Chapter 19: Sinserong Usapan

1.2K 113 6
                                    

Tuluyan na ngang kumagat ang dilim rito sa eskwelahan na siyang nagdulot ng dagdag na kaba sa kanilang lahat. Nawalan na kasi sila ng kuryente kaya tanging ilaw na nagmumula lang sa kanilang cellphone ang siyang nagpapaliwanag sa loob ng room kung nasaan sila Mills ngayon.

Tapos na rin silang kumain ng hapunan at pinagsaluhan ang kakarampot na pagkain na nakuha nila sa kitchen ng room. Kaniya-kaniya na rin silang nagsihanap ng pwesto para makapagpahinga pero pinanatili ng lahat ang kanilang pagiging alerto para maging handa sa mga posibleng mangyari. Husto na para sa kanila ang mga nangyari kanina kaya ayaw na nilang magpakampante.

"Willow," tawag ni Mills sa kaibigan na kanina pa nakaabang sa bintana kung saan nahulog si Alison kanina. Matapos itong pakalmahin ni Meadow ay hindi na niya ito narinig na nagsalita pa o nakihalubilo man lang sa kanila. Naiintindihan niyang nagdadalamhati ito dahil sa pagkawala ng matalik na kaibigan, pero gusto niya rin maging malinaw ang kung anumang hindi pagkakaintindihan nilang nangyari kani-kanina lamang.

"Dinalhan kita ng makakain, tinira ko talaga 'to para sa—"

"Hindi ko kailangan 'yan," agaran nitong sabi dahilan kung bakit naiwan sa ere ang kamay ni Mills na may hawak na pakete ng biscuit. Ito na lang ang nag-iisang pagkain na siyang paghahati-hatian nila ngayon. Dahil ang natira pa sa loob ng kusina, ay para na iyon bukas. "Hindi ko rin naman sinabi na tirhan mo'ko." Dagdag pa nitong sabi nang hindi man lang siya binabalingan ng tingin.

Kusang ibinaba ni Mills ang hawak na biscuit nang hindi nga ito tinanggap ng kausap. Muling nanaig ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa na para bang wala ng may balak na magsalita.

Ilang segundo pa ang nagtagal at pinakiramdaman din ni Willow si Mills, buong akala niya ay aalis na ito pero nagkamali siya. Nanatili pa rin sa likod niya ang kaibigan na para bang walang planong umalis.

"Kahit pa buong magdamag mo akong hindi pansinin. Kakausapin pa rin kita. At kahit Ilang beses mo man akong tanggihan, hindi pa rin ako aalis," untag ni Mills habang tinitignan ang likod ni Willow at inaantay itong humarap sa kaniya. "Kung hindi mo talaga ako magawang pakinggan at patuloy mong iisipin na ako ang may kasalanan kung bakit nawala si Alison sa'yo. Hindi talaga tayo magkaka-ayos nito." Dugtong ni Mills pero wala siyang natanggap na tugon dito.

"Hindi rin ako magpapakapagod na ulit-uliting depensahan ang sarili ko sa mga pinaparatang mo sa'kin dahil alam ko namang babalewalain mo rin naman lahat ng  mga sasabihin ko, di'ba? Nakakapagod din kasing maglaan ng oras para sa mga bagay na ayaw namang pansinin ng iba."

"Umalis ka na." Tipid na sagot ni Willow kay Mills. "Pinapagod mo lang ang sarili mo dahil sa ginagawa mo. Hindi ko rin naman hininging lapitan mo'ko." Dagdag niya pa na siyang dahilan kung bakit naikuyom ng kausap ang kamay niya.

"Hanggang kailan mo ba ako balak na tratuhin nang ganito, Willow?" Agaran niyang tanong. Aaminin niyang nag-uumpisa na siyang masaktan sa pinapakita nito sa kaniya.

"Wala ka ba talagang planong ayusin 'to?" Pero muli, hindi sumagot si Willow. Hindi rin kakikitaan ng pagsisisi at sakit ang mukha ng dalaga sa patuloy nitong pagbabalewala kay Mills. Ang totoo niyan ay siya ang nagkusa mismong lumayo muna sa kanila para magkaroon ng pagkakataon na ikalma ang sarili. Kanina pa siya nawawalan ng kontrol kaya hindi siya makapag-isip nang matino.

"Bakit ba ang hilig mong ilayo ang sarili mo sa oras na nangangailangan ka? Sa pinapakita mo ngayon, Willow. Tanga na lang ang makakapagsabi na ayos ka lang. Down na down ka na oh, pero pilit mo pa rin akong pinapalayo. Gusto lang kitang damayan, okay? Gusto ko lang na samahan ka para maramdaman mong hindi ka nag-iisa. Nandito pa rin naman ako, Wils. Nandito pa rin kami." Bahagyang pumiyok ang boses ni Mills nang sabihin niya iyon. Naging mitsa rin ang mga salitang iyon kung bakit muling namuo ang luha sa mata ni Willow.

Save UsWhere stories live. Discover now