Chapter 25

4 3 0
                                    

Hanggang sa kasalukuyan, may oras pa ring napapanaginipan ni Fea ang mga masamang pangyayari sa kaniyang nakaraan. Pilit niyang kinalilimutan ngunit hirap niya itong magawa. Lalu na ang mga naganap sa mismong araw ng kaniyang kasal...

Katatapos lang ayusin ang kaniyang buhok noon nang biglang may kumatok sa tinutuluyan nilang kuwarto sa hotel na pagdarausan ng reception at garden wedding.

"Ayan, ang ganda ng pagkaka-up-do ko sa hair mo," maarteng sabi ni Kuya Pogi sa nakaupong si Fea. Maskulado ang matangkad na morenong parlorista na close friend ni Fea.

"Ay, type ko sya," excited na tugon ni Fea habang ina-admire sa malaking salamin sa kaniyang harapan ang pagkakaayos ng buhok.

"Fea," tawag ni Mama Marlyn sa anak.

Nakita ni Fea mula sa salamin ang ina na may kausap na babae sa may bukas na pintuan. Hindi pamilyar sa kaniya ang hitsura ng balingkinitang babaeng may kargang tulog na batang lalaki na tila ba nasa isang taong gulang na.

"Halika, pasok ka," anyaya ni Mama Marlyn sa babae. "Fea," tawag niyang muli sa anak habang naglalakad papalapit dito kasama ang babae.

Balingkinitan ang maputing babaeng halos kasing taas ni Fea na tila hindi nalalayo sa edad nito. Nakangiting pinagmasdan ni Fea ang paglapit ng babae sa kaniya na para bang napipilitan lang sa pagngiti nito.

"Hi, Fea," mahina't tipid na bati ng babae kay Fea.

"Hi," tugon ni Fea sa reflection ng babae sa salamin na nakatayo sa kaniyang likuran. Habang abala naman si Kuya Pogi sa pag-ayos ng gagamiting belong ikakabit sa buhok ni Fea. "Sino sila?" tanong ni Fea. Nakatingin pa rin siya sa reflection ng babae sa salamin.

Kita ang gulat sa mukha ni Kuya Pogi na nakatayo sa kaniyang gilid, gayun din sa mukha ng inang nakaupo sa maliit na sofa't nanonood sa mahinang volume ng pang-hapong programa sa TV. Maaaring hindi inakala ng ina na isang estranghero pala ang babaeng pinapasok niya.

"Pwede ba tayong mag-usap," biglang sumeryoso ang mukha ng babae.

"Tungkol saan?" unti-unting nawala ang ngiti sa mga labi ni Fea. Unti-unti niya ring nararamdaman ang pagbilis ng pagtibok ng kaniyang dibdib.

Parang biglang nag slowmo ang pagkilos ni Kuya Pogi sa pag-aayos ng belo. Tila ba nakikiramdam siya sa mangyayari. Napahinto naman sa panonood ng TV si Mama Marlyn nang biglang napatingin sa babaeng bisita. Kasabay nito ay ang maingay na pagtunog ng flush ng banyo at paglabas ni Arriane mula rito.

"Ay, may bisita pala," kumento ni Arriane habang nagpupunas ng kamay sa hawak na tissue. Sa lakas ng kaniyang boses, napatingin sa kaniya ang mga tao sa silid. "Opsss," sabi niya na tila ba nahiya, sabay tapon sa maliit na trash bin ng gamit na tissue. Inayos niya ang strap ng kaniyang kulay peach na gown at naupo sa tabi ni Mama Marlyn.

Dahan-dahang tumayo si Fea at seryosong humarap sa babaeng bisita. Sa simple niyang fresh make-up look at up-do hair style, litaw na litaw ang natural niyang ganda sa suot na tube top lace flower wedding dress.

Bumaling din ang tingin ng babae kay Fea. Bagama't lipstick lamang ang tanging kumukulay sa kaniyang mukha, hindi maikakaila ang ganda ng kaniyang makinis na pisngi at maputing balat na bumagay sa bright yellow sleeveless top at fitted black jeans niyang suot.

Huminga ang babae ng malalim, saka umayos sa pagkakatayo habang karga ang tulog na batang lalaki. Tila ba pinipilit niyang itago sa seryoso niyang mukha ang kaba.

"Ako nga pala si Camila, at eto si Niko," marahang tinapik ng babae ang likod ng batang natutulog sa kaniyang balikat. "Anak namin ni Matt... ng pakakasalan mo."

Don, sa FujairahWhere stories live. Discover now