P a r a k a y K i k o

1.8K 96 49
                                    

Para kay Kiko

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Para kay Kiko

Siguro walang makakabasa nito dahil iilan lang ang nakaalam ng baybayin,
ngunit nagbabakasakali akong isang araw makikita mo 'to Kiko at isasalin sa wika na'tin,
kung gano'n ang mangyayari sobrang matutuwa ako,
at kung gano'n nga ang mangyayari, patawad sa'yo.

Ikaw ang dahilan ng lahat ng ito, Kiko.
Ikaw ang dahilan sa bawat "Sige" ko, ikaw ang dahilan sa bawat "Ayos na, naayos ko na."
Hindi ko alam ang gagawin, Kiko.
Hindi ko alam kung anong nangyayari sa'kin. Ikaw ang dahilan ng aking pagngiti,
ikaw ang dahilan kung bakit nalaman ko ang isang bagay na akala ko hindi naman totoo. Hindi ito isang uri ng paninisi,
ito ay isang pag-amin o maaring isang liham para sa'yo,
wala kang kasalanan.
Ngunit ikaw ang dahilan ng lahat ng ito.

Nagsimula ito no'ng una mong binanggit ang pangalan ko,
hindi ko makakalimutan ang mga salitang lumabas sa bibig mo.
"Paki punasan naman ng sapatos ko, Buloy. Natapunan ng sows ng barbikyu e."
dahil sa'yo kaya't naging 'Paki Buloy' ang naging bansag sa'kin,
pinakita mong kaya mo kong kontrolin,
kaya mo kong pasunurin kaya akala ng iba, kaya rin nila.
Dahil sa'yo 'yon Kiko
at dahil sa'yo ang lahat ng mga "Sige" ko
at sa magiging "Sige" ko pa.

Nais kitang maging kaibigan una pa lang, hindi ko alam kung bakit pero gustong-gusto ko.
Marahil sa paraan ng pananamit at paraan ng pagsasalita mo,
o ang paghanga ko sa presensya mo na tila sa isang salita kaya mong hawakan sa leeg ang lahat.

Dahil rin sa'yo kaya nabansagan akong "Tata Buloy."
Naalala mo 'yung mga panahong umamin ka kay Clarissa pero sinabi niyang iba ang gusto niya?
Inamin mo sa'kin 'yon at nanghingi ka ng payo, binigay ko ang gusto mo.
Hindi ko naman aakalaing pati sa iba ay sasabihin mo, hindi ko aakalaing ipagmamalaki mo ang kagalingan ko sa pagpayo.
Kaya wala akong magawa kapag may lumalapit sa'kin para magpapayo,
pero ikaw ang dahilan sa lahat ng "Sige" ko.

Naalala mo rin 'yung mga panahong nag-inuman tayong dalawa?
'Yung kahit anong rason ko hindi mo ko pinayagang umuwi?
Hindi ako tanga, Kiko.
Alam kong gusto mo kong lasingin,
hindi ko alam kung anong balak mo ngunit humihingi ako ng tawad dahil sa mga naikwento ko,
pero totoo ang lahat ng 'yon.
Totoo akong tao.

Bukod sa pamilya ko, dahil sa'yo kaya gusto ko pang makapasok sa susunod na semestre, gusto pa kitang makasama,
gusto ko pang marinig ang mga tawa mo, kaya gumawa ako ng paraan.
Naghanap ako ng butas sa katas-taasan, wala na akong ibang paraan.
Iyon lang ang naiisip kong magsasalba sa pag-aaral ko at sa muling pagtanaw sa nanliliit mong mata kapag tumatawa. Naghanap ako ng ebidensya,
umasa ako sa swerte at may inasahan ako. Dahil do'n magkasamang muli tayo.
Hindi ko makakalimutan ang pagsigaw mo kasama ko,
hindi ko makakalimutan ang tubig na inaabot mo sa tuwing nakikipaglaban tayo,
kasama kita sa gitna ng mainit na panahon. Ikaw ang kauna-unahang natuwa nang malaman na'tin na nagtagumpay tayo. Galing sa'yo ang ilang malalakas na ebidensya na hindi ko alam kung saan mo nakuha,
pero dahil sa'yo Kiko kaya tayo'y nagkasama.

