9

1.2K 34 0
                                    

"SIYA ba ang dahilan kung bakit ginusto mo na ipagpaliban ang trabaho mo sa kompanya, Cindy?" tanong kay Cindy ng ama nang makauwi sila sa bahay nila. Kagaya ng madalas na boses ng Daddy niya ay mahinahon lang iyon. Ipinagpasalamat niya iyon. Kanina pa siya binabagabag sa magiging reaksyon nito kapag naggawa na siya nitong komprontahin sa nahuli.

Huminga muna nang malalim si Cindy bago sumagot. Nag-iwas rin siya ng tingin. Alam niya na mali ang ginawa niya. Sa loob ng halos isang buwan, nagsinungaling siya sa pamilya. Partly pala. Idinahilan niya sa mga ito na gusto sana muna niyang tapusin ang klase niya sa batch na tinuturuan niya sa YERS bago niya sundin ang gusto ng mga ito. Pumayag at naintindihan naman ng mga ito iyon. Pero ang totoo ay may iba pang dahilan---at iyon ay ang masilayan at mas makasama pa si Kit.

Bukod sa pagiging international equestrienne, nagtuturo rin si Cindy sa YERS kapag may libreng oras siya. Dahil sa ginagawa niya na iyon, madalas na nagkakaroon siya ng oras na masilayan si Kit. At sa tuwing mga oras na tapos na ang klase niya, nagagawa nilang kahit papaano ay magtago upang magkasama. Sa paglipas ng mga araw ay lalong napalapit sila sa isa't isa. Naging mas matindi ang damdamin niya rito. At alam rin niya na sooner o later ay malalaman rin ng lahat ang tungkol sa nangyayari. Sa tingin ni Cindy ay ngayon na ang pagkakataon na iyon. Nahuli na rin naman ng kanyang ama ang pangyayari. Sino ba naman kasi ang hindi makakahalata na may relasyon ang dalawang tao kapag nakita mo ang dalawang tao na magkasabay dumating mula sa ibang lugar? Mabuti na lang at kaibigan na nila ngayon ni Kit ang guard at sa kabila ng lahat, hindi ito nagsasalita sa mga nakikita tungkol sa kanilang dalawa.

Tumango si Cindy. "Isa siya sa mga dahilan, Daddy."

"At anong klaseng lalaki siya?"

"Tatanggapin ko po kung magagalit kayo sa akin. P-pero mahal ko na siya. Gusto ko siya sa kabila ng alam ko na katayuan niya sa buhay..." sinubukan ni Cindy na tumingala sa ama upang makita ang reaksyon nito. Ngunit kagaya ng kanina, mahinahon pa rin iyon. Gusto ng magdiwang ni Cindy, pero dahil alam niyang hindi pa tapos ang kanilang pag-uusap, kailangan niya na pigilan ang sarili.

"Hindi ko alam ang mararamdaman ko, Cindy..."

"Hindi niyo ako pinalaki na matapobre, Daddy. Kaya gusto ko na umasa na matatanggap niyo siya. Isa pa, kahit ganoon si Kit ay college graduate siya." Ikinuwento niya sa ama ang tungkol sa buhay ni Kit. "Naniniwala ako na mabait si Kit, Daddy. May future siya. Kung bibigyan lang siya ng oportunidad ay magiging maganda ang buhay niya."

"Pero Cindy..." tinitigan siyang mabuti ng kanyang ama. Pagkatapos ay bumuntong-hininga ito. "Prinsesa ka namin, Cindy. At siyempre, gugustuhin ko rin na makapunta ka sa tamang tao. Sa isang prinsipe, kung maaari. I want the best for you. And this guy, I don't think he is the right man for you."

Hindi nakapagsalita si Cindy. Inaasahan na naman niya iyon. Hindi ba't si Kit ay ganoon rin ang nararamdaman? Pero mahal na niya si Kit. Gusto niya ang nararamdaman niya kapag nagkasama sila. Kung paglalayuan sila ng mga magulang niya, sa tingin niya ay hindi niya makakaya iyon.

Hinawakan ng ama ni Cindy ang balikat niya. "Look, Anak. Bata ka pa.. Marami ka pa na makikitang ibang lalaki----"

"I'm turning twenty five this week, Daddy. Alam ko ang nararamdaman ko. Si Kit ang gusto ko! Mahal ko siya! Sa kanya ko lang nararamdaman ang masarap na pakiramdam. Wala kayong dapat pagdudahan sa nararamdaman ko. Ganoon rin kayo dapat sa kanya. Nasa tamang isip na ako. Sa tingin niyo ba ay hahayaan ko na lokohin ako ng isang tao? Mararamdaman ko iyon kung sakali man. Pero hindi. Kagaya ko, mahal rin ako ni Kit."

"Pero hindi ko papayagan na sa isang lalaki na may pamumuhay na kagaya ka lang niya mapunta, Cindy."

"Kung ganoon, nagkamali ako ng pagkilala sa inyo, Daddy..."

Kahit inaasahan ni Cindy na magiging ganoon ang reaksyon ng kanyang pamilya, masakit pa rin na malaman na ganoon nga talaga ang damdamin ng mga ito. Pero hindi na kaya ni Cindy na basta sumunod na lang sa kanyang pamilya. Tama na ang pumayag siya sa gusto ng mga itong itigil na niya ang career niya bilang equestrienne.

Napakasama ng loob niya sa kanyang pamilya. Kailangan na ni Cindy na gumawa ng paraan upang maipaglaban ang minamahal niya.

My Cinderella Prince (COMPLETED)Where stories live. Discover now