Chapter 17

1.6K 62 10
                                    


JARETH’S POV

WALANG pagsidlan ang kaba sa aking dibdib habang hinihintay ko ang kasagutan ni Kanika. Aaminin ko, wala sa plano ko ang pag-amin ng aking nararamdaman sa kanya kaya lang ay nadala na ako sa bugso ng aking damdamin. Sa takot ko na baka mapalapit nang husto si Kanina kay Hamir ay nasabi ko na sa kanya ang aking nararamdaman.

Hindi pa rin nagsasalita si Kanika. Nakatingin lang siya sa aking mata. Nabigla ko siya, alam ko iyon.

“Kanika, kahit ano ang iyong kasagutan ay irerespeto ko. Nais ko lang din talagang malaman ang iyong kasagutan…” untag ko sa kanya.

Gumalaw ang labi niya. “Jareth, g-gusto kong maging matapat sa iyo. Wala akong nararamdaman sa iyo kundi isang kaibigan lamang. At ang gusto ko sana ay manatili tayong ganoon habangbuhay. Nakikita kita bilang kapatid kong lalaki, isang malapit na kaibigan. Patawarin mo ako--”

“Huwag kang humingi ng tawad. Ang sabi mo nga, ikaw ay naging matapat lang. Huwang kang mag-alala, masakit ngunit iyon ay aking tatanggapin. Ayoko naman na ipilit sa iyo ang aking sarili. At sana, huwag maapektuhan ang ating pagkakaibigan sa ginawa kong pag-amin sa iyo.”

Tumango siya. “Oo naman. Tayong dalawa ay magkaibigan pa rin. Ikaw ang unang naging kaibigan ko nang dumating ako dito bukod kay Leya kaya ikaw ay napakahalaga sa akin, Jareth. Asahan mo na kung ano tayo noong una ay ganoon pa rin tayo hanggang huli.”

Niyakap ako ni Kanika. Gumanti naman ako ng yakap sa kanya pero ako na rin ang naunang kumalas. “Tunay ngang ikaw ay nararapat na tawaging hinirang at itinakda. Busilak ang iyong puso, Kanika,” sabi ko sa kanya.

“Naku, nambola ka pa! Basta, ang hiling ko ay makatagpo ka ng babaeng kayang suklian ang pag-ibig mo, Jareth. Maloko ka pero alam kong isa kang mabuting tao. Alam ko iyon…”

“Salamat. Pero may katanungan lang sana ako. May nagmamay-ari na ba ng iyong puso? May napupusuan ka na bang lalaki?”

Hindi agad nakasagot si Kanika. Tila ba nag-iisip pa siya. Mataman lang siyang nakatingin sa akin habang hinihintay ko ang kanyang pagsagot.

“Sa totoo lang, naguguluhan talaga ako ngayon. May isang lalaki na parang gusto ko na pero kapag naiisip ko ang tungkulin ko bilang itinakda ay umuurong ang puso ko. Sa ngayon, parang wala pa akong karapatan na umibig. Tungkulin muna bago ang puso. Tama naman ako, 'di ba?”

Tinanguhan ko ang sinabi niya. Pero parang kilala ko ang lalaking kanyang tinutukoy. “Tama ka naman. Ikaw ang inaasahan ng lahi ng Ligero at ng Erkalla. Ikaw ang inaasahan namin dahil ikaw ang nasa propesiya na papatay kay Prosfera. Alam kong magagawa mo iyon, Kanika. Malaki ang tiwala ko sa iyo. Oo nga pala, kailan ang iyong kaarawan? Hindi ba’t ang sabi sa propesiya kapag ikaw ay nasa labing walong taon ay saka mo mapapatay ang alteza ng mga Osoru?” tanong ko sa kanya.

“Sa makalawa na pala ang aking birthday este kaarawan. Ibig sabihin iyon ay nalalapit na talaga ang katapusan ng pagrereyna ni Prosfera dito sa Erkalla!”

“Tama ka. Maibabalik na rin ang dating payapang Erkalla…”

“Ngunit ako ay nalulungkot pa rin dahil hindi kayo parehas ng nararamdaman…” singit ni Leya na lumipad at umupo sa kanang balikat ni Kanika.

Magsasalita pa sana ako nang may bigla akong narinig na boses sa loob ng aking ulo. Tinatawag niyon ang pangalan ko at ni Kanika. Hindi ako maaaring magkamali. Tinig iyon ni Calvin. “Naririnig mo rin ba ang boses ni Calvin?” Mahinang tanong ko kay Kanika.

Tumango siya. “Oo, Jareth. Gusto niya tayong kausapin. Ang galing! Maaari niya pala tayong makausap sa pamamagitan ng isip lamang!” manghang bulalas niya.

Enchanted Academy (Book 2)Where stories live. Discover now