Hindi mo alam kung gaano ako kasaya kapag kasama kita,
hindi mo alam kung gaano nabubuo ang araw ko kapag nakikita kitang tumatawa, Dahil sa'yo Kiko kaya nagsumikap ako.
Dahil sa'yo Kiko, kaya naging kuntento ako sa buhay ko.
Ikaw ang bumubuo sa sistema ko.

Gusto kong sabihin na naging masaya ako sa mundo mo,
gusto kong sabihin na ang sarap mamuhay sa mundong ginagalawan mo.
Pero, Kiko patawarin mo ko.
Gaya ng sabi ko, kahit kailan hindi mo maiintindihan.

Naging mabuti kang kaibigan ngunit naging traydor ako,
naging totoo ka sa lahat ng nararamdaman mo pero nagsinungaling ako.
Hindi mawala sa'kin ang mga pag-aalala mo, hindi mawala sa isipan ko ang lahat ng paglalambing mo,
hindi ko makakalimutan ang 'yong mukha, patuloy kong yayakapin ang 'yong buong pagkatao.

Hindi ko makakalimutan ang bawat pagtitig mo sa'kin habang nagkukwento,
ang bawat pagngiti mo sa tuwing kasama mo ko,
hindi ko makakalimutan 'yung unang pagkakataong tiningnan mo ko sa mata dahil ayun rin ang parehong panahon na alam kong may nararamdaman na akong kakaiba.

Alam mo ba? Isang beses tinitigan kita. Nakatulog ka no'n silid-aklatan no'ng mga panahong sabay tayong nag-aaral dalawa. Kinabisado ko ang bilugan mong mata,
ang tamang tubo ng 'yong ilong,
ang manipis ngunit mapula mong labi,
ang makinis at maamo mong mukha.
Alam mo ba? Hiniling ko pa nga na sana palagi ka na lang tulog para matitigan pa kita.
Ngunit alam kong mali,
maling-mali Kiko.
Nagkamali ako,
Nagkasala ako.

Humiling ako sa Diyos ng mga panahong walang-wala na talaga ako.
Gusto kong sabihin sa'yong totoo siya, Kiko. Totoong may Diyos na handa kang iangat sa pagkakalunod mo.
Narinig niya ang mga panalangin ko,
sa isang iglap may nakakain na kami. Nagkaroon na ako ng trabaho,
malulusog na ang mga kapatid ko,
may gamot na si Mama.
Kaya natatakot ako na dahil lang sa nararamdaman ko,
kunin ng Diyos ang lahat sa'kin, muli. Natatakot ako na dahil sa kasalanan ko, maghirap kaming muli.
Hindi na Kiko,ayoko ng maranasan ng mga kapatid kong dinadaan sa tulog ang kulo sa loob ng sikmura,
ayoko ng makitang nahihirapan ang nanay ko ngunit wala akong magawa.
Hinding-hindi na. Kaya tinago ko,
kaya iniwasan kita. Patawarin mo ko,
dahil magkaibigan tayo at
hindi nanatiling kaibigan ang tingin ko sa'yo.

Nilayuan kita, ayoko ng mas lumalim pa. Pero no'ng mga panahong nakikita kitang masayang nakikipagtawanan kay Clarissa, naramdaman ko 'yung hapdi.
Ibang klaseng hapdi na parang sugat na may nana na pinigaan ng kalamansi,
Dito. Dito sa dibdib ko.

Hindi ko kaya, Kiko.
Hindi ko kaya 'yung sakit.
Kinabahan ako, alam kong pinaparusahan ako ng Diyos.
Dahil kung tama ito, hindi niya dapat ako hahayaang masaktan ng ganito 'di ba?
Wala akong utang na loob sa kanya, nakagawa ako ng malaking kasalanan, nakagawa ako ng malaking kasalanan sa'yo.

Kaya napagdesisyunan ko na,
na kung babawiin man ng Diyos ang lahat-lahat,
sana bawiin niya na rin ang nararamdaman ko.
At kung babalik man kami sa pinaka umpisa, ayoko ng makita.
Ayoko ng maranasan ng mga kapatid at magulang ko ang sakit na naranasan ko na.

Dahil sa'yo Kiko kaya ako nagsimula,
pero dahil rin sa'yo kung bakit ko tinapos. Nagpapasalamat ako dahil nabasa mo 'to, at humihingi ako ng tawad sa mga nabasa mo.

Buloy | Watty's 2018 Award Winner - The ChangemakersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon