Chapter 1

4.6K 75 5
                                    

Maasim ang ngiti ni Phoenix habang nakatitig sa cake at juice na nakahain sa harap niya. Nasa sala siya sa mansion ng mga Villaviray. Ipinakilala siya dito ng Tito Mauricio niya nang nakaraang araw sa isang charity event. At nang di siya pumayag na makipag-date ay dinalaw siya nito sa bahay habang may dalang bonggang bulaklak at imported na chocolate. As if she would be impressed with that.

Kanina pa siya nakikinig sa paulit-ulit at walang kamatayang kwento ni Fred Manuel tungkol sa political history ng angkan nito. And it was not impressive enough.

Mula nang dumating siya mula sa isang expidition sa Egypt bilang archaeologist ay hindi na naubusan ng mga lalaking dumadalaw sa kanilang bahay upang manligaw. Ayaw ng kanyang Tito Mauricio na ipagpatuloy niya ang pagiging archaeologist. Kaya't ipinatawag nito ang lahat ng prospect na mapapangasawa para hindi na siya umalis. At kasama si Fred sa mga iyon.

Kailangan niyang pakiharapan itong mabuti dahil na rin sa utos ng kanyang Tito. Ayon dito, pangarap nitong magkaroon ng mamanuganging tulad ni Fred na galing sa prominenteng angkan.

"Alam mo bang ang rebulto sa harap ng plaza? Lolo ko iyon sa tuhod! Bayani ang lolo ko noong panahon ni Bonifacio," nagmamalaking kwento nito.

Pinigil ni Phoenix na maghikab. Alam na niya ang isusunod nito. Na ang tiyuhin nito ang naging dahilan kung bakit naging first class ang bayan nito. Kasunod ang plataporma nito sa susunod na eleksiyon sa pagtakbo nito bilang mayor.

Kung siya naman ang botante, nungkang iboto niya ito. Dahil sa kanya pa lang, basted na ito. Wala na ng kahahantungan ang panliligaw nito. May kasaysayan ang mga ninuno nito pero wala itong appeal sa kanya. Wala pa naman itong accomplishment na maipagmamayabang. At ayaw niya sa lalaking walang accomplishment at masaya nang magtampisaw sa pinaghirapan ng mga nauna dito.

"Uncle ko ang nag-approve sa pagkakaroon ng quarrying site kaya naging first class municipality ang bayan namin. At kapag nanalo akong mayor, itutuloy ko ang nasimulan nila."

Papatagin ko ang lahat ng bundok para mas lalo pa tayong umunlad, gusto sana niyang idugtong sa speech nito.

Naiirita at nakukulili na ang tainga ni Phoenix. Gusto niyang sisihin ang kanyang Tito Mauricio. Bakit mga walang kwenta ang pinaaakyat sa kanyang manliligaw? Wala siyang itulak-kabigin. Lahat karapat-dapat mabasted.

"Wala iyan sa boyfriend ko!" hindi mapigil niyang bulalas sa sobrang iritasyon.

"May boyfriend ka na?" hindi makapaniwalang tanong ni Fred.

"Of course! Sa ganda ko ba namang ito, mawawalan ako ng boyfriend?" pagmamalaki niya. "Boyfriend ko yata ang Napoleon of Egypt. Sikat siya. Kamag-anak ni Cleopatra."

Umismid ito na parang hindi naniniwala. "Mayaman ba siya?" tanong nitong hindi man lang na-impress na kamag-anak ng nobyo niya ang dating Reyna ng Ehipto.

"Ay, sobra! Gaya ng mga kamag-anak mo, marami siyang naipatayong structures. He even owns a pyramid."

"Pyramid?" nagtatakang tanong nito. "Pwedeng bilhin ang pyramid? As in Pyramid of Egypt?"

Niluwangan ni Phoenix ang ngiti. Tingnan lang niya kung hanggang saan ang kayabangan nito. Titiyakin niyang hindi na ito manliligaw kahit kailan.

"Yes. Ganoon siya kayaman," pagmamalaki niya.

Kumunot ang noo ni Fred sa anyong hindi pa rin naniniwala sa kanya. Sino nga ba namang tao ang kayang mag-may-ari ng pyramid? Of course, boyfriend lang niya at ang mga kamag-anak nito.

"Anong pangalan ng boyfriend mo? Baka sakaling kilala ko siya or familiar ang pangalan niya," tanong ni Fred para di gaanong magmukhang eengot-engot o hampaslupa dahil di ito aware sa mayamang taong may pag-aari na pramid.

"Thutmose III!"

"Thutmose III?" ulit nito at nakakunot ang noon na tumingala. "Hindi ko yata siya kilala."

"Okay lang. Hindi ka rin naman niya kilala."

"K-Kumusta naman ang pyramid niya?"

"Okay naman. Mukhang komportable siya doon kasama ang kanyang mga alipin. Tahimik silang namumuhay."

