Chapter 12

13 5 5
                                    

Nang gabing iyon, matapos maghapunan, inilabas ni Fea sa malaking plastic ang mga Avon products at isa-isang hinilera ang mga ito sa kama ni Arriane. Maingay ang kaluskos ng mga balot nito, mabuti na lang at solo niya ang kwarto at walang naiistorbo. Dahil ang dalawang teacher na karoom-mate nila ay piniling gumagawa ng lesson plan sa maluwag nilang sala.

Bagama't abala, hindi pa rin mawala sa isipan ni Fea ang pangamba sa lalaking stalker. Habang nakatanghod sa mga makulay na undergarments, lipstick, t-shirt at blouse sa kaniyang harapan, sumisiksik pa rin sa kaniyang isipan ang takot.

Kilala ang Fujairah sa isa sa pinakasafe na lugar sa UAE, kung kaya't pilit na kinukumbinsi ni Fea ang sarili na isolated case lamang ang nangyari at walang dapat ipag-alala.

Anu ba, Fea. Magpokus ka nga! Andami mo pang gagawin oh. Paalala niya sa sarili.

Pilit na itinuon ni Fea ang kaniyang atensyon sa mga Avon products at sa katabing listahan. Di kalaunan, habang umuusad ang oras, dahan-dahan na siyang nalunod sa pinagkakaabalahan.

Isa-isang minessage ni Fea ang mga taong nag-order sa kaniya. Kasunod noon ang pag-label at pag-ayos niya sa mga produktong idedeliver sa mga darating na araw.

Mag-aalas onse na ng gabi nang matapos siya sa tahimik na pagsagot sa mga reply kung kelan at saan ipi-pick up ng mga nag-order ang kanilang mga items. Naabutan siya ni Arriane na nakaupo sa plastic na upuan sa tapat ng maliit na mesa sa tabi ng kanilang double deck. Ang mahinang ilaw sa nakapatong na lampshade na tanging liwanag sa kwarto ay nakatapat sa maliit na notebook niyang sinusulatan.

Nalinis na ni Fea ang higaan ni Arriane bago pa ito dumating. Ang dalawang dalagang sina Grace at Marilou na kasama nila sa silid ay tulog na, kung kaya't hindi na rin magawang mag-ingay ni Fea.

"Ehem," paramdam ni Arriane kay Fea habang papalapit ito sa kaniya.

"Uy, Pok," halos pabulong na sabi ni Fea. Nakangiti siyang sumulyap sa kaibigan bago pinagpatuloy ang paglilista.

"Wow! Ang daming order ha," mahinang bati ni Arriane sabay silip sa malaking plastic sa tabi ni Fea. "Andito na ba yung order ko?"

"Ah, wala pa," pabulong na sagot ni Fea. Chineck niya ang cellphone sabay sabing, "Sa susunod na linggo pa yung brief mo. Wag excited."

"Sira ka talaga!" nagpipigil sa tawang sabi ni Arriane. "Nga pala," inilapag niya ang dalang bag sa tabi ng mga plastic ni Fea. "Asan na yung promise mo?" mahinang tanong niya habang kinukuha ang nakapatong na pambahay sa kaniyang unan. Matapos ay tahimik siyang lumakad patungo sa gilid ni Fea, at doon, nagpalit siya ng damit.

"Ah, oo nga pala," tumigil si Fea sa pagche-check ng phone. "Tara sa kitchen. Iinitin ko," bulong niya sabay tayo. "At may kukwento nga pala ako sayo. Grabe, may stalker ako."

"Hay nako. Hindi ka na talaga tinigilan ng Kaka na yan."

"Shhh," pagsuway ni Fea sa kaibigang bahagyang lumakas ang boses. "Hindi si Kaka. Iba," bulong niya.

Gulat na tingin ang sinukli ni Arriane sa kaniya.

"Halika na sa kitchen. Kukwento ko sayo." Hinila niya ang kamay ni Arriane at saka naglakad palabas ng kwarto.

Nang sinimulang initin ni Fea ang ginataang bilu-bilo ni Arriane, sinimulan na din niyang ikuwento ang nangyari tungkol sa stalker, ang pagtatagpo nilang dalawa ni Kaka, hanggang makauwi siya sa flat.

"Bigla nga akong tinablan ng hiya," sabi ni Fea habang abala si Arriane sa pagsimot ng ginataang bilu-bilo. "Biro mo, tinulungan na nya ako sa mga dala ko tapos hinatid nya pa ko dito pero ni hindi ko man lang naitanong kung saan sya pupunta pagkaalis nya. O kung dito din ba sya sa building natin nakatira?"

"Hmmm..." usal ni Arriane habang binubuksan ang tupperware kung saan nakalagay ang leche flan. "Mukang rumurupok ka na, Pek, ah," sabi niya sabay subo sa kutsarang sinandok sa leche flan. "Di pa nagsosorry sayo sa nagawa pero mukang lumalambot ka na kay Kaka ah," sabi pa niya sabay salo ng kamay sa kapiranggot na leche flan na biglang lumabas sa kaniyang bibig. "Anu ba yan!"

Tumayo si Fea at kinuha ang tissue box sa ibabaw ng water dispenser.

"Don," wika ni Fea sabay abot ni tissue kay Arriane.

"Ha? Thanks!" litong sabi ni Arriane.

"Don. Don ang pangalan nya. Hindi Kaka," malumanay na pagtatama ni Fea.

"Aba! At hindi na sya Kaka ngayon ha?" May bahid ng pang-aasar na sabi ni Arriane habang pinupunasan niya ng tissue ang tumulong sugar syrup sa lamesa.

"Siguro naman," tinukod ni Fea ang dalawang siko sa ibabaw ng lamesa at nangalumbaba siya na para bang nag iisip. Nakapokus ang mga mata niya sa kutsarang gamit ni Arriane sa muli nitong pagkain. "Tama lang na tawagin ko na sya sa totoong pangalan nya dahil niligtas nya naman ako kanina."

"Ha? Anu namang niligtas?" bulalas ni Arriane na napatigil sa pagkain, habang ang mga mata ni Fea na nakatingin pa rin sa kutsara'y unti-unting pumupungay.

"OA ka na, Pek, ha! Eh ang dami kayang dumadaan dun sa may hilera ng Panaderia sa mga ganung oras. Hindi ka maaano don ano? Uy!" pinitik ni Arriane ang daliri sa tapat ng mukha ni Fea. Bigala namang nagulat ang nakatulalang si Fea sa ginawa ng kaibigan.

"Hay nako. Antok ka na ata eh. Halika na," tumayo si Arriane saka tinakpan ang natirang pagkain. "Matulog na tayo. Bukas ko na uubusin to."

Don, sa FujairahWhere stories live. Discover now