Chapter 11

9 4 5
                                    

"Sya yung nakita kong sumusunod sakin sa work!" bulong ni Fea sa sarili. Dala ng kaba, naramdaman niya ang biglang pagpapawis ng kaniyang kamay sa malamig na gabing iyon. "Hala! Sino ba to?" Ang mga hakbang niya'y unti-unting bumilis habang bitbit sa magkabilang pawis na kamay ang medyo may kabigatang malalaking plastic at ang supot ng pagkain. Bagama't sumagi sa kaniyang isipan ang paglapit upang kumprontahin ang kaduda-dudang lalaki, ang pag-aalinlangan niyang baka may pinaplanong masama ang taong iyon ang nag-udyok sa kaniya upang magmadali't bilisan na lang ang paglalakad sa medyo may kadilimang daan na tila ba mahabang parking lot sa dami ng mga sasakyang nakaparada sa tapat ng bawat building na magkakahilera.

"Ayyy!" gulat na tili ni Fea nang may biglang bumangga sa kaniya. Isang matangkad na lalaki ang biglang sumulpot sa gilid ng isang building na lilikuan niya.

"Opsss! Sorry," paumanhin ng matangkad na lalaki. "Are you okay?" tanong nito nang damputin niya ang isa sa malaking plastic ni Fea na kaniyang nabitawan sa gulat. Buti na lamang at nakabuhol ang plastic kung kaya't hindi tumapon ang laman nang ito'y mabitawan. At bagama't mahigpit ang pagkakahawak ni Fea sa supot ng pagkaing dala, hindi naiwasang ito'y maalog at bahagyang tumagas ang gata ng bilu-bilo sa loob ng plastic. 

Dala ng liwanag galing sa tindahan sa gilid ni Fea, namukhaan siya ng kaniyang nakabangga.

"Kaka?" usal ng matangkad na lalaki nang inabot nito sa kaniya ang pinulot na malaking plastic. "Ikaw pala yan," dagdag pa niya.

Kabadong tiningala ni Fea ang nakabanggang lalaki. Halata sa kaniyang tipid na kilos na wala siya sa sarili. Ang isip niya sa mga sandaling iyon ay nakapokus sa lalaking sumusunod sa kaniya. Ang takot na naglalaro sa imahinasyon niya na naroon na sa kaniyang likuran ang lalaking sumusunod ay hindi maitatanggi nang magulat siya sa muling pagtawag sa kaniya ng lalaking kaharap.

"Kaka, ayos ka lang ba?" pag-aalalang tanong ng lalaki. Bahagya nitong itinaas ang sleeve ng kaniyang itim na sweater. "Bakit parang may kinatatakutan ka? Anong nangyari?"

"Ha? Ah, eh..." saglit na napatingin si Fea sa kaniyang likuran, matapos ay muli niyang tiningala ang lalaking kausap. Doon palang niya napagtanto na si Kaka pala ang kaniyang kaharap. "May sumusunod kasi sakin," may nginig na sabi ni Fea sa mahinang tinig. Ang dating pangit na asal niya sa tuwing nakikita ang makulit at nakakainis na si Kaka ay dinaig ngayon ng nararamdaman niyang pangamba. Ang kasungitan at iritableng ugali ni Fea sa tuwing nakakatagpo niya sa mga hindi inaasahang pagkakataon si Kaka ay hindi makita sa kasalukuyang takot niyang kilos.

"Ha?" gulat na usal ni Kaka. Masusi niyang tinignan ang paligid. "Tara," maginoong inalalayan niya si Fea para dalhin sa tapat ng mas maliwanag na tindahan. Kinuha niya ang isa sa malaking plastic na dala ni Fea habang lumalakad papalapit sa maliit na supermarket. "Ang lamig ng kamay mo," nag-aalalang sabi ni Kaka ng bahagyang dumampi ang daliri niya sa kamay ni Fea nang kunin ang plastic na dala.

"Kilala mo ba kung sino yung sumusunod sayo?" usisa ni Kaka nang huminto sila.

Maliwanang at matao ang lugar na tinigilan nila kung kaya't bahagyang napanatag si Fea.

"Hindi eh," mahinang tugon ni Fea. Lumingon siya at pinagmasdan ang mga taong naglalakad. "Wala na sya," sabi niya sabay tingin muli kay Kaka.

"Hindi mo ba sya namukhaan?" tanong ni Kaka habang nakatitig sa mga balisang mata ni Fea.

"Minsan ko na syang nakita sa supermarket. Parang gusto nya din akong lapitan non. Pero sa bilis ng lakad ko, hindi na nya ako naabutan," hindi komportableng sagot ni Fea.

"Tara, hahatid na kita," diretsahang pahayag ni Kaka sabay kuha sa mga supot na bitbit pa ni Fea.

Hindi na tumanggi pa si Fea. Hinayaan niyang kunin sa kaniya ang mga dala-dala. Hinayaan niyang samahan siya ng lalaking hindi niya lubusang kilala. Bagama't kinaiinisan niya ang lalaking iyon dahil sa mga hindi magandang pagkakataon ng kanilang pagtatagpo, hinayaan niya ang sariling magtiwala rito.

Don, sa FujairahWhere stories live. Discover now