Chapter 3: Pagbabalik

3.3K 251 156
                                    

Nang saktong nagpakita ang araw sa gawing silangan ng San Juanico ay ang siya ring paglabas ni Mills sa kaniyang kwarto suot ang kaniyang uniform. Kasalukuyan niyang inaayos ang napakagulo niyang buhok na nagmukha ng pugad dahil sa hindi kaaya-aya nitong itsura. Umaga pa lang ay tinubuan na siya ng inis dahil kahit anong gawin niyang pagsuklay, wala pa ring nangyayari.

"Kung bakit ba kasi nakalimutan ko pang bumili ng conditioner. E 'di sana, hindi ako magtitiis ngayon," mahina niyang maktol nang sagayon ay hindi siya marinig ng kaniyang Lola. Saktong pagdaan niya sa salamin ay hindi na niya pinagtuunan pang tignan ang sariling ekspresyon dahil tiyak na hindi siya matutuwa pagkatapos.

"Ang aga-aga pa oh, pero hindi ko na maipinta 'yang mukha mo," salubong sa kaniya ng matanda na ngayon ay hinahanda na ang baon niya sa eskwela. Asar namang bumaba si Mills sa hagdan at bago tinuro ang suklay na pinalilibutan ng gahul-gahol niyang buhok.

Palihim na lamang itong napailing saka hinawakan sa kamay ang dalaga para paupuin sa may kaliitang silya.

"Ang sabi ko naman kasi sa'yo na gupitan na natin 'tong buhok mo pero ayaw mo namang pumayag," sabi nito pero nangunot lang ang noo ni Mills.

"Luh, ayaw ko nga. Gusto mo kayang i-lebel sa balikat ko iyong buhok ko tapos gusto mo rin na gupitan iyong harapan para may bangs ako," madalian niyang reklamo. "Hindi ko ma-imagine sarili ko, Loli. Ang pangit no'n." Dagdag niya pa bago sumilip sa bintana para panoorin ang mga sasakyang paparoon at paparito.

"Siya nga pala, Loli. Nakaalis na ba si Kuya?" tanong ni Mills at bahagyang lumingon sa likuran para silipin ang gawing itaas kung saan nakapwesto ang kwarto ng kapatid na kaharap lang din ng silid niya.

"Kanina pang madaling araw umalis ang Kuya mo," mahinahong sagot ng kasama. Saglit niyang pinihit-pihit ang ulo ng dalaga para tignan kung may buhok pa bang hindi niya naayos at nang makuntento sa kaniyang nakita, ay doon na niya binitawan ang suklay.

"May usapan ba kayong sasabay ka sa kaniya?" tanong nito na siyang palihim na ikinaismid ng apo. Muli na naman niyang naalala ang bangayan nila kagabi. Kung alam niya lang sana na babarahin siya ng kapatid, hindi na lang sana siya nagtanong pa.

Akmang sasagot na sana si Mills pero natagpuan niya na lang ang sarili na napahinto nang maunahan siya ng kausap.

"Kahit pa kumbinsihin niya akong isama ka nang gano'n kaaga ay hindi pa rin ako papayag," aniya habang inaayos ang hapag-kainan.

"Po? Pero si Kuya naman iyong kasama ko, a."

"Hindi sa wala akong tiwala riyan sa Kuya mo o kahit sa seguridad ng school niyo. Ang akin lang naman..." saglit siyang huminto saka binalingan ng tingin ang dalaga na nakaupo pa rin sa stool habang inaantay ang kaniyang idudugtong. "Gusto ko lang masiguro ang kaligtasan mo."

"Pero nasa loob lang naman ako ng Juanico High, Loli. Hindi naman ako lalabas kaya ba—"

"Mills, hija..." madalian niyang putol sa sinasabi ng apo, "kahit pa sabihin mo sa'kin na nasa loob ka lang ng school niyo, hindi mo pa rin masisiguro kung ligtas ka."

Pangangaral nito na siyang ikinatahimik ng apo. Aminado ang dalaga na makailang ulit na siyang pinapangaralan ng kaniyang lola lalo na at sa kanilang magkapatid ay siya ang mas pinagtutuunan ng pansin, hindi dahil sa babae siya kundi sa kadahilanang sakitin siyang bata.

"Tignan mo nga iyong nangyari sa kaklase mong si Chloe. Ikaw na nga iyong nagsabi na hindi iyon lumabas, tama? Pero hanggang ngayon wala pa rin tayong natatanggap na balita kung nasaan na nga ba ang batang iyon," paliwanag pa nito na siyang nakapagpaurong sa dila ng dalaga na mas piniling huwag na lamang magsalita pa. "Tsaka hindi rin naman kasi sila magtatagal sa school. Didiretso na sila kaagad sa City Gym at ayaw ko namang tumambay ka roon sa room niyo nang mag-isa. Delikado iyon para sa iyo, babae ka pa naman."

Save UsWhere stories live. Discover now