itim. Nakikita niya ang reyna at hari ng mga ito na sina Serafina at Revero na kapwa may malalaking ngiti.

Nanghihina na si Helena. May malalim siyang hiwa sa magkabila niyang pulso. Ang dugo na lumalabas sa kanyang sugat doon ay sinasalo ng isang banga na yari sa ginto.

Mahigit dalawang taon din na tahimik silang nanirahan ni Matias sa mundo ng mga tao. Ganoon na lamang ang kanilang tuwa nang matapos ang isang taon nilang pagsasama ay nagdalantao na siya. Masayang-masaya sila noon dahil sa wakas ay nagbunga na rin ang kanilang pagmamahalan. Hanggang sa magluwal na siya ng isang babaeng sanggol na pinangalanan nilang Kanika. Nagkita rin silang muli ni Nimfa at ito pa nga ang naging ninang ng kanilang anak.

Ang buong akala nila ay wala nang katapusan ang kanilang masasayang araw. Oo, binalaan sila ni Calvin noon ngunit lumipas ang dalawang taon ay wala namang Osoru ang gumambala sa kanila. Naging kampante sila ni Matias at doon sila nagkamali.

Kanina, habang mag-isa siya sa kanilang kubo dahil pinapaliguan ni Matias si Kanika sa ilog ay dumating si Rushka at ang ilang kawal ng mga Osoru. Sinabi nito na kailangan niyang bumalik sa Erkalla upang buhayin ang kanilang alteza na si Prosfera. Lumaban siya ngunit nagapi siya ng mga ito. Nang maramdaman niya na pabalik na sa kanilang kubo ang kanyang mag-ama ay nagdesisyon na lang siya na sumama sa mga ito. Nangangamba siya na baka kapag nakita ng mga ito sina Matias at Kanika ay madamay pa ang dalawa.

Mahal na mahal niya ang kanyang mag-ama at handa siyang ibuwis kahit ang sariling buhay para sa mga ito.

Dinala siya nina Rushka sa gubat kung saan naroon ang mga Osoru. Agad siyang dinala sa silid kung saan nakahimlay si Prosfera. Alam niya na oras na mabuhay ang alteza ay magkakaroon na ng kapangyarihan ang mga Osoru para magapi at mapasakamay ang buong Erkalla. Ngunit buhay ng kanyang asawa at anak ang nakasalalay dito. Naniniwala pa rin siya na hindi hahayaan ng Lumikha na manaig ang kasamaan sa kabutihan. Iyon na lamang ang kanyang pinanghahawakan.

Nang mapuno na ang banga ng dugo ni Helena ay binuhat na iyon ng isang babaeng Osoru. Iniabot niyon ito kina Haring Revero at Reyna Serafina.

“Nakuha na natin ang dugo ng hinirang! Ngayon, mangyayari na ang matagal na nating inaasam-- ang pagkabuhay ng ating alteza na si Prosfera!” Puno ng kasiyahan na pahayag ni Haring Revero.

Hindi na maramdaman ni Helena ang kanyang sarili ng mga sandaling iyon. Nakatingin na lang siya sa kawalan. Patuloy pa rin ang pagkawala ng dugo mula sa kanyang mga sugat. Nanghihina na siya at alam niya na iyon na ang kanyang katapusan.

Sayang… Nanghihinayang siya dahil hindi man lang niya makikitang lumaki si Kanika. Sasaglit lang siyang naging ina dito. Ngunit alam naman niya na hindi ito papabayaan ni Matias.

Kitang-kita ni Helena mula sa nanlalabo niyang paningin ang paglapit ni Haring Revero sa himlayan ni Prosfera. Ibinuhos nito ang kanyang dugo sa buong katawan ng alteza.

Handa na siyang harapin ang kanyang katapusan nang mula sa kung saan ay may tumawag sa kanyang pangalan.

“Helena!” tila nabuhayan siya ng loob nang marinig niya ang boses ni Matias.

Nagkagulo ang lahat sa pagdating nito. Hinarang ito ng ilang kawal ngunit walang nagawa ang mga ito sa kapangyarihan ng kanyang asawa. Walang nakapigil dito sa paglapit sa kanya.

“M-matias…” Tawag niya dito. Pilit siyang ngumiti kahit nahihirapan na.

“Helena, a-anong ginawa nila sa iyo? Bakit ka sumama sa kanila?” umiiyak na tanong ni Matias sa kanya. Panay ang haplos nito sa maputla na niyang mukha.

“G-ginawa ko ito para sa inyo ni… Si Kanika? Ang anak natin?”

“Ibinigay ko siya sandali kay Nimfa. Nang makita kong magulo sa ating kubo ay alam ko agad na kinuha ka ng mga Osoru kaya--”

Nagtaka si Helena nang hindi na naituloy pa ni Matias ang pagsasalita nito. Halos mabaliw siya sa pag-iyak nang makita niya si Haring Revero sa likod ni Matias. May hawak itong espada na nakatarak sa likod ng kanyang asawa.

“Isang pakialamerong Ligero!” Galit na turan ng hari.

Nang hugutin nito ang espada sa katawan ni Matias ay bumulwak ang dugo sa bibig nito. Niyakap siya ni Matias. Kahit nag-aagaw-buhay na ito ay binuhat pa rin siya nito. Kapwa sila nabuwal sa malamig na sahig. Nakadapa siya sa ibabaw ni Matias.

“Mahal na mahal kita, Helena…” Madamdaming turan nito sa kanya.

“Mahal na mahal din kita, Matias…” sagot niya.

Hanggang sa maramdaman niya ang pagtarak ng espada sa kanyang katawan. Tumagos ang talim ng espada hanggang sa katawan ni Matias.

Unti-unting ipinikit ni Helena ang kanyang mga mata nang maramdaman niyang hindi na humihinga ang kanyang mahal na asawa…

Enchanted Academy (Book 2)Where stories live. Discover now