Chapter 6: Pagtatalo

2.2K 184 55
                                    

Lakad-takbo ang ginawa ni Collins upang makalayo sa mga tao rito sa building. Napagdesisyonan na niyang lumabas at sasamantalahin niya na lamang ang sitwasyon niya upang makalabas siya sa campus. Nang saktong nasa quadrangle na siya ay siya namang pagbagsak niya sa damuhan. Nakakaramdam na kasi siya ng matinding hilo at pananakit sa buo niyang katawan kaya tila hindi na kinakaya pa ng sarili niya ang gumalaw pa. Kahit anong pilit niya sa sarili na makatayo, hindi niya na nga talaga kinakaya.

"Miss, okay ka lang? Miss?" tanong ng isang estudyante na mabilis siyang dinaluhan. Hindi nakasagot ang dalaga bagkus ay hinugis kamao niya na lamang ang kaniyang kamay upang pigilan ang sarili na sumigaw sa sakit nararamdaman.

"Tulong po!" sigaw nito nang makita niya si Collins na nag-uumpisang dumura ng dugo at mag-nosebleed. Ilang saglit pa ay tumigil na ito sa kagagalaw na tila ba nawalan na siya ng malay.

"Anong nangyari?" tanong ng isang guro nang mapadaan ito sa pwesto nila. Yumuko naman kaagad ang maestra para hawakan ang dalaga at laking gulat niya na lamang nang sobrang lamig na ng balat nito.

"She fainted po," magalang na sagot ng binata.

"Hold her up, dadalhin natin siya sa clinic," utos ng maestra at madalian namang sumunod ang estudyante.  Akmang ilalagay na niya ang kamay sa gawing likod ni Collins nang sa hindi inaasahan ay biglaang nagdilat ng mata ang dalaga at inatake kaagad ang binata.

Mabilis siyang pumaibabaw dito at bago pa man makapalag ang lalaki ay walang pasa-pasabi niya itong kinagat sa leeg na siyang naging mitsa kung bakit sumirit ang sariwa nitong dugo at bumahid sa berde nitong damo. Bunga ng pagkataranta ay agarang hinila ng guro ang likod ni Collins upang ilayo sa estudyante na ngayon ay panay ang sigaw dala ng labis na sakit.

Nang mabaling ang atensyon ng dalaga sa maestra ay ito na naman ang biniktima niya, mabuti na lamang at ginamit kaagad nito ang kaniyang dalawang kamay upang mapigilan itong sakmalin siya.

Ilang saglit pa ay pinalibutan na sila ng mga estudyanteng nakiusyo na may kaniya-kaniyang hawak na cellphone para kumuha ng mga litrato at video. 

"T-Tulungan niyo a—Ack!" nauutal na usal ng binata habang hawak pa rin nito ang kaniyang dumudugong leeg. Rumaragasa paibaba sa kaniyang suot na uniporme ang presko niyang dugo ngunit wala man lang sa mga nandito ang nagtangkang tumulong sa kaniya dahil sa paniniwala nilang isa lamang itong panibagong palabas ng eskwelahan.

Wala silang kaalam-alam na naging isang halimaw na ang dalaga na siyang hindi lang nila mahalata dahil nakaharang ang buhok ni Collins sa mukha niya.

"Umalis na kayo!" madaliang sigaw ng guro pero hindi nakinig ang mga estudyante bagkus ay sige pa rin ang mga iyon sa pagkuha ng mga litrato hanggang sa hindi na nga nakaya pa ng maestra na pigilan pa ang pwersa ng dalaga kaya napabitaw na ito sa pagharang. Iyon din ang naging rason  kung bakit tuluyan nga itong nalapa ni Collins.

Nawindang ang lahat sa nakita lalo na nang nag-umpisang tirisin ng ngipin ng dalaga ang balat ng maestra. Mabilisang sumirit ang malapot na dugo nito paibaba at ang nakakabinging hiyaw na nagmumula sa guro ang siyang nagdala ng ibayong klaseng takot sa mga nandito.

Tila ba bumagal ang takbo ng oras at hindi pa man lumilipas ang panibagong minuto at doon na halos sabay-sabay na naibaba ng lahat ang hawak nilang mga cellphone at may iilan pang estudyante ang napatutop ng bibig. 

Nang saktong mapaharap sa mga bata ang lupaypay na maestra na ngayon ay dumudura na ng dugo ay saka siya mangiyak-ngiyak na humugot ng lakas bago malakas na sumigaw.

"ALIS!"

Hindi kaagad nakakilos ang lahat nang halos hindi pa maproseso ng mga 'to ang kasalukuyang pangyayari. Dinudumog sila ng iba't-ibang mga tanong at pilit na iniintindi ang kasalukuyang sitwasyon. Nang mabaling na sa kanila ang atensyon ni Collins ay doon pa sila tumalima at nagkaniya-kaniya sa pagtakbo.

Save UsWhere stories live. Discover now