Chapter 13

1.7K 58 1
                                    


HAMIR’S POV

“ANG husay ko, 'di ba? Kahit ako ang huli, nagawa ko pa rin naman! Sa totoo lang, nagpahuli talaga ako para nasa akin ang lahat ng atensyon!” Pagmamalaki ni Kiko habang kumakain kami ng aming pananghalian sa kantina dito sa Enchanted Academy.

Napasuntok naman sa hangin si Cyrus. “Oo nga, 'no? Sayang! Ang galing ng iyong taktika, Kiko. Kung nagpahuli rin sana ako, ako ang mapapansin ng mga babae na naroon pa na naghihintay sa labas ng silid-aralan ni Gurong Hipolito! Iba ka rin pala dumiskarte!” Inakbayan ni Cyrus si Kiko na napansin ko ang biglaang pamumula ng mukha.

Napailing na lamang ako sa aking sarili sa pakikinig sa pagyayabang ni Kiko. E, kung alam lang niya na ako ang dahilan kung bakit siya nakalabas kanina ng silid-aralan ng aming guro sa mahika. Siya na lang kasi ang natitirang estudyante na hindi pa nakakagawa ng pagsubok ni Gurong Hipolito. Nakasilip ako no’n sa bintana at nakikita ko sa pagmumukha ni Kiko na hindi niya kayang baguhin ang kulay ng tubig. Pinagpapawisan na siya ng oras na iyon. Halatang hirap na hirap siya kahit na pangkaraniwang mahika lamang ang baguhin ang kulay ng tubig. Napaka simple lamang niyon na kahit batang salamangkero ay kayang gawin. Ngunit si Kiko ay iba, hindi niya talaga kaya.

Kaya naman ako na ang gumawa ng paraan. Tinitigan ko ang basong kanyang hawak at tahimik kong inusal ang katagang “agua colorum”. Kahit bahagya akong malayo sa baso ay nagawa ko pa ring baguhin ang kulay niyon. Kulay asul. Hindi ako sigurado kung iyon ang kulay na iniisip ni Kiko pero wala na naman siyang pagpipilian. Ako ang dapat purihin pero ayos lamang kahit hindi na. Ganti ko na lamang iyon sa nagawa kong kasalanan sa kanya-- iyong pagnakaw ko sa kanyang sisidlan ng mga gamit.

Ginawa ko lang naman iyon dahil wala akong masyadong gamit na dala dito sa Enchanted Academy.

Mahirap ang aking pamilyang kinalakhan. Ang totoo niyan ay hindi naman ako tunay na anak ng magulang na nagpalaki sa akin. Napulot lamang nila ako noon na umiiyak sa kakahuyan. Mag-isa lang daw ako at takot na takot. Naawa ang mag-asawang iyon sa akin at dahil wala silang kakayahan na magkaroon ng anak ay inampon nila ako.

Salat kami sa karangyaan bagaman at ang realidad ay wala namang salamangkerong yumayaman dahil malaking bahagi ng aming kinikita ay ibinibigay namin sa mga namumuno sa Erkalla-- ang lahi ng mga Osoru. Kaming mga mideo o pangkaraniwang mamamayan ay nagtatrabaho para sa kanila… para sa diyos namin na si Alteza Prosfera. Ngunit ayon sa kwento ng aking kinalakhang magulang ay hindi naman ganoon ang Erkall dati. Matiwasay daw ang kanilang pamumuhay noong ang mga salamangkerong puti o lahi ng mga Ligero pa ang namumuno sa Erkalla. Nagapi lamang ang Ligero ng Osoru sa isang digmaan kaya napunta sa kamay ng mga Osoru ang Erkalla. Malayong-malayo na raw ang Erkalla noon sa ngayon.

At dahil na rin sa kahirapan ay natuto akong gumawa ng masama. Katulad ng pagnanakaw ng gamit, pera o kung ano man na mapapakinabangan ko. Nagiging madali sa akin na gawin ang pagnanakaw dahil sa gumagamit ako ng mahika. Sa murang edad ko, sa hindi malamang dahilan na kahit ang nagpalaki sa akin ay hindi rin alam, marunong na akong gumamit ng mahika.

Ganunpaman, kahit marunong na ako sa mahika ay pinili ko pa rin ang mag-aral dito sa Enchanted Academy. Gusto ko pa ring mas maging mahusay na salamangkero paglabas ko dito. Gusto kong magkaroon ng malakas na kapangyarihan nang sa gano’n ay may kakayahan na akong hanapin kung sino ang tunay kong mga magulang. Iyon ay upang mabuo na ang aking pagkatao. Hindi ko alam kung sinadya ba nila akong iwanan o hindi pero wala na akong pakialam doon. Ang nais ko lang ay makilala sila. Iyon lang at wala nang iba pa.

May bagay naman ako na sa tingin ko ay galing sa kanila. Nang mapulot ako ng mga nagpalaki sa akin ay may suot akong kuwintas na may magandang palawit. Binuksan nila ang palawit na iyon at sa loob ay may nakalagay na litrato ng isang babae at isang lalaki. Hindi nila kilala ang mga salamangkerong iyon kaya hindi nila ako naibalik sa tunay kong mga magulang. Malakas din naman ang aking pakiramdam na ang nasa loob litrato ay ang aking tunay na ina at ama. Kaya naman palagi kong dala ang naturang kuwintas. Hindi ko nga lang isinusuot sa aking leeg pero nakatago naman sa aking bulsa. Baka sakaling makita ko sila o kaya ay makasalubong, agad kong ipapakita sa kanila ang kuwintas na iyon upang aking makumpirma kung sila nga ba talaga ang aking ama at ina.

Enchanted Academy (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon