Chapter 24

1.1K 15 0
                                    

DI maiwasan ni Phoenix na makaramdam ng lungkot habang papalayo ang sinasakyan nilang bangka sa Lagen Island. Naroon ang unang archaelogical site ng El Nido - ang Leta-Leta Cave. Naramdaman na lang niya na pumapatak ang luha niya. Tapos ay suminghot na lang niya.

"Hey! What's wrong?" nag-aalalang tanong ni Vance.

"Noong 1960s pa nahukay ang yawning jar sa Leta-Leta Cave. Ilang dekada na nakaimbak sa National Museum. Dapat nabigyan din iyon ng parehong pagpapahalaga tulad ng manunggal jar na nakuha sa Quezon, Palawan. And look at this." Inilahad ni Phoenix ang palad sa magandang resort na nadaanan nila na bahagi pa rin ng Lagen Island. "Ni hindi aware ang mga turista sa kahalagahan ng lugar na ito. Mas kilala pa ang Lagen Island sa exclusive resort kaysa sa mahalagang archaeological site. Parang walang halaga ang paghihirap ng mga scholars at archaeologists. Parang walang kwenta ang kasaysayan at mga pag-aaral. Parang di sila appreciated samantalang malaking bagay ito para sa turismo ng Pilipinas."

Hinaplos nito ang likod niya at pinunasan ng palad ang luha niya. "Kaya ka nga nandiyan. Pwede mo pang mapaunlad ang archaeology kung makakasama ka sa team nila. Malaki ang maiko-contribute mo."

"You know it is not easy."

Itinaas nito ang dalawang kamay. "Right. No pressures. Bakasyon mo lang naman ito. You are just here to explore. At huwag ka nang umiyak. Look at the view. We can go kayaking tomorrow. Maraming magagandang lagoon dito. Perfect for kayaking. We can go snorkeling as well."

Umiling siya. She was too emotionally distraught. "I...I just want to rest right now." Pero ganito talaga siya kaemosyonal kapag pakiramdam niya ay hindi napapahalagahan ang kasaysayan at mga lugar ng kasaysayan.

Ihinilig nito ang ulo niya sa balikat nito at hinapit siya sa katawan nito. "Matulog ka muna. Napagod ka lang siguro."

Basa pa ng luha ang mata ni Phoenix nang pumikit. Nakatulog siya habang nakahilig kay Vance. Maya maya pa ay naalimpungatan siya. Nakatigil na ang bangka nila. "Nasa Las Cabañas na tayo?" tanong niya at luminga sa paligid.

"Hindi. Nasa Caalan tayo. May kakausapin lang ako tungkol sa motor na nirentahan natin," paliwanag nito. "Kailangan nating bumaba ng bangka."

Mabato ang bahaging iyon pero may bahagyang buhangin. But the view was spectacular. Nakahilera ang mga puno ng niyog at mga bangka. Sa tapat ng Caalan ay makikita ang sikat na Cadlao Island. Pumasok sila sa pagitan ng dalawang puno ng niyog kung saan may karatula na Gawad Kalinga Caalan Bed and Breakfast.

Sinalubong sila ng ilang kababaihan na lumabas mula sa counter ng open-air restaurant. "Engineer Pogi, napadalaw po ulit kayo. Aba! May gerlpren na po kayong kasama," sabi ng babaeng na may kalaparan ang katawan. Sa palagay niya ay nasa singkwenta na ito.

"Ako po si Phoenix. Kaibigan po ako ni Vance," pagpapakilala niya.

Tumawa lang si Vance at inakbayan siya. "Tinagalog mo lang. Girlfriend na rin naman iyon. Pumayag ka na. Nakakahiya naman sila. Baka sabihin nila na kumupas na ang kaguwapuhan ko."

Pasimple niya itong siniko. "Umayos ka nga diyan."

"Kaya pala ngayon lang ninyo kami nadalaw. Iba na ang mahal ninyo," nagtatampong sabi ng babaeng nasa mid-twenties at malaki ang umbok ng tiyan.

"Hindi ko naman kayo nakakalimutan, Monette. Kita mo nga naman. Magkakaanak ka na ulit? Ikaw nga itong ipinagpalit ako sa iba," wika ni Vance.

"Ikaw kasi e. Hinayaan mo akong makuha ng iba," sabi ni Monette at kinindatan si Vance.

Ibang klase talaga. Kahit na buntis na babae ay naaakit pa rin kay Vance.

Luminga si Vance sa paligid. "Mukhang marami nang nagbago dito."

