Chapter 04

2.4K 80 2
                                    


KANIKA’S POV

WALANG patid ang pag-agos ng luha sa aking mga mata matapos kong makita kung paano namatay o mas tamang sabihin ang kung paano sila pinatay. Hindi ako makahinga ng maayos dahil sa labis na kalungkutan at pagluluksa na lumulukob sa buo kong pagkatao ng sandaling iyon.

Hindi makatao ang pagpatay sa kanila at alam kong hindi nila deserve ang ganoong uri ng kamatayan!

Oo, alam kong patay na ang aking mga magulang pero hindi ko naman akalain na ganoon ang kanilang naging kamatayan. Ngayon ay hindi ko na rin alam kung alam ba ni Ninang Nimfa ang pangyayaring iyon.

Parang gusto kong makaharap ang mga taong pumatay sa kanila at ako mismo ang maghihiganti para sa kanila. Sa isang iglap ay binalot ng galit at poot ang aking puso.

“Dinakip ng mga Osoru ang iyong ina dahil siya ang itinakdang bubuhay kay Prosfera. Ang dugo niya ang kailangan ng mga ito. Nagtagumpay sila at matapos nilang mapakinabangan ang iyong ina ay pinatay din nila ito kasama na ang iyong ama…” Malungkot na pahayag ni Leya.

Ikinumpas niya ang kanyang daliri at para akong binugahan nang malakas na hangin sa bibig. Napasinghap ako at humugot ng malalim na paghinga. Pakiramdam ko ay matagal akong nakalubog sa tubig. Napubo ako nang sunud-sunod.

“Hayop sila!” Sa wakas ay nagawa ko nang makapagsalita.

Napabangon ako habang nakatukod ang dalawang kamay sa magkabila kong gilid. Pinagpapawisan ako sa labis na galit. Napakalakas ng pagtibok ng aking puso na para bang sasabog na ang aking dibdib.

“Walang kasing sama ang mga Osoru, Kanika. Lalong-lalo na ang kanilang diyos na si Prosfera. Binago nila nang husto ang dating mapayapang Erkalla. Napuno na ito ng kalupitan at kadiliman! Ang hari at reyna at ang mga nabuhay na Ligero sa digmaan ay nagtatago na ngayon sa madilim na gubat. Doon kami nananahan. Binigyan namin ng proteksyon ang kakarampot na lugar na iyon upang hindi kami matagpuan ng mga Osoru. Alam kasi namin na hanggang ngayon ay hinahanap nila ang mga nakaligtas na Ligero.”

Mataman akong tumingin kay Leya. “At ano ang magagawa ko para sa mundo ng aking ina at ama?” tanong ko. Hindi pa rin bumabalik sa normal ang tibok ng aking puso.

“Malaki ang magagawa mo para sa Erkalla, Kanika. Malaki ang magiging bahagi mo sa pagbabalik ng dating Erkalla. Noong nakaraang araw ay isang propesiya ang nakita ng pinakamahusay namin na manghuhula-- si Oscar. Aniya, ang anak nina Helena at Matias ang siyang papaslang sa alteza na si Prosfera. Nang dahil daw sa sanggol na iyon ay muling maibabalik ang kapayapaan sa Erkalla. At ikaw iyon, Kanika. Lahat ng bagay na iyan ay mangyayari kapag tumuntong ka na sa edad mong labing walo.”

“Ilang buwan na lamang at sasapit na ang aking ika-labing walong kaarawan, Leya…” Bumaba ako ng aking higaan. Nakakuyom ang aking mga kamao. “Ang Prosfera na sinasabi mo ay ang demonyong nabuhay dahil sa dugo ng aking ina. Tama?”

“Tama ka, Kanika.”

“Sige. Ngayon din ay sasama ako sa iyo sa Erkalla. Iharap mo ako sa Prosfera na iyon at ako mismo ang papatay sa kanya!”

“Ngunit hindi iyon maaari. Kailangan mo ng sapat na kapangyarihan upang siya ay iyong magapi. Kahit ang hari at reyna ay hindi iyon nagawa. Sa pagkakaalam ko ay may plano para sa iyo ang hari at reyna upang mapalakas mo ang nakatago mong kapangyarihan. Malalaman mo iyan kapag sila ay iyo nang nakausap. Pero, natutuwa ako dahil sasama ka na sa akin sa tunay mong tahanan upang tuparin ang iyong tungkulin!”

“Oo, Leya. Sasama ako sa iyo. Pero nais ko munang makausap ang aking ninang. Gusto kong makapagpaalam ako sa kanya nang maayos bago ako umalis. Naging malaking bahagi siya ng aking buhay. Sa kanya ako hinabilin ng aking mga magulang. Hindi na siya iba sa akin.”

Enchanted Academy (Book 2)Where stories live. Discover now