Chapter 25: Pagkikita

1K 88 11
                                    

Tuluyang nakalayo si Yohan mula sa pinanggalingan niyang gusali kung saan sila huling nagkatapat ni Chloe. Kasalukuyan siyang naglalakad ngayon sa isang may kaliitang pasilyo pabalik sa  SEDP building kung saan niya iniwan ang mga kaklase kanina. Ilang hakbang na lang ang aabutin niya at magagawa niya na ring makabalik.

Hawak-hawak ng binata ang kaniyang kaliwang balikat na siyang pinakanapuruhan noong nagkasagupa sila ni Chloe. Nang tuluyan na nga siyang nakapasok sa loob ng gusali ay doon niya na piniling huminto at halos pasalampak na naupo sa madugong sahig. Ramdam niya na ang matinding pagod at sakit na halos lumukob na ngayon sa kaniyang sistema. Hindi pa rin siya tuluyang nakakalimot sa ginawa niyang desisyon kani-kanina lang. Inaatake siya ng mga samut-saring tanong kung tama nga bang winakasan niya ang buhay ng kaklase? Tama bang inilagay niya ang batas sa mga kamay niya? O mali bang isakripisyo ang buhay ng dalaga para sa kaligtasan nilang lahat?

"Patawarin mo ako, Chloe," sinsero niyang banggit at kahit alam niyang hindi na siya nito maririnig. Ginusto niya pa ring isatinig ang mga bagay na nais niyang sabihin. "Alam kong hindi ka titigil hangga't hindi mo nasisira ang SD card kaya hindi ko pwedeng ipagkatiwala iyon sa'yo nang ganoon lang kadali. Dahil hindi lang basta-bastang mga sekreto ang laman ng memory card na iyon." Huli niyang banggit bago umayos sa pagkakaupo.

Mabibigat ang hininga na pinapakawalan ng binata at hinahayaan niya ang sarili na makabawi ng lakas kahit papaano sa maikli lamang na oras. Lihim din siyang nagpapasalamat dahil wala na ang mga zombies na kanina lang ay pumuno rito sa corridors. Sa isip niya ay tuluyan na nga itong nagawan ng paraan nila Ledger habang hindi pa sila nakakabalik.

"I was one of those persons na sumubok na protektahan ka, but you crossed the line. Gustuhin ko mang tratuhin ka gaya no'ng kung paano ka namin itrato dati, pero hindi ko na magawa dahil ibang landas iyong pinili mo," mahina niyang sambit at doon sandaling pumikit. "Sa kabila ng lahat ng mga pinakita mo sa'min ni Cody kanina, hindi na ako sigurado kung naging sapat ba iyong ginawa ko para pigilan ka. Pero kung oo, patawarin mo sana ako."

Ilang saglit pa siyang nanatili sa ganoong posisyon, hinayaan niyang lukubin siya ng kalmadong hangin at kinuha niya na rin ang pagkakataong ito para umusal ng dasal.

Nang makabawi ay doon pa siya muling tumayo, kailangan niya pang umakyat sa ikatlong palapag kaya kahit nanghihina ay tumuloy pa rin siya. Akmang hahawakan na niya sana ng handrail ng hagdan nang mahagip naman ng kaniyang tingin  ang mga papalapit na anino na nagmumula sa itaas. Wala sa wisyo siyang napaayos sa pagkakatayo saka tahimik na inantay kung sino nga ba ang mga iyon.

"Yohan?" Banggit ng isang napakapamilyar na boses kaya kaagad siyang sumilip sa itaas. Doon niya nakita si Corbin na nakadungaw sa ibabaw at diretsong nakatingin sa pwesto niya na para bang gustong kumpirmahin kung tama ba ang nakikita niya.

"Putangina, si Yohan nga! Dito, tol!" Dugtong ng binata at doon na hinila-hila ang kasamang si Ryder para ayain itong magmadaling bumaba.

"Anong nangyari sa'yo, Yo?" Salubong sa kaniya ni Ryder matapos siya nitong madatnan dito sa ibaba. Mabilis itong lumapit sa pwesto ng kaibigan at mataman na tinignan ang estado ng kaniyang balikat.

"Masama tama niya, Corbin. Kailangan natin siyang dalhin sa itaas para magamot." Dugtong ng binata bago inakay si Yohan at doon na nga silq nagsimulang umakyat sa hagdan.

"Pero paano si Cody? Hindi ba natin siya hahanapin?" Singit ni Corbin habang nakasunod sa kanilang dalawa. Kaagad na nag-angat ng tingin si Yohan saka niya tinapunan ng nagtatakang tingin ang dalawa.

"Sinundan ka ni Cody kanina, Yo. Hindi ba kayo nagkita?"

"Akala ko ba nandito na siya?" Alinlangan niyang tugon. "Hindi pa man ako nakakabalik sa room natin, magkasama na kami. Pero pinauna ko si Cody na bumalik dito  kaya nag-expect ako na nandito na siya, kasama niyo." Kwento niya dahilan kung bakit gumuhit sa mukha ni Ryder ang matinding pag-aalala para sa matalik na kaibigan.

Save UsWhere stories live. Discover now