Ipinaliwanag sa kanya ni Vance kung ano ang Gawad Kalinga. Pamilyar siya sa Gawad Kalinga dahil tumulong ang tiyuhin niya sa pagtatayo sa ibang villages nito. Iyon daw ang paraan nito ng pagtulong sa komunidad. At pili lamang ang nagkakaroon ng bahay doon. Kailangan ay may skills o kakayahan ang mga naninirahan doon nang sa gayon ay mag-thrive din ang komunidad.

Hindi niya inaasahan na may Gawad Kalinga din sa El Nido. Para sa kanya ay maswerte ang mga tao doon. They got a spectacular view. Maraming tao ang magbabayad ng malaking halaga para lang magkaroon ng ganoon kagandang view. Hindi nakakasawang pagmasdan ang Cadlao Island na nasa tapat na mistulang nakahigang berdeng gorilla.

"May mga volunteers po na tumulong sa amin para itayo ang bed and breakfast. Ang totoo po pangalawang araw pa lang namin na nagbukas ngayon kaya po wala pa kaming gaanong customer," reklamo ni Nanay Delia na siyang manager ng restaurant.

"Dito na po kami kakain," wika niya at umupo sa bakanteng mesa. "Ano po ba ang specialty ninyo?"

"Filipino food po."

"Ayun! May tinolang isda sila saka chicken curry," wika ni Vance habang tinitingnan ang menu na nakasulat sa blackboard. "Maiwan muna kita dito. Gusto ko maayos na ang tour natin para bukas."

"Okay," sabi niya at itinapik-tapik ang kamay. Muli niyang ibinaling ang paningin sa magandang view. "Walang pangit na view dito sa El Nido. Mababait pa ang mga tao. Maswerte po kayo na nakatira kayo sa paraiso."

"Ma'am, maswerte din naman po kayo kay Sir Vance. Mabait iyan. May itinayo po silang resort kaya namin sila nakilala. Parang paraiso na rin iyon," sabi ni Nanay Delia.

Muntik na siyang mapaubo. "Wala naman po kaming relasyon."

"Naku! Imposible atang tanggihan siya ng babae. Wala na kayong hahanapin pa sa kanya. Asawa ko po kasi ang isa sa trabahador niya. Wala pa po kaming bahay noon at itinatayo pa lang itong Gawad Kalinga Caalan. Nag-volunteer po siya ng oras at materyales habang nandito siya. Sa halip nga po na makipag-date, pala at semento ang ka-date niya. Hindi po siya nahihiyang gumawa ng mabibigat na trabaho kahit na mataas ang posisyon niya sa kompanya. Kaya nga po mataas ang respeto namin sa kanya," kwento nito.

"Hindi po niya naiku-kwento sa akin ang tungkol doon."

Siguro nga ay marami siyang di alam tungkol kay Vance. Pawang misconception lang ang mayroon siya dito. And she felt a bit bad. Marami kasi siyang nasabing hindi maganda tungkol dito. Akala niya ay selfish ito at sarili lang nito ang iniintindi nito. Mas marami pa itong nagawa para sa ibang tao kaysa sa kanya.

"Ma'am, sandali lang po ha? Tutulong lang po akong magluto ng order ninyo," pagpapaalam ni Aling Delia.

"Sige po."

Naglakad-lakad muna si Phoenix. Maya maya pa ay hangos na nagdatingan ang mga estudyante galing sa paaralan. Nag-ipon-ipon ang mga ito sa damuhang nasa gitna ng village. Isa sa mga ito ang may dalang bola. Nagkanya-kanyang kampihan ang mga ito at hinati ang grupo sa dalawa.

"Mga bata, football ba ang lalaruin ninyo? Pwede akong sumali?" tanong niya.

"Sasali ka pa sa mga iyan. Matanda ka na," pakli ni Vance.

"Ano ngayon? Naglalaro din naman ako ng football noong nasa Egypt ako at puro bata ang mga kalaro ko. Mahilig ang mga tao doon sa football. Halika. Sali tayo para pantay na sila," wika niya at hinatak ang kamay nito.

Napakamot ito sa ulo. "Wala akong alam sa football. Ang alam ko lang football base. 'Yung sisipain ang bola tapos kailangang makabalik ka sa base mo nang hindi ka tinatamaan ng bola ng kalaban mo. Ganon."

"Ate, Kuya, sali na po kayo," aya ng isang batang lalaki.

"Hindi natin pwedeng pahindian ang mga bata. And real men play football." Saka niya tinapik ang dibdib ni Vance.

Kumunot ang noo nito. "Sino naman ang nagsabi noon?"

"Ako," nakangisi niyang sabi.

"Totoong lalaki ako," anang si Vance na pinalaki pa ang boses.

"Kapag naka-goal ka," sabi ni Phoenix.

"Sige. Kapag naka-goal ako dapat halikan mo ako."

"Kung makaka-goal ka."

Hearts Never Lie #Wattys2019  | On holdWhere stories live. Discover now