13

1.2K 41 0
                                    

PAKIRAMDAM ni Kit ay nagkaroon siya ng enerhiya nang malaman na kailangan niyang bumaba at ang mabilis na paraan para makarating sa area na iyon ay ang pagdaan sa hallway kung saan matatagpuan ang opisina ni Cindy. Dahil alam niya na ngayon ang balik nito sa opisina, umaasa siya na kahit papaano ay masisilayan niya ito. Kanina pa siya sa totoo lang umaasa na makikita ito. Hindi siya masyado na makapag-concentrate sa trabaho dahil iniisip niya ito.

Kumusta si Cindy? Nagustuhan ba nito ang bulaklak na ibinigay niya rito?

Alam naman ni Kit na hindi magiging madali para kay Cindy ang lahat. Kaya nga sa kabila ng pang-iiwan nito sa kanya sa gabi ng party nito ay ito siya...sinusubukan pa rin na kuhanin ang loob nito. Hindi gustong sumuko ni Kit. Lalo na ngayong kailangan niyang makumbinsi lang si Cindy at magiging ayos na ang lahat para sa kanilang dalawa.

Dumating si Kit sa hallway pero nawala lahat ng ngiti at saya sa dibdib niya nang makasalubong niya ang janitor dala ang garbage kit nito. Dahil malaki ang ibinigay niya na bulaklak kay Cindy at puno na ang garbage plastic na dala ng janitor, nakalitaw ang ilang parte ng bulaklak. Nakilala niya agad na iyon ang ibinigay niya kay Cindy.

"S-sigurado ba kayong pinapatapon ang mga bulaklak na 'yan, Manong?" natanong pa ni Kit sa janitor.

"Nasa basurahan po, Sir, eh."

Tumango-tango si Kit kahit sa loob-loob niya ay parang may kumurot sa puso niya. Oo, alam niya na hindi magiging madali pero masakit para sa kanya.

Pero kailangan mo na pagdaanan ito, Kit. Pagkatapos ng lahat, mas masakit ang pinagdaanan niya kaysa sa pinagdaanan mo. Iniwan mo siya, bulong ng isang bahagi ng utak ni Kit at sumang-ayon naman siya roon.

Umalis na ang janitor sa harapan niya pero nakatigil pa rin si Kit. Gusto niyang silipin si Cindy. Ang kahit kausapin man lang ito, tanungin kung bakit nito naggawa iyon. Gusto niyang makipag-ayos kay Cindy. Iyon nga ang dahilan kung bakit nandoon na siya sa kompanya ng pamilya nito. Kung bakit bumabalik siya sa buhay nito.

Iyon na ang oras para magkaayos sila. Iyon na ang oras para sa pag-iibigan nilang dalawa ni Cindy. Umaasa si Kit na sana, hindi pa huli ang lahat.

"Sayang ba?" ang mga salitang iyon ang nakapagpagalaw muli kay Kit. Hindi niya malilimutan ang boses na iyon.

Lumingon si Kit. Nagulat pa siya nang makitang nakatayo sa likuran niya ang babaeng iniisip. "Cindy..."

"Well, nararapat lang naman 'yun sa bulaklak. Dahil kagaya noon, sayang rin ang nakaraan natin. Ibinasura ko na rin kasi ganoon rin naman ang ginawa mo sa akin noon," puno ng pait na sabi ni Cindy.

"Hindi ko gusto na maramdaman mo iyon, Cindy. Hindi---"

"Pero naramdaman ko. Iyon ang pinaramdam mo sa akin. Paanong hindi? Iniwan mo na lang ako basta. Alam ko na mali rin naman ang nangyari noon. Pero ang kahit maggawa mo na i-break sa akin iyon nang maayos. Ang maramdaman ko na kahit papaano ay may pakialam ka rin sa akin...Ni hindi ka man lang nagpakita noon, nagpaliwanag. Nag-antay ako sa 'yo pero pinaasa mo lang ako." pumikit si Cindy sandali at nagsalita muli."Hindi ko alam kung ano ang dahilan mo at naisip mo pa na bumalik sa buhay ko, Kit. Pero huwag ka ng mag-aksaya pa ng oras kung gusto mo na makipag-ayos sa akin. Dahil hanggang ngayon, ramdam ko pa rin ang sugat ng nakaraan."

Lumambot ang puso ni Kit, lalo na nang makita niya kung gaano kadilim ang mukha ni Cindy. Inaasahan na niya iyon. Pero kahit inaasahan, kagaya kanina ay hindi niya pa rin na maiwasan na masaktan. Hindi niya gustong makita na nasasaktan si Cindy. Kaya nga pinili niya na lumayo.

