Chapter 11

1.8K 68 8
                                    


KANIKA’S POV

KALMA na kaming lahat. Nakapwesto na kami sa kanya-kanya naming kama. Pero masama pa rin akong nakatingin kay Hamir. Prenteng-prente siya sa kanyang pagkakahiga. Hindi man lang ako nakatanggap ng sorry mula sa kanya. Grabe talaga ang ugali ng lalaking iyon! Sayang. Gwapo sana kaya lang magnanakaw. Saka, bakit hinahayaan ng pamunuan ng Enchanted Academy ang katulad niya dito? Dapat hindi sila nagpapapasok ng magnanakaw dito. Paano na lang ang seguridad at kaligtasan ng mga nag-aaral dito, 'di ba?

Hay, ewan! Mukhang wala na rin naman talaga akong magagawa kundi ang pagtiisan na kasama ko si Hamir sa iisang kwarto. Hindi ko na lang siguro siya papansinin. Iisipin ko na lang na apat lang kami dito. Parang tatlo nga lang. Kasi iyong isa ay parang may sarili namang mundo. Ako, si Jareth at Cyrus lang yata ang magiging magkausap lang dito.

Maya maya ay may kumatok sa pinto ng aming silid. Ako na ang tumayo para pagbuksan iyon. Isang matabang babae ang bumungad sa akin. Parang ang sungit ng mukha niya kasi hindi man lang siya ngumingiti.

“Sino po sila? Ano po ang kailangan niyo?” Magalang kong tanong.

Isang papel ang inabot niya sa akin. “Ito ang oras ng inyong pagpasok. Nakasulat din sa papel na iyan ang oras at kung sino ang magiging guro niyo. Iwasan niyo ang mahuli sa klase ng tatlong beses. Dahil sa ikatlong beses ay papatawan namin kayo ng parusa! Nagkakaintindihan ba tayo?”

“Ah, e… opo--” Hindi pa man ako tapos magsalita ay naglaho na siya sa aking harapan.
Napailing na lang ako. Grabe talaga ang mga tao dito. Bigla-bigla na lang na naglalaho. Sana ganoon din sa mundo ng mga tao para kapag may hindi ka gustong makausap tapos kinukulit ka pa rin niya, maglalaho ka na lang. Ang astig siguro kapag ganoon!

“Ano 'yan?” bumangon si Cyrus mula sa pagkakahiga at nilapitan ako.

“Dito daw nakasulat iyong oras ng mga klase natin saka kung saang guro tayo papasok. Mukhang iisa ang schedule nating lima. Talagang hindi tayo nito magkakahiwa-hiwalay,” turan ko.

Nagulat ako nang biglang kumawala ang papel sa aking kamay at kusa iyong dumikit sa dingding. Wow… magic na naman! Sabagay, dapat na talaga akong masanay sa mga ganitong bagay. Baka kapag palagi akong nagugulat kapag may kakaibang nangyayari ay makahalata na sila sa akin na hindi ako lumaki dito sa Erkalla. Deadma na lang dapat ako sa mga mahika.

Pabalik na sana ako sa aking higaan nang isang malakas na tunog ang aming narinig. Parang tunog ng malaking kampana. Sinundan iyon ng pagsasalita ng isang babae. “Lahat ng estudyante ng Enchanted Academy ay inaanyayahan sa kantina upang kumain ng inyong pananghalian. Maraming salamat…”

Wow! At talagang may oras pala ang pagkain dito, ha. Hindi pwedeng kumain ka ng sa oras na gusto mo. Talagang madidisiplina kaming lahat dito.

Tumayo na kaming lahat pero parang gusto ko munang maligo. Parang ang lagkit kasi ng pakiramdam ko. Pinawisan kasi talaga ako kanina nang husto nang habulin ko si Hamir. Ang bwisit talaga na iyon at naalala ko na naman!

“Ah, mauna na kayo. Maliligo lang ako nang mabilis. Parang ang lagkit kasi ng katawan ko. Hindi ako kumportable,” sabi ko sa kanilang apat nang palabas na kami ng aming silid.

“Gusto mo bang hintayin na lamang kita? Papaunahin ko na lang silang tatlo,” tanong ni Jareth.

Umiling ako. “Huwag na, Jareth. Kaya ko na ang sarili ko. Saka mabilis lang naman ako. Susunod na lang agad ako sa inyo doon. Saka mukhang gutom ka na, e. Una ka na rin.”

Kumibit-balikat siya. “Sige. Bilisan mo lang, ha. Hihintayin ka namin sa kantina.”

Tinanguhan ko na lang si Jareth at umalis na silang apat. Isinara ko ang pinto. Pagpasok ko sa banyo ay nakita kong kumpleto na pala lahat doon. May sabon, shampoo at ilang gamit sa panligo katulad ng panghilod na bato at may tuwalya na rin. Lima. Tig-iisa kami. Grabe talaga dito sa Enchanted Academy. Wala na nga kaming binabayaran tapos parang hotel pa ang dormitoryo nila. Iba din talaga!

Enchanted Academy (Book 2)Where stories live. Discover now