Chapter 02

3.1K 88 4
                                    

CALVIN’S POV

MATAMAN akong nakatingin sa dalawang ibon na nakakulong sa hawla. Nasa tabi ng bintana ng aking silid ang hawla ng ibon. Ang isa ay kulay asul at ang isa ay rosas naman. Masayang lumilipad-lipad ang dalawang iyon na para bang kaylaki ng hawla na kanilang kinaroroonan kahit sa totoo lang ay hindi naman iyon ganoon kalaki. Para bang ang laki ng kanilang mundo. Sapat nang silang dalawa lang ang magkasama.

Nakakainggit sila…

Naiinggit ako sa dalawang ibon na aking inaalagaan sapagkat kahit nakakulong sila’y masaya naman sila. Ngunit ako? Katulad nila ay nakakulong din ako. Nakakulong ako sa tungkulin ko bilang hari ng Erkalla.

Oo, ako na ang hari ng buong Erkalla simula nang mapasakamay ito ng Osoro labing anim na taon na ang nakakaraan.

Labing anim na taon na ang nakalilipas nang matagumpay na nadakip ng mga Osoru ang hinirang na bubuhay sa alteza-- si Helena. Matagumpay naming nakuha ang dugo ni Helena na siyang bubuhay sa alteza. Ngunit, tutol ako sa bagay na iyon bagaman at wala naman akong magagawa. Ako laban sa buong Osoru. Aaminin ko, naging duwag ako. Matapos nga iyon ay muling nabuhay ang alteza at naging kapalit niyon ang kamatayan ni Helena at ni Matias. Isa ako sa saksi sa pagpaslang kina Helena at Matias ngunit wala akong nagawa. Nakakalungkot lang na dati akong protektor ni Helena ngunit hindi ko siya naprotektahan sa sitwasyon na kailangan niya ako.

Sa muling pagkabuhay ng alteza namin na si Prosfera ay nagkaroon na ng lakas ng loob ang Osoru na lumabas ng kagubatan at magdeklara ng digmaan laban sa mga Ligero. At dahil na rin sa lakas ng pwersa ng aming lahi ay nagapi ang lahi ng mga salamangkerong puti. Pero namatay sa digmaan na iyon ang aking ama na si Haring Revero kaya naman ako ang pumalit sa kanyang naiwanang trono. Napasakamay na namin ang buong Erkalla habang ang mga iilang nabuhay na Ligero ay nagtatago na ngayon sa kung saan. Ang mga Osoru na ang namumuno ngayon sa buong Erkalla.

Bagaman at ako na ang hari ng Erkalla ay hindi ko pa rin iyon maramdaman. Nakakulong ako sa mga utos at pamumuno ng aming alteza. Siya pa rin talaga ang aming sinusunod dahil diyos ang tingin sa kanya ng lahat. Sino ba naman ang magtatangkang kalabanin ang pinaka makapangyarihang nilalang ngayon dito sa Erkalla? Wala. Lahat ay may takot kay Prospera.

Ang buhay ko ay umiikot na lamang sa pamumuno sa Erkalla. Para akong ibon na nakakulong sa isang hawla. Walang kalayaan. Nangungulila ako sa datin ako. Iyong mga panahon na una kong nakilala si Helena. Aaminin ko, umibig na agad ako sa kanya sa una pa lamang naming pagkikita ngunit pinigilan ko iyon dahil alam kong hindi niya ako gusto. Si Matias ang kanyang gusto. Nakita ko iyon sa mga mata niya nang una niyang makita ang Ligero na iyon. Sa kabila ng lahat ay nagpaubaya ako, nanatili pa rin ako bilang kanyang protektor. Kahit masakit ay nagparaya ako, mas pinili ko ang kaligayahan ni Helena at iyon ay sa piling ni Matias kahit na kinailangan kong pagtaksilan ang aking sariling lahi.

Ipinilig ko ang aking ulo upang iwaksi ang mga isipin na iyon na lalo lamang nakakapagpadagdag sa aking kalungkutan. Nakaraan na iyon at wala na akong magagawa upang mabago iyon.

“Calvin…”

Awtomatiko akong napalingon sa aking likuran nang marinig ko ang pagtawag na iyon ng aking ina na si Serafina. Sa pagkawala ng aking ama ay nawala na rin sa kanya ang trono bilang reyna. Kaya naman mas nahihirapan ako dahil wala akong katuwang sa pamumuno sa buong Erkalla.

“Ina…” sinalubong ko siya sa pamamagitan ng paghalik sa kanyang pisngi.

“Paumanhin kung ako ay pumasok sa iyong silid nang walang pahintulot. Nakita ko kasing nakabukas ang pinto kaya ako ay pumasok na. Nakaabala ba ako sa iyo, anak?”

“Hindi naman. Wala iyon, ina. Wala rin naman akong ginagawa. Ikaw ay maaaring pumasok sa aking silid kahit anong oras na iyong naisin.”

Masuyong hinaplos ng aking ina ang aking pisngi. “Ang aking anak, hari na ngunit hindi pa rin nagbabago. Katulad ka pa rin noong ikaw ay binatilyo pa lamang.”

Enchanted Academy (Book 2)Where stories live. Discover now