Chapter 7: Tunggalian

2.1K 185 74
                                    

"ZOMBIE!"

Kaagad nagsitayuan ang lahat at nag-umpisang magtakbuhan papalayo nang nagsimulang umatake ang mga halimaw sa kapwa lang din nila estudyante. Kitang-kita ni Mills kung papaanong sa isang iglap lang ay nagkagulo ang loob ng cafeteria.

Kaliwat kanan ang nakikita niyang takbuhan at ang halo-halong sigawan at angil na pumupuno sa malawak at kwadrado nitong silid. Ngunit sa kabila ng kaniyang mga nasaksihan ay nanatili siyang tuod. Kasalukuyan pa rin siyang nakatayo habang bitbit  ang order ng kaniyang guro. Ni kahit ang kumurap o umatras man lang ay hindi na niya nagawa pa dahil sa tila takot na bumabalot ngayon sa kaniyang sistema.

"A-Anong nangyayari?" nalilito niyang usal nang hindi mapigilan ang sarili na manginig at magpalipat-lipat ng tingin. Hindi niya magawang intindihin ang gulong nangyayari ngayon at ang isang bagay na hindi niya maipaliwanag ay kung bakit may mga kapwa siya estudyante na hindi na maipinta pa ang itsura. Marahas ang mga iyon kung kumilos at ang mas nakakahindik pang senaryo na nasaksihan niya ay kumakain ito ng tao. Bagay na mas lalong nagpanindig sa kaniyang balhibo dahil hindi talaga sila nalalayo sa itsura ng isang zombie.

"Mills!"

Patuloy din siyang nababangga ng ibang mga nandito  na mahahalatang nawawalan na nga ng pakialam sa ibang tao at puro na lamang sarili ang iniisip. Sa halip na mainis o pumatol sa mga nakakadaupang palad niya ay hindi na niya iyon pa napagtuunan ng pansin. Saktong paglingon niya sa bandang kaliwa ay ang siya namang pagkabasag ng dingding na gawa sa salamin. Mabilisang nagsihulog ang nagkapira-pirasong bahagi nito maging ang mga bubog sa ibaba at ang siya ring pagpasok ng mga panibagong grupo ng mga halimaw.

"Mills!" Muling isinigaw ni Yohan ang pangalan ng kaibigan sa kagustuhang agawin ang atensyon nito. Hindi niya alam kung naririnig ba siya ng kaklase o hindi lalo na at punong-puno ng ingay ang loob. Idagdag pa ang katotohanan na may kalayuan na ang agwat nila ngayon lalo na at naitulak din siya papalayo ng mga estudyante rito kanina.

Kahit ano pa ang gawin niyang pagkuha sa atensyon ng dalaga ay hindi  talaga ito lumilingon sa gawi niya. Lalo na at may mga halimaw din sa paligid na pinipilit harangan ang kaniyang pag-alis. Akmang makikipagpalitan ng atake si Yohan pero natigil na lamang iyon nang biglaan niyang marinig ang isinambit ni Corbin.

"Tol, si Mills!"

Nang mag-umpisang umatake ang panibagong grupo ng mga halimaw ay ang siya ring pagbagsak ni Mills sa matigas na sahig. Hindi na nakayanan pa ng kaniyang sarili ang panatilihin ang kaniyang balanse lalo na at kung sinu-sino na lamang ang tumutulak sa kaniya. Ramdam niya ang sakit na nagmumula sa kaniyang likod at ang namumuong  kirot sa kaliwang siko na siyang ginamit niyang pantukod para hindi mauntog ang kaniyang ulo.

Sa kabila ng kaniyang sinapit ay tiniis niya ang sakit saka nag-umpisang gumapang paatras para makaiwas sa mga mesang nagsisitumbahan at para na rin makahanap ng mapagtataguan. Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay naagaw niya nang tuluyan ang atensyon ng isang zombie na nakatalikod ngayon sa kaniya.

Dahan-dahang lumingon ang ulo nito kasabay ng marahan nitong pagkilos. Kitang-kita ni Mills kung paanong binago ng hindi matukoy na dahilan ang itsura ng kapwa niya estudyante. Inusisa niya itong maigi, una niyang napansin ang nanlilisik at napakaputi nitong mata, mga dugong tila bahang patuloy na dumadaloy paibaba mula sa ilong at bibig nito, at panghuli ay ang maputlang balat ng kaharap na pinaliligiran ng mga nagsilitawang itim na ugat.

Dala ng labis na pagkagulat ay muli siyang hindi nakakilos, tila ba nakandado ang kaniyang mata sa halimaw at nakalimutan na ng kaniyang katawan ang gumalaw.

"Tangina!" magkahalong kaba at takot niyang usal.

Walang sinayang pang pagkakataon ang papalapit na zombie at parang asong ulol na sinarado ang distansya nila ni Mills. Huli na para sa dalaga ang makaiwas lalo na at mabilisan itong pumaibabaw sa kaniya, mabuti na lamang at naigawa niyang mapigilan ang magkabila nitong balikat kaya hindi umabot ang mukha nito sa leeg niya. Pigil-hininga siyang nakipagtagisan ng lakas habang pinipilit na itinikom ang kaniyang labi nang sagayon ay hindi mapasukan ng pinaghalong dugo at laway na galing sa katunggali ang bibig niya.

Save UsWhere stories live. Discover now