Chapter 5

28 3 0
                                    

"KAKAinis talaga! Kakainis! Ni hindi man lang nagsorry nung nakita ako!" pabulong na reklamo ni Fea kay Arriane nang maupo siya sa kama ng kaibigan. Nakasandal siya sa sementong pader kung saan nakadikit ang double deck na higaan. Kitang kita sa mahinang ilaw mula sa katabing lampshade na nakapatong sa table ang mamula-mula niyang pisngi dahil sa pagkayamot.

"Sigurado ka bang dito nakatira si Kaka?" mahinang tanong ni Arriane matapos maikuwento ni Fea ang mga pangyayari simula nang magtagpo ang landas nila ng kulot na lalaki. Maingat na isinabit ni Arriane sa mga hook na nakadikit sa sementong pader ang working uniform niya na itim na pants at itim na collared-longsleeve, katabi ng uniform ni Fea na kulay gold naman ang pang-itaas, at itim naman ang fitted pants.

"Hindi ako sigurado kung dito talaga nakatira si Kaka-asarrr!" pinanggigilan ni Fea ang maliit na teddy bear ng kaibigan.

"Shhh... 'wag masyado malakas ang boses," paalala ni Arriane habang nagsusuot ng pajama. "Tulog na yung mga kasama natin."

"Ah, sorry," bulong na sagot ni Fea sabay sulyap sa dalawang dalagang kasama nila na tila ba mahimbing na ang tulog sa double deck na nasa kabilang dulo ng kuwartro. Mag-aalas dose na ng madaling araw at tahimik na ang paligid. Tanging ang paanas na ingay na lamang ng pag-uusap ng magkaibigan ang maririnig. Ngunit sa laki ng silid, tila ba hindi nakakaistorbo ang mahina nilang pag-uusap.

"Eh, ayun nga," patuloy niya sa mahinang tinig. "Ano naman kasi ang gagawin ni Kaka dito sa building sa ganitong oras kung hindi sya dito nakatira di ba?"

"Malay mo may binibisita lang. Baka naman may jowa sya dito?" madulas na humagod sa sahig ang mahabang pajama ni Arriane nang lumapit siya kay Fea.

"Jowa, jowa. Ang malas ng jowa nya!" gigil niyang bulong.

"Hay nako. Wag mo ngang pag-tripan yang si teddy ko," tumayo si Arriane sa gilid ni Fea at namaywang. "Sige na, umakyat ka na dito sa 2nd floor at mag-sleep na tayo. May pasok pa bukas," tinapik-tapik ni Arriane ang itaas ng double deck kung saan natutulog si Fea. "Yallah!" Hurry up.

Pumwesto ang magkaibigan sa kanilang higaan. Kasabay ng pagpatay ni Arriane sa lampshade, ipinikit na rin ni Fea ang kaniyang mga mata. Pilit inaalis sa isipan ang mukha ng lalaking kulot na nang-aasar hanggang sa kaniyang pagtulog.

Kinabukasan, matapos tumawag sa Pinas para kumustahin ang pamilya, tamad na bumangon si Fea sa kaniyang higaan. Hindi siya nakatulog ng maayos dahil sa madalas na paggising kung kaya't pakiramdam niya'y kulang ang kaniyang pahinga.

Mabagal siyang naglakad patungong kusina. At doon, naabutan niyang naghuhugas ng pinggan ang kaibigang si Arriane at naggagayat naman ng mga gulay ang ka-roommate nilang si Grace.

"Uy mamaya ha?" sabi ni Grace kay Fea sa mabilis na sulyap habang naghihiwa ng sibuyas. Ang bilugan niyang mata ay naniningkit dahil sa luhang nagbabadyang pumatak.

"Um... anong meron mamaya?" tanong ni Fea na walang ideya sa sinasabi ni Grace.

"Ah, hindi ba nasabi sayo ni Arriane?" malambing na wika ni Grace sabay singhot. Bahagya niyang pinahid ang maliit na ilong sa sleeve sa kaniyang braso.

"Ay sorry! Nakalimutan ko, Grace," nilingon ni Arriane si Grace.

"Ah, okay lang," sagot ni Grace sabay tingin kay Fea. "Bale birthday ko kasi..."

"Uy, happy birthday!" nakangiting bati ni Fea.

"Ah, thank you!" tumugon ng ngiti si Grace at pansamantalang itinigil ang paggagayat. Hinawi ng kaniyang kaliwang braso ang ilang strand ng shoulder length niyang buhok na bahagyang tumakip sa kaniyang mukha. "Bale birthday din kasi nung friend ko ngayon. Co-teacher ko din sa St. Mary's. Pareho kaming 30 na. Eh napagkasunduan namin na sabay na lang kami magcelebrate. Kaya mamayang gabi pagdating nyo, umakyat na lang kayo sa taas. Sa flat na kasi nila kami maghahanda."

Don, sa FujairahWhere stories live. Discover now