Chapter 36

5 2 0
                                    

Sampung minuto makalipas ang alas singko ng hapon nang huminto ang minamanehong sasakyan ni Don sa labas ng office building ng kaniyang pinsang si Janet.

"Pambihira, late na ata ako," sabi niya sa sarili nang ishift niya sa parking ang gear ng kotseng dala. Habang nakabukas ang makina ng kotse, ibinaba niya ang semi-tinted na salamin ng sasakyan sa magkabilang gilid at saka sumilip sa labas ng bintana.

"San na kaya si Ate?" tanong niya habang palinga-linga sa paligid. "Teka, matawagan nga," sabi pa niya sabay kapa sa kaniyang bulsa. "Huh? San na yung cellphone ko?" pagtataka niya nang wala siyang nakapang telepono sa bulsa.

Kunot noong tinanggal ni Don ang kaniyang seatbelt at saka tinignan ang upuan sa likod – kung saan niya inilapag ang dalang clear envelop. "Anak ng patis, san napunta yon?" sabi niya nang bigo siyang makita ang telepono sa likod ng upuan, sa ilalim ng upuan at sa loob ng glove compartment.

"Oh, anu yang hinahanap mo?"

Gulat na napatingin si Don sa babaeng biglang sumulpot sa gilid ng kaniyang bintana.

"Oh, ikaw pala yan, Ate," sabi ni Don kay Janet na bahagyang nakayuko't nakasilip sa bintana.

Tumindig nang maayos si Janet at saka umikot sa kabilang side ng sasakyan. Habang abala si Don sa pagsara ng glove compartment, binuksan ni Janet ang pintuan sa passenger side.

"Anu bang hinahanap mo?" tanong niyang muli pagkaupo sa loob ng kotse.

"Yung cellphone ko, di ko makita eh," muling sinilip ni Don ang ilalim ng kaniyang upuan.

"Kung wala dito sa kotse, malamang naiwan mo yon sa bahay. Kung di naman, baka sa ibang lugar. Teka, saan ka ba huling nanggaling?" tanong ni Janet.

"Sa Carrefour," sagot ni Don habang nakatitig sa manibela. "Dumaan ako kay Fea kanina para magpaalam, tapos... syete mil!" bigla niyang pinalo ang manibela. "Naipatong ko sa display shelf ni Fea yung cellphone ko," napagtanto niya.

"Ayun naman pala. Dun mo lang pala naiwan," sabi ni Janet habang ikinakabit ang seatbelt ng kaniyang upuan. "Halika na't daanan na natin."

"Uhm, anu na lang, Ate," nag-iisip na sabi ni Don habang nakatitig sa windshield at ikinakabit ang sariling seatbelt. "Hatid na lang muna kita sa bahay, tapos saka ako babalik kay Fea," ramdam niya ang biglang pagkabog ng kaniyang dibdib.

"Osige," pagsang-ayon ni Janet bago pinaandar ni Don ang sasakyan.

Makalipas ang isang oras mula nang umalis si Don sa workplace ni Fea, heto na naman siya't nagbabalik sa Carrefour. Malalim ang bawat hinga niya sa mabilis niyang paglalakad at malalaking hakbang papasok ng mall. Sa loob ng isang oras na hindi niya hawak ang telepono, batid niyang marami ng mensaheng pumasok dito. Mga mensaheng naglalaman ng pribadong balita na galing sa kapatid niyang si Feliz na kaniyang hinihintay. Bagama't malakas ang pakiramdam niyang hawak na ni Fea ang kaniyang telepono't nabasa na nito ang mga pumasok na mensahe, umaasa siyang pakikinggan siya ng sinisinta sa kaniyang paliwanag.

Nang makarating sa entrada ng Carrefour, biglang bumagal ang lakad ni Don. Tanaw niya sa malayo si Fea na nakayuko't nakatitig sa sementong sahig na tila nag-iisip. Hindi pa man niya nakikita ang mukha ng minamahal, alam niyang hindi ito masaya.

Sa bawat hakbang papalapit kay Fea, palakas ng palakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Tila ba dinadaig siya ng takot sa pangambang hindi pakikinggan ni Fea ang kaniyang mga paliwanag.

Nakaramdam ng panlalamig ang buong katawan si Don nang tumayo siya sa harapan ni Fea at magtama ang kanilang paningin. Matamlay ang tila ba namamasang mga mata ni Fea at halos walang ekspresyon ang kaniyang mukha. Hindi ito ang inaasahang madatnan ni Don. Parang dinudurog tuloy ang puso niya sa kasalanang hindi niya alam kung paano ipapaliwanag.

Don, sa FujairahWhere stories live. Discover now