12

1.2K 42 0
                                    

INASAHAN na ni Cindy na pumasok siya sa opisina kinabukasan ay pagpipiyestahan siya ng mga tao. Nagkaroon siya ng malaking event at sanay na siya na kapag ganoon ay piyesta ang magiging pag-uusap. Isama pa na isa na siya ngayon sa pinakamataas na tao sa kompanya. May tendency na dahil sikat ka, ikaw palagi ang pag-uusapan ng mga tao. Parang mundo lamang ng showbiz. Pero hindi kagaya ng inaasahan ni Cindy, iba ang kanyang narinig.

"Crush mo rin siya? Kainis ka!" narinig niyang pag-uusap ng dalawang babaeng OJT na nadaanan niya sa hallway papunta ng kanyang opisina.

"Kung maiinis ka sa akin, aba mag-isip-isip ka rin muna dahil maiinis ka rin sa kalahati ng female population ng kompanyang ito. Unang araw pa lang kaya niya last week eh narinig ko na crush na rin siya ng lahat ng Ma'am ko sa department namin,"

"Kainis naman. Marami na kaagaw. Pero hindi rin naman natin masisisi sila. Guwapo naman talaga si Sir. Haay, excited na akong makalapit sa kanya. Sana utusan ako ni Ma'am na magpapirma sa kanya kahit isang beses lang para naman kahit papaano, makapag-interact kami sa isa't isa." Dreamy na wika ng isang babae.

Napakunot noo si Cindy. Mukhang may bago sa opisina. Ilang araw rin na hindi nakapasok si Cindy sa opisina dahil na rin sa mga rehearsals ng party niya kaya huli na rin siya sa balita. Na-curious siya sa naririnig pero pinilit niya na balewalain iyon. Hindi maganda para sa reputasyon niya ang maging tsismosa. At ano kung guwapo iyon? Hindi siya naghahanap ng lalaki dahil alam niya na sooner or later ay hahanapan na rin naman siya ng kanyang ama. Mas maigi ng sumunod na lang siya sa kung sino ang gusto ng mga ito para sa kanya para hindi na maging kagaya ng dati ang drama niya. Ayaw na ni Cindy ng gulo, lalo na sa pinagdadaanan niya sa buhay ngayon. Kamamatay lang ng Kuya niya. Hindi na niya kailangan pa ng kahit anong problema, kaya nga mas pinili niya na iwan na lang rin si Kit.

Pagdating niya sa mismong opisina ay naging napakaganda ng bati sa kanya ng sekretarya niya. Kagaya ng pinag-uusapan kanina ay na-curious rin si Cindy kung bakit ganoon. Hindi madalas na masaya ang sekretarya niya. Pero sa isip-isip ni Cindy ay baka kagaya ng mga OJT ay baka isa ito sa mga sinasabing kaahati ng female population na nahulog na ang loob sa bagong empleyado. Hindi na lang niya pinansin ito at nagtuloy sa loob ng kanyang opisina. Marami pa rin siyang kailangang pagtuunan ng pansin dahil tambak ang kanyang trabaho. Gusto man niya na mahawa sa kasiyahan ng mga ito, kung ang kahaharapin naman niya ngayon ay ang trabaho, alam rin niya na mawawala rin iyon agad.

Kahit tatlong taon na ang nakalilipas simula nang iwan ni Cindy ang dating buhay, hindi niya pa rin maggawa na sumaya. Hindi pa rin niya gusto ang buhay niya. Pero wala siyang choice. Lalo na ngayong iniwan pa siya ng Kuya Eric niya. Mas bumigat pa nga ang mga responsibilidad niya at mas malala iyon sa ngayon dahil na rin sa ilang beses niyang pagliban sa opisina. Tinutulungan pa rin naman siya ng kanyang ama dahil hati sila sa trabaho na iniwan ng kanyang Kuya niya bilang COO ng kompanya pero kulang pa rin iyon para kay Cindy. Walang kahit anong magpapaalis sa ngayon ng bigat ng dinadala niya.

Ngunit pakiramdam ni Cindy ay nagkamali siya nang pumasok sa loob ng opisina. Natagpuan niya sa kanyang lamesa ang isang magandang bouquet ng bulaklak. May naramdaman siyang saya sa kanyang dibdib. Tila sumaya ang pakiramdam niya. Gumanda ang simula nang araw niya lalo na nang sinubukan niyang kuhanin iyon at samyuin.

Nagustuhan ni Cindy ang bulaklak. Sa totoo lang ay gusto talaga niya ang mga bulaklak. Nagbibigay ng masayang pakiramdam iyon sa kanya. Pakiramdam niya kapag binibigyan ang isang babae ng bulaklak ay espesyal ito sa kung sino man ang nagbigay noon. Isama pa na napakaganda ng mga bulaklak ng natanggap niya ngayon. Lumabas siya ng opisina at nagtanong sa sekretarya.

"Ang suwerte niyo, Ma'am," sa halip na sagutin kung sino ay tila kinikilig pa ito.

"Bakit naman?"

"Eh kasi, galing po 'yan doon sa bagong empleyado na usap-usapan rito. Kahit ako nga po ay kinilig kahit hindi naman sa akin ibinigay ang flowers. Ang mahalaga sa akin, kahit papaano ay nagkausap kami,"

Kumabog ang dibdib ni Cindy. Ni hindi niya pa nakikilala ang bagong empleyado na iyon ay nabigyan na siya agad ng flowers? At para saan iyon?

"A-anong puwesto niya sa kompanya? Kilala ko ba siya?"

"Nasa administrative division po siya. Siya po ang bagong head. Mr. Guevarra po ang alam ko. Hindi ko lang po sure kung anong unang pangalan pero parang nagsisimula po sa letter "K"."

Namutla si Cindy. Alam niya na hindi pa siya sigurado pero may isang tao lang ang pumapasok sa isip niya kapag naririnig ang salitang Mr. Gueverra. Isama pa na dahil sa nangyari sa kanyang birthday, sariwa pa sa isip niya si Kit.

Malaki ang ipinagbago nito sa mga nalipas na taon. Guwapo ito noon pero sa gabi nang kaarawan niya ay mas lalo pa itong gumwapo. Kung si Kit nga ang tinutukoy ng sekretarya at ng iba pang empleyado sa kompanya, hindi nga nakakapagtaka na pagkaguluhan ito. At kung binigyan siya nito ng flowers...

"H-hindi. Hindi maaari. Josie, please don't tell me his first name is Kit."

Nanlaki ang mata ng sekretarya ni Cindy. "Kit nga po, Ma'am. Mr. Kit Guevarra!"

Sa sagot ng sekretarya ay nabitawan ni Cindy ang mga bulaklak na hawak. Anong nangyayari at tila nagbabalik si Kit sa mundo niya?

My Cinderella Prince (COMPLETED)Where stories live. Discover now