Huminga nang malalim si Kit. "Naiintindihan ko. Hindi naman kita minamadali. Hindi kita pinipilit. Sa ngayon. Pero determinado ako na maayos ang kung ano man ang nasira noon."

"Puwes kung ganoon, hindi ako."

Hinawakan ni Kit si Cindy. Nabigla ito sa ginawa niya at kahit siya ay nabigla rin sa naggawang aksyon. Pero alam niya na kailangan niya na gawin iyon para makumbinsi ito. Alam niya na nagkamali siya. Pero nasa tama rin siya. Maraming masisira at masasaktan kung sakaling pinagpatuloy nila ang kung anong mayroon sila noon. Maaaring nahirapan silang dalawa, lalong-lalo na si Cindy pero para sa ikabubuti ang lahat. Umaasa si Kit na kapag naggawa niyang ipaintindi iyon kay Cindy ay magiging maayos rin ang lahat. Pero hindi pa ngayon. Mahirap na pagpapaliwanagan iyon. Isama pa na marami siyang bagay na ikonsidera pa.

Maiintindihan ba nang madali ni Cindy ang lahat? Matatanggap ba nito ang nangyari sa kanyang buhay, lalo na kapag nalaman nito na pinakialaman rin ng pamilya nito ang desisyon niya?

Maaaring malaki na si Cindy. Dapat ay mature na ito kaysa sa dati. Pero iba-iba ang isip ng tao. Minsan, hindi umaakma sa edad ang takbo ng isip ng mga ito. Kagaya ng nangyari kay Cindy noon. Ngunit hindi niya ito masisisi. Masyado lang rin naman itong nadala sa damdamin. Kahit siya ay ganoon rin...kung hindi lang siya napigilan.

Kung nangyari ang plano noon, malamang ay wala siya sa kung ano ngayon. Maaaring masaya sila ni Cindy pero hindi iyon magiging lubos. Dahil wala iyong basbas, dahil hindi kagaya dati ay wala siyang maipagmamalaki kay Cindy. Maaaring maggawa nito ang gusto nito ngunit maaaring ang mangyari ay hindi ang nararapat para rito.

Siya na mismo ang nagsabi kay Cindy na prinsesa niya ito. Ang kailangan nito ay ang buhay ng isang prinsesa. Ang buhay na hindi niya maibibigay rito noon pero ngayon ay kaya na niya. Kung bibigyan lang siya muli nito ng pagkakataon...

"A-anong ginagawa mo? Bitawan mo ako!" saway ni Cindy sa ginawa niya.

Pero hindi nagpatinag si Kit. Unti-unti pa siyang lumapit rito hanggang sa maisandal niya ito sa pader ng hallway. Mabuti na lang at walang dumadaan sa paligid kaya hindi agaw eksena. Pero kung may makakita man, wala na rin pakialam si Kit. Mabuti nga iyon ng malaman na may kakaibang nangyayari sa pagitan nila ni Cindy. Makakabawas man iyon sa babaeng nagkakagusto sa kanya sa opisina dahil na rin sa kaalaman na may kakaiba sa kanila ng boss, wala iyon kay Kit. Pagkatapos ng lahat, si Cindy lang naman talaga niya ang gusto niya.

"Hindi talaga, Cindy? Pagkatapos ng gabi sa party mo? Kung kailan sinabi mo na mas mahalaga sa 'yo ang nararamdaman mo.... na sa tingin ko ay nararamdaman mo rin sa paglalapit pa lang natin na ito?" nanunuksong tanong ni Kit.

Namula ang mukha ni Cindy. Pilit na pumalag ito. Sandaling hindi niya ito pinayagan dahil gusto niya na magkalapit sila. Hindi pa rin talaga nawawala iyon. At ramdam niya na ganoon rin si Cindy.

"Don't deny it, Cindy. Dahil ramdam ko na kagaya ko ay may nararamdaman ka pa rin sa akin."

Natigilan si Cindy sa ginawa niya. Alam niya na nasabi niya ang nasa dibdib niya. Pero totoo naman iyon. Ayaw niyang maging kagaya ni Cindy na nagpipigil.

Mahal niya pa rin si Cindy at gagawin niya ang lahat para makuha ito. Kahit paulit-ulit pa siya nitong saktan at tanggihan. Pagkatapos ng lahat, tama lang iyon para sa kanya sa ginawa niyang pagpapaasa rito tatlong taon na ang nakakaraan.

My Cinderella Prince (COMPLETED)Where stories live. Discover now