Chapter 1

71.7K 3K 705
                                    

Dumating ang mga pulis ilang minuto matapos silang tawagan ng kapitbahay para rumesponde. Kahit na hatinggabi na ay maraming tao ang nakiusyoso, halos paligiran na ang bahay namin para lang makita kung anong kaganapan sa loob. Nahawi lang nang itaboy ng mga pulis at lagyan ng linyang harang ang paligid ng bahay namin.

Ang mga kapitbahay namin ay tinatanong kung anong nangyari. Nakikita ko sa mga mata nila ang kagustuhan na ikwento ko sa kanila ng buo. Alam kong may ideya na sila, naririnig ko sa usap-usapan pero gusto pa rin nilang malaman ang buong kwento.

Nakatulala lang ako sa kanila, hindi alam kung anong nangyayari. Hindi alam kung anong gagawin. I was surrounded by my neighbors, trying to make me spill the story. Hanggang sa kinuha ako ng mga pulis at pinaghintay sa isang ambulansya na nandoon.

Sinubukan kong hanapin ang kapatid ko sa kumpol ng mga tao at nakita kong kasama s'ya ni Aling Lucia na s'yang tumawag sa mga pulis. Kahit na malayo ay kitang-kita ko sa kanya walang muang na mga mata ang kalituhan sa mga nangyayari ngayon.

Mas lalong umingay ang paligid, ang mga bulong ay hindi na naging bulong, nang lumabas ang mga paramedic mula sa bahay namin, dala-dala ang stretcher na may puting kumot sa anumang nakalagay doon. Kita ko pa ang mga mantsa ng dugo na bumakat sa puting kumot.

Si Papa...

Sunod na lumabas si Mama, inaalalayan ng mga pulis. Wala sa sariling napatayo ako mula sa pagkakaupo sa ambulansya at naglakad papunta kay Mama. Nakita n'ya ako pero bago pa ako makalapit sa kanya ay hinarangan na ako ng mga pulis.

"Mama! Mama!"

Napatingin sa akin si Mama. Napansin ko kaagad ang mga bagong pasa sa mukha n'ya. Ang buhok ay magulo at ang ilang mga hibla ay nakawala sa pagkakaipit. Halata rin sa pisngi n'ya ang mga marka ng mga natuyong luha.

Bumaba ang tingin ko sa mga kamay n'yang puno ng dugo. Maging sa mga braso ay mayroon din pero natuyo na. Napansin ko na nakaposas ang mga kamay n'ya.

"Reyziel!" dinig kong tawag n'ya sa akin kaya napatingin ulit ako sa mga mata n'ya.

Ang mga pulis ay pilit s'yang hinihila at tinutulak para magpatuloy sa paglalakad pero pinipigilan n'ya para makausap ako.

"Reyziel! Ikaw na munang bahala kay Larissa, ha?" she said. Dinig ko ang pagkabasag sa boses n'ya. "'Wag mong pababayaan kapatid mo."

Nagsimulang pumatak ang mga luha sa mga mata ko. Nagkatunog ang pag-iyak ko lalo na nang marinig ang hagulgol ng kapatid ko 'di kalayuan sa amin. Pinipilit n'yang kumawala sa pagkakahawak ni Aling Lucia sa kanya.

"Ma... Sa'n po kayo pupunta?" humihikbi kong tanong. Nag-aalala para sa kanya.

Takot ako sa mga pulis. Ang panakot kasi sa akin ni Mama noon kapag makulit ako ay huhulihin daw ako ng mga pulis. Kaya ngayong nakikita ko silang pilit na hinihigit si Mama papunta sa police car ay mas lalong nadagdagan ang takot ko sa kanila. Nag-aalala akong baka kung anong gawin nila kay Mama.

"Sasama lang muna ako sa pulis, Reyziel. Ilang gabi muna kong 'di makakauwi," sabi ni Mama na parang okay lang ang lahat. Nakikita ko sa mga mata n'ya ang takot pero pilit na nagpapakatatag habang nakatingin sa akin.

"Ma, sasama na lang po ako sa inyo..."

"Hindi pwede ang bata doon!" may pagmamadali na sa pagsasalita n'ya nang higitin ulit s'ya ng pulis. "Si Larissa, Reyziel. Ikaw na munang bahala sa kanya."

"Mama! Mama!"

Napahagulgol ako at sinubukan s'yang lapitan pero pinigilan ako ng isa pang pulis na nandoon. Pinanood ko si Mama na naglalakad papunta doon sa kotse habang nakaalalay ang dalawang pulis na may hawak sa kanya. Hindi n'ya ako nilubayan ng tingin hanggang sa makapasok na s'ya ng kotse.

Chess Pieces Aftermath: Gray SanfordWhere stories live. Discover now