Chapter 05

2.3K 78 10
                                    


KANIKA’S POV

“MALAYO pa ba? Parang kanina pa tayo naglalakad pero wala naman tayong patutunguhan, e,” tanong ko kay Leya. Kanina pa kasi kami naglalakad pero parang wala pa akong nakikitang ibang tao.

“Bakit? Pagod ka na ba?”

“Tinatanong ko kung malayo pa ba? At oo, medyo napapagod na ako. Kung may pakpak lang din sana akong katulad mo, 'di ba? Hindi sana ako mapapagod. Hindi mo pa ako pwedeng bigyan ng pakpak?”

“Hindi ko kayang gawin iyon, Kanika. Hindi mo ba alam na nakakapagod din ikampay ang mga pakpak baka akala mo! Isa pa, huwag kang mag-alala dahil malapit na tayo.”

Sana lang ay totoo ang sinabi ni Leya na malapit na kami sa aming pupuntahan. Aba! Ang sakit na kaya ng paa ko. Naka-tsinelas lang ako. Kung alam ko lang na maglalakad kami sa kagubatan, nagsuot sana ako ng rubber shoes. Hindi naman kasi ako in-inform nitong si Leya.

Hanggang sa huminto kami sa harapan ng dikit-dikit na puno. Dead end na.

“Nandito na tayo!” Masayang wika niya.

Luminga-linga ako sabay kamot sa ulo. “Ha? Seryoso ka ba? Paano tayo makakadaan dito kung may mga nakaharang na puno? 'Wag mong sabihin na pagkakasyahin natin ang mga sarili natin sa puwang ng mga dikit-dikit na puno, ha? Dahil kahit ikaw na maliit na ay hindi kakasya diyan. Ako pa kaya?”

“Masyado kang nanghuhusga agad, Kanika! Ang mundo ng Erkalla ay mahiwaga. Kaya huwag ka nang magugulat sa iyong makikita. Lalong-lalo na ang mga nilalang dito ay may kapangyarihan. Baka manibago ka!”

Sa sinabing iyon ni Leya ay may naalala ako sa aking nakaraan. Ang totoo kasi niyan ay hindi na bago sa akin ang makakita ng mahika. Noong bata kasi ako, siguro pitong taon pa lamang ako noon, may isang batang lalaki akong nakilala na unang nagpakita sa akin ng totoong salamangka…

Mag-isa lang akong nagpunta sa ilog. Kakatapos lang ng bagyo kaya malakas ang agos ng tubig. Magandang magpaanod ng bangkang papel. Marami akong ginawang bangkang papel at isa-isa ko iyong pinaanod sa ilog. Sinusundan ko ang mga iyon hanggang sa tuluyan na silang lamunin ng tubig.

Ngunit ang huling bangkang papel ko ay sumabit sa sanga ng nakatumbang puno sa ilog. Gusto ko sana na umandar pa iyon kaya naman kumuha ako ng patpat at sinundot ang bangka. Sa kasamaang-palad ay nadulas ako at nahulog sa ilog. Inanod ako. Hindi ako makasigaw dahil sa nilalamon ako ng tubig.

Takot na takot ako. Ang akala ko ay katapusan ko na nang makita kong hahampas ako sa malaki at matulis na bato pero hindi nangyari iyon. Bigla akong umangat mula sa tubig. Namangha ako nang makita kong binabalot ako ng kulay asul na liwanag. Nakita ko na isang batang lalaki na kakaiba ang kasuotan ang nakataas ang dalawang kamay at nakatapat sa akin. Umiilaw din kulay asul ang kanyang mga kamay at tila ba siya ang kumokontrol sa akin.

Maingat at dahan-dahan niya akong ibinaba sa lupa malapit sa kanya.

“Sa susunod mag-iingat ka, bata! Muntik ka nang mamatay dahil sa hindi mo pag-iingat!” sabi niya sa akin.

“Ikaw ba ang may gawa niyon?” Imbes na matakot ay tanong ko pa sa kanya. Sunud-sunod siyang tumango. “Wow! Magic! Ang galing!” Napapalakpak pa ako.

“Magic? Ano iyon?”

“Power. Kapangyarihan! Magician ka ba? O anak ka ng magician? Turuan mo naman ako, o!”

“Hindi ko masyadong maintindihan ang sinasbi mo.”

“Ay! Muntik ko nang makalimutan. Salamat nga pala, ha. Niligtas mo ako. Ako nga pala si Kanika. Ikaw, anong pangalan mo?” Inilahad ko ang aking kamay pero tiningnan niya lang iyon. Nang mangalay ako ay ibinaba ko na lang ulit. Wala pala siyang balak makipag-shake hands sa akin.

Enchanted Academy (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon