Chapter 18

1.5K 61 5
                                    


KANIKA’S POV

MASAKIT para sa akin na nasaktan ko si Jareth sa pag-amin ko na hindi ko siya mahal at kaibigan lang ang tingin ko sa kanya. Hindi man niya sinabi pero naramdaman ko, nakita ko sa mga mata niya na nasaktan siya. Pero masaya pa rin ako dahil hindi naman siya nagalit sa akin. At upang maiba ang mood namin ay inaya ko siyang magpunta kami sa silid ni Prosfera dito sa Enchanted Academy. Noong una ay ayaw niya pero nang biglang dumating si Hamir at sinabi nito na siya ang sasama sa akin ay biglang nagbago ang isip ni Jareth. Sumama na rin siya sa amin ni Hamir.

Hindi ko maintindihan ang aking sarili pero sa tuwing iniisip ko na si Hamir iyong lalaki sa aking panaginip ay kinikilig ako nang palihim. Ibig bang sabihin nito ay may nararamdaman ako sa kanya? Parang ang bilis naman. Mula sa pagiging aso’t pusa, heto ako at kinukwestiyon ang sarili ko kung gusto ko ba siya. Sabagay, ang nararamdaman naman ng isang tao ay nadedevelop lalo na’t magkasama kayong dalawa palagi.

Nang nasa loob na kami ng silid ni Prosfera ay isang pilyang ideya ang pumasok sa aking utak. Magpapahulog ako sa upuan habang kunwari ay kumukuha ako ng aklat. Kapag si Jareth ang unang makakapagligtas sa akin, ibig sabihin bibigyan ko siya ng chance. Pero kapag si Hamir naman, ibig sabihin ay may gusto nga ako sa kanya talaga.

At nang gawin ko iyon ay si Hamir ang naunang sumalo sa akin nang sadya kong ihulog ang sarili ko sa upuan habang ako ay nakatuntong doon. Sinalo niya ako agad at kilig na kilig ako habang tinititigan niya ako sa mata. Para bang sinasabi niya na mahal niya ako. Pero naantala ang moment namin na iyon nang may maramdaman kaming paparating!

Mabilis kaming nagtago sa ilalim ng kama. Bago pa man makapasok ang paparating ay nakapagtago na kaming tatlo. Halos hindi na kami humihinga nang bumukas ang pinto at sumara iyon. May narinig kaming yabag ng mga paa. Huminto iyon sa tabi ng kama.Ang nilalang na iyon ay nakasuot ng panlalaking sapatos!

“Mukhang wala naman sila dito…”

Nanlaki ang mga mata ko nang magsalita ang lalaking dumating dahil kilala ko ang boses na iyon. “Si Cyrus,” muwestra ko kina Hamir at Jareth.

Kung ganoon, hindi naman pala namin kailangang magtago. Si Jareth lang naman pala iyon. Wala kaming dapat ikabahala.

Palabas na sana ako sa aming pinagtataguan nang bigla akong hawakan ni Hamir sa braso. Umiiling siya na parang sinasabi niya na huwag akong lumabas. Nginitian ko siya. Marahan kong inalis ang kamay niya mula sa pagkakakapit sa akin. Sumenyas ako sa kanya na okay lang.

Tuluyan na akong lumabas sa ilalim ng kama at nakita ko nga si Cyrus na nakatalikod sa gawi ko. “Cyrus! Anong ginagawa mo dito? Pa’no ka nakapasok, e, nakakandado ang pinto?” tawag ko sa kanya na agad niyang ikinalingon.

“Kiko. Nandito ka lang pala. Alam mo bang kanina pa kita hinahanap?” aniya at lumapit siya sa akin. Hindi ko alam pero parang ibang Cyrus ang kaharap ko. Araw-araw ko siyang nakakasama kaya masasabi ko agad kung may iba sa kanya.

Ah, baka may problema lang siya kaya parang iba ang tingin ko sa kanya. O baka naman katulad ni Evrio ay inlove din.

Pero nagtaka ako sa sinabi niya. “Paano mo nalaman na nandito ako? At bakit mo ako hinahanap?”

Mahinang tumawa si Cyrus. “Ah! Iyon ba? Ang totoo niyan ay kanina pa ako nakasunod sa inyo ni Jareth. Nang magpaalam kayo matapos nating kumain ay sinundan ko na kayo,” sagot niya.

“Sinundan mo kami nang hindi man lang sinasabi sa amin?” Parang kinakabahan na ako dahil baka hanggang doon sa may balete ay sinundan niya kami. Kung ganoon ay narinig niya ang lahat ng pinag-usapan namin.

“Dahil iyon ang aking tungkulin. Tungkulin na iniatas sa akin ng alteza na si Prosfera. Ang totoo niyan, hindi naman ako estudyante dito. Marami na akong kaalaman sa mahika para mag-aral pa ako niyon dito.”

Enchanted Academy (Book 2)Where stories live. Discover now