"Businessman ba ang boyfriend mo? O isa ring political figure. Hindi kasi nababanggit sa akin ng Tito Mauricio mo ang tungkol sa kanya. O kung ano ang trabaho niya," puno ng interes na tanong ni Fred.

"Ah, si Thutmose? Naging leader siya ng army ng Egypt. Pero bata pa lang siya, siya na ang agad ang nagmana ng trono ng tatay niya."

Nanlaki ang mata nito. "Trono? Royal blood?'"

Tumango siya sabay inom ng juice. "Maaga kasing namatay ang tatay niya na si Thutmose II. Hinawakan muna ng stepmom niya ang trono. Pero later on, naging Pharaoh na siya."

"P-Pharaoh ba kamo?"

"Oo. Iyon ang tawag sa mga hari sa Egypt."

Naguguluhan itong napakamot sa ulo. "H-Hari? Pharaoh? You mean meron pa sila noon?"

Nati-thrill si Phoenix na sagutin ang mga tanong ni Fred. "Wala na. Dati pa iyon."

"Kung ganoon, bakit pharaoh pa rin ang boyfriend mo? Kailan ba siya naging p haraoh?" usisa nito.

Tumingala siya na animo'y binabasa sa kisame ang sagot. "Around 1479 to 1426 B.C. He ruled the 18th dynasty of Egypt," kaswal niyang sabi.

Nanlaki ang mga mata ni Fred. "From 1479 to 1426 B.C.?"

Mukhang kinilabutan ito nang nakangiting tumango. She could almost see the hairs ohis body rising up to its ends. Hindi ito makapaniwala na ang tinutukoy niyang mayaman at sikat na boyfriend ay mahigit tatlong libong taon nang patay. Kung pwede nga lang ay bumulanghit siya ng tawa habang pinagmamasdan ang takot sa mukha nito.

"Actually, dadalawin ko nga siya pagbalik ko sa Egypt. Gusto mo ipakilala kita sa kanya?" tanong niya at uminom ng juice.

Namutla si Fred. Hindi na ito nakasagot at mabilis na tinungga ang juice. Mukhang kapag hindi ito nakainom ay hihimatayin ito. Iniisip tiyak nito na nababaliw na siya. Paanong magkakarelasyon siya sa isang patay na? O sa dinami-dami ng lalaki sa mundo ay isang mummied pharaoh pa ang napili niyang ariing boyfriend.

"S-Salamat na lang." Tumayo ito na parang sinisilihan sa pagkakaupo sa tabi niya. "M-mauuna na ako, Phoenix. Ikumusta mo na lang ako sa Tito Mauricio mo at s-sa boyfriend mo na rin."

"Sure! Ihahatid na kita sa labas."

"K-Kahit huwag na." Kumuha ito ng panyo at ipinahid sa mukha. Bigla itong pinagpawisan samantalang naka- aircon naman ang mansion ng mga Villaviray. "P-Pasensiya na sa abala."

"Sige, goodbye!" aniya nang lumakad na ito palayo. "Dalaw ka ulit."

Gustong magtatalon ni Phoenix sa tuwa. Sinasabi na nga ba niya't maididispatsa rin niya si Fred katulad ng mga ibang inirereto sa kanya ng kanyang tito. As usual, tagumpay na naman ang kanyang plano na itaboy sa maayos na paraan ang mga inutil niyang manliligaw. Hindi na niya kailangan pang gamitan ng dahas.

Alam niya na iniisip nito na weird siya. Iyon naman ang impresyon sa kanya ng mga kalalakihan lalo na kapag nalalaman ng mga ito ang hilig niya. Sa halip na mag-party, makipag-date o kaya ay makisalamuha sa mga tao sa normal na mundo ay mas gusto niyang mangalkal ng mga sinaunang bagay, tuklasin ang nakaraan at pagpantasyahan ang mga makapangyarihang tao sa ibang panahon.

Weird na kung weird. Mas gusto niya ito kaysa ang i-entertain ang mga manliligaw na hindi pasado sa panlasa niya. Alam naman niya na parang wala sa panahong ito ang lalaking hinahanap niya. She wanted her man strong, virile and a compassionate leader. At natitiyak niyang hindi iyon si Fred.

He was boring. So unexciting. Sa panahon ngayon, saan ba siya makakahanap ng lalaking magpapatigil sa mundo niya, magpapatigagal sa kanya, magpapabilis ng pulso niya at bubuhay sa lahat ng emosyon niya.

Natigilan si Phoenix nang makarinig siya ng palakpak mula sa kanyang likuran. Nilingon niya iyon at natigilan siya nang makilala ang nasa harap.

"V-Vance?"

"Bravo! Bravo, Phoenix! That was a nice stint," wika ni Vance na hindi namumuri subalit may kasamang sarkasmo.

Hearts Never Lie #Wattys2019  | On holdWhere stories live. Discover now