The One Year Ago

54.4K 884 155
                                    

Prologue

Kung mayroong mukhang sinasabi nilang "could launch a thousand ships," mata lang ni Jessie ang katapat ng thousand na yun para lumubog. 

Second year ako nang una akong matitigan ng mga matang iyun. Nakauniporme pa ako, puting polo na may logo ng school sa bulsa. Black pants. Leather shoes. 

Sa CR yun. Recess. Pagkatapos kong magwiwi, pumunta naghugas ako ng kamay. Naghuhugas na rin siya ng kamay niya, nang napansin ko siya sa salamin, nakatingin sa akin. Tumingin din ako. Tinitigan niya ang mata ko. Papangiti na ako nun eh, pero binawi ko. Parang hindi iyun ang gusto niyang makita.

Hindi ko alam ang dapat mararamdaman. Hindi ko pa alam ang pangalan niya noon. Hindi pa kami magkakilala, pero ang tingin niya, parang naging bahagi na ako ng ala-ala niya. Para matapos na, ngumiti na lang ako at tumalikod.

Nakadalawang hakbang na siguro ako nun, papalabas na ng CR nang maramdaman ko ang bigat ng kamay niya sa balikat ko. Itinalikod ako ng kamay at pagkaharap ko sa kanya, itinulak niya ako sa pader. 

Nagulat ako sa mga nangyayari. Umihi lang ako, naghugas ng kamay, ngumiti. Tapos ngayon, may lalaking nakadagan sa akin. Tinutulak ako sa gilid ng pader.

Nandiri ako dahil kahit tiles iyun, pader pa rin iyun ng CR ng lalaki. Amoy pa lang nun dumidikit na, paano ngayong ako pa ang nakadikit sa mga naninilaw na nitong tiles.

Pero mas nanaig ang takot ko nang umangat ang paa ko sa sahig at naramdaman ko ang sakit ng pagkakadagan ng malaking lalaking ito sa katawan ko.

Lumapit ang mukha niya sa aking mukha. Nararamdaman ko ang init ng kanyang paghinga sa aking pisngi. Hindi ko na naisip mandiri sa lugar, mas natakot na lang ako sa ginagawa niya sa akin.

Nakikita ko rin ang pag-aalinlangan niya sa kanyang ginagawa hanggang sa parang nakapagdesisyon na siya ng mararamdaman sa akin. Galit. Ngumiti lang naman ako, bakit naman nanlilisik ang tinging ibinabalik niya sa akin.

"Huwag na huwag mo kong ngingitian!" banta niya.

Binitawan niya ako napaupo ako sa sahig. Napaupo ako sa sahig ng cr ng lalaki sa eskwelahan. Dahil mas pinili kong ngumiti. 

Ang lakas ng kaba ko noon. Gusto kong umiyak. Takot, hiya, hindi ko alam. Kabadong-kabado ako. Ayokong lumabas ng cr.

Lumipas ang buong araw na iyun na hindi ko nauunawaan kung Ano ang nangyari. Bakit may masasamang tao sa mundo? At bakit ako ang naging biktima ng kasamaan nila? Ang mga tanong na ito ay umabot sa pagtulog ko. Naging bangungot ng bawat gabi ko ang mukha ng lalaking iyun, na nakilala ko rin sa pangalang Jessie.

At simula pa lang iyun.

Third year highschool ako nang tinigilan ako ni Jessie. Hindi pala tinigilan, nang mawala si Jessie. Third year kasi ako nang gr-um-aduate siya ng highschool. Natapos na ang araw na natatakot akong tumuntong sa gate ng school kasi baka nag-aabang siya, o lumabas ng klase pag recess kasi baka hinihintay niya ako. Nagkaroon nga ako ng UTI, dahil siguro sa pagpipigil ng ihi dahil ayoko nang bumalik sa CR, kahit saang CR man iyun ng paaralan. Tumigil na ang mga araw ng takot.

Pero hindi tumigil ang mga bangungot. Napapanaginipan ko pa rin si Jessie.

Entrance exam naman para sa college nang muling bumalik ang bangungot. Fourth year na ako, kasama ang mga kaklase ko sa pangarap kong university. Syempre, lalabas ng eskwelahan, civilian kami. Yung iba kong kaklase, bago pa ang damit, napaaga yata ang mga pamasko nila. Ako, simpleng white shirt, maong at rubber shoes. Mukha kaming hindi higschool, pero dahil isang pulutong kami, alam na ng mga tagadoon na magkakaklase kami. Sa pagturo nila sa isang dormitory, may nakita akong isang multo. Hindi pala multo, halimaw. Si Jessie.

Oh Boy! I Love You!Where stories live. Discover now